Paminsan-minsan ang isang tao ay nahaharap sa iba't-ibang uri ng pagdadalamhati at mga suliraning pisikal at ispirituwal dito sa mundong kanyang ginagalawan. Mabibilang na dito ang isang pakiramdam na lubhang napakabigat, yaong hindi kayang ikumpara sa anupamang sakit at hirap sa pangangatawan o pisikal na antas lamang. Ang damdaming ito na siyang nagdudulot ng malaking pagkabalisa sa kaluluwa ng tao ay tinaguriang “regret” o “panghihinayang.”
Malalaman nating mayroong dalawang ganap na magkaibang uri ng panghihinayang. Ito ay ang panghihinayang na nararanasan ng mga taong may pananampalataya, at ang panghihinayang dinadaanan naman ng mga taong hindi nananampalataya o walang pananampalataya.
Ang mga mananampalataya ay ang mga taong mayroong tunay at lubos na pananalig, sila ay may matibay na paniniwala na ang lahat ng mga kaganapan ay nangyayari dahil sa kapahintulutan ni Allah (“God’s Will) at anupaman ang dumating sa kanila buhay ay sa kapahintulutan pa rin ni Allah (“God’s Will). Ito ay ang siyang makakapagpaliwanag kung bakit mayroon silang sadyang napakalaki at kamangha-manghang kakanyahang maialay ang walang-humpay na tiwala kay Allah....sa magagandang pagkakataon man sa buhay nila, sa gitna man ng mga problema o lalo’t higit kapag nakakagawa sila ng mga pagkakamali. Madali para sa isang tunay na mananampalataya ang mabilis na paglapit kay Allah, ang humingi ng agarang kapatawaran para sa kanyang mga pagkakasala ng buong puso o sinseridad, at ang lubos na umasa na si Allah ay ang Tunay na Mapagpatawad. Ang resulta, makaranas man siya ng ilang pighati na dulot ng “regret” o panghihinayang, ito’y hindi magiging mabigat o pangmatagalang pagdurusa, bagkus nagiging magaan ang mga ito at pawang panandalian lamang. Ang “regret” o panghihinayang na nararanasan ng taong mananampalataya ay siyang nagbubungsod sa kanila upang magsisi kaagad at humingi ng kapatawaran, ng upang linisin ang kanilang mga sarili at ito ang siya mismong hahadlang sa kanila mula sa paulit-ulit na paggawa ng kaparehong pagkakamali. Ito rin mismo ang nakakatulong sa kanila upang itama ang kanilang mga pakakamali o pagkukulang, at siya ring makakapigil upang sila ay mahulog sa masalimuot at negatibong pakiramdam o “mood.” Bukod dito, hindi kayang bawasan ng “regret” o panghihinayang na ito ay ang kanilang sigasig, pagsamba o debosyon, o adhikaing pangrelihiyon, ni ang mahilang pababa at pabulusok sa mga pakiramdam na puno ng pangamba at malawig na kalungkutan (“depression”) ay sadyang walang lugar sa mga tunay na mananampalataya.
Sa kabilang dako naman, ang panghihinayang na nadarama ng mga taong hindi nananampalataya o walang pananampalataya ay lubhang nakababahala at ang mga ito’y palagiang nararanasan pa, ito’y sa dahilang hindi nila ilalagay ang kanilang pagtitiwala kay Allah sa tuwing sila ay nahaharap sa suliranin o kapag nakakagawa ng kasalanan. Sa kanilang tanang buhay, wala silang madalas na bulalas kundi ang mag katagang “Sana hindi ko na lang ginawa ito...” o “Sana hindi ko na lang sinabi iyon....” at marami pang panagungusap na kahalintulad ng mga nauna.
