Natural na batid ng Makapangyarihang Allah na lahat ng nilikha niyang mga propeta ay may dalisay na pananampalataya at mataas na pagpapahalaga sa moralidad; dahil sa Siya ang lumikha sa mga ito ng may tunay na lalim at busilak na pananalig. Nguni't sa kabila ng pagiging mga piniling sugo ng Panginoon, nakahihigit man at kagalang-galang na mga tagapaglingkod, ang mga propeta ay kinailangang dumaan pa rin sa maraming mahirap na pagsubok sa kabuuan ng kanilang mga buhay. Sa katotohanan, ang mga pagsubok na ito ay siyang magandang kaparaanan upang maipamalas sa tao ang kanilang pagiging tapat at masunurin sa mataas na panuntunan ng moralidad bilang mga uliran, upang higit na mailapit ng mga propeta ang kanilang mga sarili kay Allah at ang lubos pang mapamahal sa Kanya, at upang ang kanilang kabutihan ay lalo pang dumami at maragdagan para sa Kabilang Buhay.
Ang mga panahong ito ng pagsusubok ay ipinakita sa atin sa pamamagitan ng mga istorya sa Banal na Qur'an. Nang umabot na siya sa karagatan, sa gitna nang paghabol sa kanya ng mga kawal ng Pharaoh, inakala sa una ng Propeta Mousa (Moises) (as) na siya at mga kasama ay wala ng paraan pang makatakas. Doon sa mga nabigong tunay na maunawaan ang walang hanggang kapangyarihan at lakas ni Allah ay nagwika ng "Tayo'y nasukol na," subali't gaya ng nahayag sa taludtod, sinabi ni Mousa (Moises) (u) sa kanila: “Hindi maaari na mangyari ang inyong sinasabi dahil hindi maaaring maabutan kayo; dahil walang pag-aalinlangan, kasama ko ang aking ‘Rabb’ na Tagapaglikha na Siyang tumutulong sa akin, at walang pag-aalinlangan, gagabayan Niya ako sa kaparaanan na ako ay makaliligtas at gayundin kayo.” (Surat Ash-Shuara’, 62)
Sa buong panahong ng paghihirap ng siya ay makulong sa tiyan ng isang malaking isda, si Propeta Yunus (Jonah) (as) ay laging tumakbo ng panalangin kay Allah, inihayag ito sa isang taludtod, “...O mayroon ba silang kaalaman hinggil sa mga bagay na di-nakikita, na sila ang nag-aatas ng pagtatakda para sa kanilang sarili na mas nakahihigit (daw) ang kanilang antas sa paningin ng Allâh (I) kaysa sa mga naniwala sa Allâh (I)?” (Surat Al-Qalam, 47) Si Propeta Yunus (Jonah) (as) na taos pusong lumapit sa Allah sa napakahirap na pagsubok na iyon, ay naligtas mula sa tiyan ng malaking isda sa pamamagitan ng Dakilang Awa at Pagkahabag ng Panginoon, at matapos yaon ay ipinadala siya sa isang komunidad bilang kanilang sugo. Ganito inilarawan ang mahirap na karanasan ni Propeta Yunus (Jonah) sa Banal na Qur'an:
At katiyakan, ang Aming alipin na si Yûnus (u) ay Aming pinili at ibinilang Namin siya sa mga Sugo. Noong siya ay tumakas mula sa kanyang bayan na ito ay hindi ipinag-utos sa kanya ng Allâh (I) na kanyang ‘Rabb’ na Tagapaglikha, at sumakay siya ng sasakyang pandagat na punung-puno ng mga pasahero at mga bagahe.
At nang napalibutan na sila ng mga malalaking alon ay nagkasundo na magpalabunutan ang mga nakasakay sa sasakyang pandagat upang mabawasan ang lulan nito dahil sa pangamba na sila ay malunod, at si Yûnus ang nabunot sa palabunutang yaon.
