ANG PAGTINGIN SA MGA KAGANAPAN SA HINAHARAP
ucgen

ANG PAGTINGIN SA MGA KAGANAPAN SA HINAHARAP

1620
Ang pagiging mulat ng isang tao sa paniniwala na siya ay dumadaan lamang sa maraming pagsubok ng buhay ang siyang nagdudulot sa kanya upang tingnan at pakasuriin ang mga maaaring kaganapan sa hinaharap. Ngunit ano ang tunay na kahulugan ng "tumingin sa mga kaganapan mula sa hinaharap?”

Kahit gaano man kalaki o kalubha ang mga suliranin at paghihirap na kung saan nahaharap ang isang tao, ang mga sitwasyong ito ay tunay na panandalian lamang. Halimbawa, ang isang taong inosente ay maaaring akusahan o paratangan ng isang krimen at makaranas ng pang-aapi at kawalan ng katarungan. Magkagayunman, tiyak na darating ang panahon na ang katotohanan ay lalabas at lalabas din. Maaaring ang mga paghihirap ng isang tao ay parang wala ng katapusan sa kabuuan ng kanyang buhay sa mundo, subali’t tiyak naman na ang mga responsable para sa kanyang paghihirap o pagkaapi ay makakatanggap ng naaangkop na kaparusahan sa Araw ng Paghuhukom. Gayundin, ang taong nagdusa dahil sa kawalan ng katarungan ay may pag-asa na tumanggap at magtamasa sa mga kahanga-hangang gantimpala sa araw na iyon dahil na rin sa kanyang pagtitiyaga at pagiging matiisan. Sadyang napakabilis ng paglipas ng panahon, at tulad ng lahat ng bagay, ang mga kalalagayang ito ay sukat na lilipas rin na parang sa isang kisap-mata lamang. Sa katunayan, sa Banal na Qur’an na mismo nasasaad na matapos ang paghihirap, darating din ang kaginhawahan para sa mga Muslim:

“……at sumunod na ito (kalupaan) sa ipinag-utos dito ng Kanyang ‘Rabb’ na Tagapaglikha, na nararapat lamang na ito ay sumunod sa Kanyang kagustuhan.  ikaw na tao! Walang pag-aalinlangan, ikaw ay bumabalik patungo sa Allâh (I) na kasama ang iyong mga gawa at pagkilos, mabuti man ito o masama, isang katiyakang pagbabalik, na kung saan makatatagpo mo ang Allâh (I) sa Araw na yaon, ang Araw ng Muling Pagkabuhay, na kung kaya, huwag mong isipin na mawawala ang kabayaran mula sa Kanya bilang kagandahang-loob o katarungan. (Surat Al-Inshirah, 5-6)

Ang tunay na sumasampalataya sa Banal at Wagas na Hustisya ng Allah, ay buo ang pag-asa na may naghihintay na kaginhawahan at kaligayahan matapos ang mga paghihirap, at hindi kainlanman magpapasailalim sa kawalang-pag-asa at pighati sa anumang sitwasyong dumating sa kanya. Alam niya na lahat ng pagdurusa sa mundong ito na kanyang nararanasan ay siya mismong magdudulot at magdadala sa kanya ng ibayong ligaya sa mga darating na araw at maging sa Kabilang-Buhay.


Nababatid ng isang Muslim na ito ay bahagi lahat ng destinasyon ng tao, ang siyang nasasaksihan niyang tadhanan na inilaan ng Mahal na Allah para sa kanya. Ang kagila-gilalas sa lihim na ito ay saksi siya sa lahat ng pangyayari ng may buong pagtitiwala kay Allah, ng lubos na pagsunod, pagtalima at ganap na pagtanggap sa kagustuhan ni Allah.


Hindi natin dapat kalimutan na ito ay isang estado ng pag-iisip na natatangi sa mga tunay na may paniniwala kay Allah, isang bagay na mararanasan lamang ng mga taong tunay na ipinaubaya ang kanilang sarili sa tadhanang ginawa ni Allah para sa kanila. Sa kabilang banda, ang mga tao namang walang pagsunod at pagpapahalaga sa relihiyon ay tiyak na mahuhulog sa bitag ng kawalang pag-asa, matinding takot at pagkabalisa dahil na rin sa kabiguan nilang unawain at tanggapin sa kanilang buhay ang itinadhana ni Allah, at ditto, para silang nakakulong sa isang magulong buhay na walang kaliwanagang pang makatakas. At dahil hindi na sila umaasa sa magandang hinaharap, lagi silang makararanas ng mga agam-agam at kaguluhan ng isipan. Ang estado ng pag-iisip ng mga taong nabanggit ay inilarawan sa isang taludtod mula sa Banal na Qur’an:


“At sinuman ang ninais ng Allâh (I) na gabayan upang tanggapin ang katotohanan, ay bubuksan Niya ang kalooban nito sa Islâm; at sinuman ang naisin Niya na maligaw ay gagawin Niya ang kalooban nito na sarado at masikip na siya ay mahihirapan sa pagtanggap ng patnubay, na ang katulad niya ay ang isa na umaakyat paitaas, na nagka-karoon ng paninikip sa kanyang paghinga. At ganoon ang ginagawa ng Allâh (I) sa mga kalooban ng mga walang pananampalataya na paninikip, na naninikip ang kanilang dibdib sa paghinga; na ganoon ang ginawang parusa sa mga walang pananampalataya”. (Surat al-An‘am, 125)

Ang magulong estado ng isipan na siyang inilalarawan sa taludtod ay isang sugat na tao mismo ang nagdulot sa kanyang sarili dahil na rin sa kabiguan niyang matanggap ang tadhana na inilaan ni Allah sa kanya. Dapat sana, ang pagkakabatid natin sa katotohanang ang Allah, na Nakakaalam ng Lahat at Siyang Pinakamakapangyarihan, ang siyang namamahala ng ating tadhana at gumagabay sa lahat ng bagay sa ating buhay, ay isang malaking biyaya nang maituturing para sa isang tunay na sumasampalataya. Gayunpaman, ang mga tao na may mahina o kulang na pananampalataya ay hindi kayang unawain ang kahalagahan ng tanging yamang ito. Patuloy sila sa pagtutol sa tadhanang nakalaan sa kanila, kung kaya patuloy rin ang mga gusot sa bawat sandali ng kanilang buhay. Ito ay isang kondisyong ispiritwal na ipinataw sa isang tao bungsod ng kawalan niya ng tiwala kay Allah. Ang mga taong ito mismo ang patuloy na nagpapasakit sa kanilang mga sarili.


“Katiyakan, ang Allâh (I) ay hindi Niya dinadaya nang kahit na kaunti ang sinumang tao na tulad ng pagdaragdag ng kaparusahan sa kanila o pagbabawas ng kanilang kabutihan, kundi ang mga tao mismo ang nagmamali sa kanilang mga sarili dahil sa kanilang pagtanggi at paglabag sa kagustuhan ng Allâh (I).” (Surah Yunus, 44)

IBAHAGI
logo
logo
logo
logo
logo