Higit sa lahat, sila ay nahaharap na mapailalim sa mas marami at mas mabibigat na kapighatian sa Kabilang-Buhay. Ang mga taong kasalukuyang namumuhay na hiwalay o taliwas mula sa tunay na relihiyon (deen) sa mundong ito ay tunay na panghihinayangan ang bawa’t sandali ng kanilang buhay na kanilang inaksaya. Bago pa man, sila ay nabigyan ng sapat na babala at nabigyan ng paanyaya o imbitasyon sa tuwid at tamang landas. Sila ay nagkaroon ng sapat na oras na pagnilayan at yakapin ang tamang kaparaanan. Subali’t, sadyang hindi sila nakikinig sa tuwing sila ay binibigyang-babala, hindi nila binibigyang-pansin ang Kabilang-Buhay na para bang walang ng katapusan ang kasalukuyan buhay na tinatamasa nila, na ang kamatayan ay malayo sa katotohanan. Nguni’t ang katotohanan, sa darating na panahon doon sa Kabilang-Buhay, magiging huli na ang lahat para sa kanila upang iwasto ang kanilang maling buhay at paniniwala sa dahilang walang daan upang makabalik pa sa dating mundo. Sa Banal na Qur'an, ang kanilang malungkot na pagtangis ay nahahayag gaya ng sa mga sumusunod:
Katiyakan, binalaan Namin kayo hinggil sa parusa na magaganap sa Araw ng Muling Pagkabuhay na napakalapit nang mangyari, na kung saan doon ay makikita ng bawa’t isa ang anumang kanyang ginawa na mabuti o di kaya ay ang kanyang ginawa na kasamaan, at sasabihin ng walang pananampalataya dahil sa kagimbal-gimbal na pangyayari sa Araw ng Paghuhukom na ito: “Sana ay naging alikabok na lamang ako at hindi na ako binuhay pang mag-uli.”(Surat an-Naba': 40)
At kung makikita mo lamang, O Muhammad (r), ang mga ‘Mushrikin’ sa Araw ng Muling Pagkabuhay, ay makakakita ka ng kagimbal-gimbal na pangyayari, at ito ay kapag ikinulong na sila sa Impiyerno at makikita ang mga nasa loob nito na nakakadena at nakapamatok sa leeg, na nakikita ng kanilang mga sariling mata ang kagimbal-gimbal na mga pangyayari at saka pa lamang nila sasabihin: “Kung maibabalik lamang kami sa buhay sa daigdig upang mapaniwalaan namin ang mga talata ng Allâh (I) upang masunod namin at mapabilang kami sa mga mananampalataya!”(Surat al-An'am: 27).
At kanilang sasabihin bilang pag-aamin: “Kung nakinig lamang kami bilang pakikinig na naghahanap ng katotohanan, o di kaya ay pinag-isipan namin ang anumang paghikayat na ginawa sa amin, ay hindi kami magiging kabilang sa mga tao ng Naglalagablab na Impiyerno.”(Surat al-Mulk: 10)
Marapat lamang nating isaisip na sa araw na iyon hindi makakayang iligtas ang tao ng kanyang panghihinayang mula sa galit ni Allah. Ang tanging paraan upang maiwasan ang panghihinayang na ito ay ang buong pusong isumite sa Allah ang lahat-lahat habang may nalalabing oras pa at kaalinsabay nito ang ganap na pagtalima sa bawa’t utos ni Allah.
Pagmamay-ari ng Allâh (I) ang mga kalangitan at kalupaan at ang anumang mga nakapaloob dito, nilikha Niya ang anuman na Kanyang nais na likhain, at pinagkakalooban Niya ang sinuman na Kanyang nais sa Kanyang alipin ng anak na kababaihan at hindi anak na kalalakihan, at ganoon din pinagkakalooban Niya ang sinuman na Kanyang nais ng anak na kalalakihan at hindi anak na kababaihan, at ipinagkakaloob din Niya sa sinuman na Kanyang nais ang anak na lalaki at babae, at ginagawa Niya ang sinuman na Kanyang nais na baog na hindi magkakaanak. Katiyakan, Siya ay ‘`Aleem’ – Ganap na Nakaaalam sa anuman na Kanyang nilikha, na ‘Qadeer’ – Ganap na Makapangyarihan sa paglikha ng anuman na Kanyang nais, at Siya ay Ganap na May Kakayahan na likhain ang anuman na Kanyang nais. (Surat ash-Shura: 49-50)