At itinapon siya sa karagatan at kinain siya ng malaking isda, at si Yûnus ay nakagawa ng isang bagay na karapat-dapat na papanagutin.
At kung hindi lang sa kanyang nagawa na maraming pagsamba at mabuting gawa bago siya napunta sa tiyan ng malaking isda at sa kanyang pagpupuri sa Allâh (I) habang siya ay nasa loob ng tiyan ng malaking isda, na kanyang sinasabi: “Lâ i-lâ-ha il-lâ an-ta sub-hâ-na-ka in-nî kun-tum mi-nadz-dzâ-li-meen” (na ang ibig sabihin: walang sinuman ang may karapatan at karapat-dapat na sambahin kundi Ikaw, O Allâh (I), Luwalhati sa Iyo, walang pag-aalinlangan, ako ay kabilang sa mga masasama na nakagawa ng kasalanan) ay mananatili siya sa tiyan ng malaking isda at ito na ang kanyang magiging libingan hanggang sa Araw ng Muling Pagkabuhay.
At inilabas Namin siya mula sa tiyan ng malaking isda, at ipinadpad Namin siya sa dalampasigan na may patag na kalupaan na walang puno at walang kabahayan – ilang na kalupaan – na nasa mahinang kalagayan ang kanyang pangangatawan.
At pinasibol Namin para sa kanya ang halaman ng ‘kara`’ (‘gourd’ o halamang gumagapang na tulad ng kalabasa) para siya liliman at mapakinabangan niya ito.
At ipinadala Namin siya tungo sa isang daang libong mga tao o higit pa kaysa rito mula sa kanyang sambayanan, at naniwala sila sa kanya, na kung kaya, pinagkalooban Namin sila ng pansamantalang kaligayahan dito sa daigdig hanggang sa pagdating ng kanilang itinakdang kamatayan.
(Surat As-Saffat, 139-148)
Nang ang ating mga banal na Propeta (saas) ay inatake ng mga pagano sa magkabilang panig at maging sa kanilang mga sariling komunidad, animo'y wala ng paraan upang matakasan ang mga ganitong situwasyon. Ito ang siyang araw ng pinakamahirap na pagsubok. Nagkagayunman, ito rin ay masasabing katangi-tanging araw ng pagsusubok na kung saan ang mga tunay na mananampalataya na may busilak na pananalig kay Allah, na buong pusong nagtitiwala sa tulong mula kay Allah, nananalig sa Kanya at yumayakap sa Kanya, ay mananatiling malakas at makaaasa sa Kanyang tulong. Gaya ng naitalaga na ni Allah, lahat ng mabibigong makaunawa ng lubos sa Kanya at yaong mga ipokrito ay wala ng makikita pang pag-asa at magsisimula lang na managinip o mag-isip ng mga maling ideya sa kanilang sarili na lang. Ipinaliwanag ng Pinakamakapangyarihang Allah ang mahirap na panahong ito sa isa pang taludtod:
Alalahanin ninyo noong sila ay dumating sa inyo mula sa itaas ninyo na nagmula sa taas ng lambak sa gawing silangan, at mula sa ibaba naman ninyo na nagmula sa ibaba ng lambak sa gawing kanluran, at sa panahong yaon ay dilat na dilat ang inyong mga mata dahil sa tindi ng pagkalito at pagkagulat, at ang inyong mga puso ay umabot sa inyong mga lalamunan sa tindi ng inyong takot, at nangibabaw ang kawalan ng pag-asa sa mga mapagkunwari at dumami ang mga sabi-sabi at nag-isip na kayo ng masama laban sa Allâh (I) na hindi na Niya kayo tutulungan at hindi na mangingibabaw ang Kanyang batas.
Dito sa matinding pangyayaring ito ay sinubok ang paniniwala ng mga mananampalataya at sinala ang mga tao, at inihiwalay ang mga mananampalataya sa mapagkunwari, at nanginig sila nang matinding panginginig dahil sa takot at kaba; upang mapatunayan ang paniniwala nila at maragdagan ang kanilang katiyakan.
At doon ay sinabi ng mga mapagkunwari at ng mga yaong may pag-aalinlangan sa kanilang mga puso na sila ang mga mahihina sa pananampalataya: “Walang ipinangako sa amin ang Allâh (I) at ang Kanyang Sugo na tagumpay at pangingibabaw kundi pawang kasinungalingan na mga salita at panlilinlang lamang, na kung kaya, huwag ninyo siyang paniwalaan.”
At alalahanin mo, O Muhammad (r), ang sinabi ng isang grupo na mga mapagkunwari habang tinatawag nila ang mga mananampalataya na mga taga-Madinah: “O kayong mga taga-Yatrib – ito ang lumang pangalan ng Madinah – wala na kayong magagawa sa labanang ito, magiging talunan na kayo, na kung kaya, magbalik na kayo sa inyong mga tahanan sa Madinah!” At ang ibang grupo naman na mga mapagkunwari ay humihingi ng pahintulot sa Propeta na bumalik na lamang sa kanilang tahanan sa kadahilanang hindi raw nila mapangangalagaan ang kanilang tahanan at nangangamba sila hingil dito, samantalang ang katotohanan ay hindi gayon, at wala silang hinahangad kundi tumakas sa labanan.
(Surat Al-Ahzab, 10-13)
Sa ganitong mahirap na situwasyon, ang ating mga Propeta (saas) at ang mga tunay na mananampalataya sa Kanya, ng may buong pag-asa sa tulong ni Allah at naglagay ng lubos na pagtitiwala sa Kanya, ay nakabatid na ito ay siyang mga naipangako ni Allah, at sila'y nag-alay ng pasasalamat. Sinabi ni Allah sa isang taludtod:
At nang masaksihan ng mga mananampalataya ang pagtitipun-tipon ng maraming grupo sa paligid ng Madinah at nakapalibot sila roon, ay napagtanto nila na ang pangako ng Allâh (I) na tagumpay ay malapit na at sinabi nila: “Ito ang ipinangako ng Allâh (I) at ng Kanyang Sugo na pagsubok, paghihirap at tagumpay, at tinupad na ng Allâh (I) ang Kanyang Pangako at totoo ang Kanyang Sugo sa Kanyang magandang balita.” At walang nairagdag sa kanila sa pagkakita nila ng mga grupong ito kundi karagdagang paniniwala sa Allâh (I) at pagsuko sa Kanyang pinagpasiyahan at pagpapasailalim sa Kanyang kagustuhan. (Surat al-Ahzab, 22)
Gaya ng inihayag ni Allah sa taludtod na ito; “At itinaboy ng Allâh (I) ang maraming grupo ng mga walang pananampalataya mula sa Madinah na mga hamak, talunan at poot sa kanilang mga sarili, dahil wala silang nakamtan na kabutihan dito sa daigdig at gayon din sa Kabilang-Buhay. At naging sapat na ang Allâh (I) para sa mga mananampalataya sa kanilang labanan dahil sa Kanyang pagkaloob sa kanila ng mga kaparaanan para magwagi. At ang Allâh (I) ay ‘Qawee’ – Pinakamalakas na hindi nagagapi, na ‘`Azeez’ – Kataas-Taasan at Punung-Puno ng Karangalan na Ganap na Makapangyarihan sa Kanyang pagmamay-ari at kaharian.” (Surat al-Ahzab, 25)
Ang Propeta Joseph (Yusuf) (as) ay dumaan din sa maraming malalaking pagsubok at pagdurusa sa kanyang buhay. Ang maparatangan ng isang maling akusasyon at halos malimot sa kanyang pagkakakulong sa matagal na panahon ay sadyang mga mahirap na pagsubok. Subali't walang duda na ang isa sa pinakamahirap na pagsubok na kanyang hinarap, tinanggap ng buong tapang at kasiyahan para sa pagtanggap na rin ni Allah, ay ang paraan kung paanong siya ay itinapon sa balon ng tubig ng kanyang mga sariling kapatid sa murang edad, at naghintay sa gitna ng dilim hanggang may makapagligtas sa kanya. Kung ang karaban ay hindi napadaan sa balon sa kanyang tanang buhay, kung ang mga tao doon ay hindi nagdesisyon na umigib ng tubig sa naturang balon, maaaring dumanas siya ng kamartiran sa loob ng ilang araw. Sadyang walang duda na ang lahat ay nagaganap sa kapahintulutan ni Allah. Nilikha ni Allah so Propeta Joseph (Yusuf) (as) bilang karapat-dapat, nakatataas at banal na propeta, at itinalaga sa pinakanatatanging paraan ng kaligtasan na bahagi ng kanyang destinasyon.
Ang Propeta Lut (Lot) (as) ay nagpunyagi rin laban sa mga panggigipit ng mga taong heretiko, ang Propeta Ayyub (Job) (as) ay nagpamalas ng tanging katatagan sa gitna ng sakit at pisikal na pagdurusa, ang Propeta Haroun (Aaron) (as) ay nagsumikap na mapanalunan ang tiwala ng mga taong mismong nagtakwil sa kanya, ang Propeta Juan (as) ay namatay na martir sa kamay ng mga tao sa panahon niya na nagtakwil sa tunay na pananampalataya at ang Propeta Hesus (as) na hinarap ang mga balakid at patibong mula sa mga ipokrito. Ang mga banal na propetang ito ay pawang mga naharap sa mga dakilang pagsubok. Ang mga Muslim na sumunod sa mga propeta ay dumaan din sa mga kahalintulad na matitinding pagsubok. Ang mga tao ay patuloy na naniwala matapos makita ang mga patotoo ni Allah na siya niyang iginawad kay Mousa (Moises) (as) kahit na alam nilang may utos ang Pharaoh na putulin ang kanilang mga magkasalit na kamay at paa at tapos ay tuluyang kitlan ng buhay. Ang mga kasama ni Propeta (saas) ay nagpunyagi laban sa mga hindi mananampalataya na puwersahang kumuha at nagtaboy sa kanila sa sariling mga lupa, nagpahirap sa kanila sa mga paraang kahindik-hindik at ang iba pa na piniling gawing mga martir. Ang mga mananampalataya ay naharap sa mabibigat na pagsubok ng sila ay desisyonang sunugin ng buhay ng mga lipunang kalaban ng tunay na paniniwala. Inilarawan ng Pinakamakapangyarihang Allah ang sinapit ng mga mananampalatayang ito sa mga sumusunod na taludtod:
At sumusumpa ang Allâh (I) sa anumang nais Niya para sa Kanyang mga nilikha, magkagayunpaman, ang nilikha ay hindi maaaring sumumpa sa pamamagitan ninuman kundi sa Pangalan lamang ng Allâh (I), dahil ang panunumpa sa iba bukod sa Allâh (I) ay isang ‘Shirk.’
Pagkawasak, parusa at sumpa sa mga yaong naghukay sa kalupaan nang malalim na hukay; upang parusahan ang mga mananampalataya, at nagdingas nang matinding apoy sa pamamagitan ng paggatong ng marami, habang sila naman ay nakaupo na nakaabang sa gilid na nakapalibot sa pinagdingasang apoy na sila ay nanatili roon, at sila ang saksi sa anuman na ginawa nilang pagpapahirap at pagpaparusa sa mga mananampalataya. At walang anumang nagtulak sa mga walang pananampalatya na gawin ang ganitong matinding pagpaparusa sa mga mananampalataya kundi dahil lamang sa sila ay naniwala sa Allâh (I) na ‘Al-`Azeez’ – ang Kataas-Taasan at Punung-Puno ng Karangalan na Ganap na Makapangyarihan na hindi nagagapi, na ‘Al-Hameed’ – ang Karapat-dapat ng lahat ng papuri na pinupuri sa Kanyang mga Salita, mga Gawa at mga Katangian sa lahat ng pagkakataon, na Siya ang Nagmamay-ari ng mga kalangitan at kalupaan, at Siya ay tumitestigo sa lahat ng bagay na walang anuman ang naililihim sa Kanya.
Katiyakan, ang mga yaong nagparusa sa mga mananampalatayang kababaihan at kalalakihan sa pamamagitan ng pagsunog sa kanila sa apoy; upang sila ay alisin sa ‘Deen’ ng Allâh (I), pagkatapos ay hindi sila nagsisi at humingi ng kapatawaran, ang para sa kanila sa Kabilang-Buhay ay kaparusahan sa Impiyernong-Apoy at magkakaroon sila ng masidhing kaparusahan na naglalagablab na Apoy.
(Surat Al-Buruj, 4-10)
Si Allah, ang Pinakamakapangyarihang may lalang ng lahat, at sa isang espesyal na paglikha, nilikha niya ang mga propeta at mga mananampalataya upang magbigay babala sa kanilang mga komunidad upang manumbalik sa Kanya, na ang mahalin ay Siya lamang ng higit sa lahat, at ang mamuhay na para sa Kanya lamang. Ang Paraiso ay nilikha Niya para sa kanila. Subali't kinailangang dumaan pa rin sila sa mga pagsubok ng buhay sa mundong ito. May natatagong lihim o kadahilanan sa likod nito. Ang mga pagsubok at paghihirap na kaakibat nito ay senyales ng pagiging natatangi, ng pag-ibig, ng paghahandog ng sarili, at ng tunay at sinserong pagmamahal ni Allah. Higit pang nagningning ang kagandahan at kadakilaan ng mga propeta sa pagganap nila sa kanilang mga tungkulin ng may katatagan, pagiging totoo, paghahandog sa sarili, pagiging tapat, debosyon at sa mga ipinakita nilang antas ng moralidad. Ang matuwid na moralidad nila, na siyang isa sa pinakamahalagang elemento ng Paraiso, ay nakahihigit at may karapat-dapat na katatagan sa gitna ng pagdurusa at ng pagsamba kay Allah. Inihanda ng Pinakamakapangyarihang Allah ang mahirap na kapaligirang ito ng pagsusubok upang tayo at maging sila ay makapagpakita ng ating tunay na pagsamba at pag-ibig sa Kanya. Walang alinlangan na ang Pinakamakapangyarihang Allah ay patuloy sa pagsuporta at pag-iingat sa mga mananampalataya at lagi Siyang nasa tabi nila. Kaya't napakahalaga na batid ng mga mananampalataya ito at ng sila ay patuloy na magpakita ng katatagan sa mga mabibigat na situwasyon. Ang mga propeta at mga mananampalatayang sumunod sa kanila ay tunay na magtatamasa ng walang hanggang buhay sa Paraiso at makakamit nila ang pinakamagagandang biyaya dahil sa natatangi nila katatagan. Lahat ito ay ipinahayag ng Pinakamakapangyarihang Allah sa mga taludtod na ito:
Sila na mga yaong nagtatangan ng mga ganitong katangian mula sa mga alipin ng Pinakamahabaging Allâh (I) ay gagantimpalaan sila ng mga matataas na antas ng ‘Al-Jannah;’ bilang Awa ng Allâh (I), at dahil sa kanilang pagtitiis sa pagsagawa ng mga ipinag-uutos, at isasalubong sa kanila sa ‘Al-Jannah’ ay pagbabati ng kapayapaan mula sa mga anghel, at mabuting pamumuhay na ligtas sa anumang karamdaman, na sila ay mananatili roon magpasawalang-hanggan na wala nang kamatayan, na napakaganda ng kanilang patutunguhan na kung saan doon sila ay maninirahan at mananatili, na kailanman ay hindi sila magnanais na umalis pa sa lugar na yaon. (Surat Al-Furqan, 75-76)
Ang Pagkakaroon ng Pagsubok ay Isang Malaking Biyaya para sa mga Matapat na Muslim
Tunay na mayroong Diyos na buhay, ito ay si Allah. Sinumang tumanggi na si Allah ang tunay na Panginoon ay nagsisinungaling at naglalayong manlinlang lamang. Napakaimposible para sa kaninuman, na nahaharap sa maraming patotoo, ang hindi makakakita sa kagandahan at nakakasilaw na Kabunyian ng Presensiya ni Allah, ang Pinakamakapangyarihan, at may Taglay na Lakas na siyang yumayakap sa lahat, lahat ng ito ay napakaliwanag na katotohanan.
Ang sangkatauhan, ang selula, ang liwanag, ang atomo, ang daigdig, ang mga planeta at maging ang isang palito ng posporo ay pawang mga katibayan ng maluwalhati at kagila-gilalas na Paglikha (Creation). Hindi ito maaaring itatuwa. Ang kadahilanan kung bakit ang maraming tao ay nasa estado ng pagsuway kay Allah ay hindi ang kabiguan nila na mamalas ang Kanyang ganap na presensiya. Ang tunay na pumipigil sa tao upang manumbalik at tanggapin si Allah ay ang kanilang kakulangang unawain ang pagkakaroon ng mga pagsubok sa buhay at kung ano ang mga rason sa likod nito. Ang mismong salitang pagsubok at ang pagharap sa mga ito ay lubhang kinatatakutan na nila, at pati na ang likas na kabigatang taglay ng mga pagsubok ay humahadlang sa kanila upang maging ganap na alipin na siyang katanggap-tanggap sana kay Allah. Sa isang taludtod, narito ang sinabi ni Allah:
At tinanggihan nila na ito ay nagmula sa Allâh (I) sa pamamagitan ng kanilang mga dila, gayong sa katotohanan ay tiyak ang kanilang mga puso sa pagiging totoo nito, ginawa nila ito bilang pagmamalabis sa katotohanan at pagmamataas sa pagtanggap, na kung kaya, pagmasdan mo, O Muhammad (r), kung ano ang naging hantungan ng mga yaong hindi pinaniwalaan ang mga talata ng Allâh (I) at naminsala sa kalupaan, dahil nilunod sila ng Allâh (I) sa karagatan? At dito sa pangyayaring ito ay aral sa sinumang magnanais na umunawa.(Surat An-Naml, 14)
Sa lahat ng tao, alam nila sa kaibuturan ng kanilang mga konsensiya ang pagkakaroon ng Panginoong Allah at ang sila’y dapat nabubuhay para lamang sa Kanya. Subali’t marami sa kanila ang lito at may alinlangan kapag nahaharap na sa pagsubok. Ang dahilan kung bakit ang mga tao na kasama ni Propeta Mousa (Moises) (as) ay napawika ng ganito sa kanya, “Kailanman ay hindi kami papasok sa lunsod na yaan hangga’t nandiyan pa ang matatapang na mga tao; na kung kaya, ikaw ang pumunta at ang iyong ‘Rabb’ – at kayong dalawa ang makipaglaban; at kami ay uupo na lamang dito at di makikipaglaban.” (Surat Al-Ma’ida, 24) sa gitna ng mga kagipitan, ay mas nanaisin sana nila ang kanilang mga makamundong hilig o pagnanasa kaysa dumaan sa pagdurusa para kay Allah.
Ang katibayan na ang wastong pag-uugali na ipinakita ng mga tunay na Muslim sa gitna ng mga komunidad na walang pagsampalataya at kasabay pa ang pag-atake sa Banal na Qur’an ay nahahayag sa mga sumusunod:
At sila ay yaong sinabihan ng ilan sa mga pagano: “Katiyakan, si Abu Sufyan at ang kanyang mga kasamahan ay nagkaisa na babalikan kayo upang lupigin, na kung kaya ay maging maingat kayo at katakutan ninyo ang pakikipagsagupa sa kanila, dahil wala pa kayong lakas para lumaban sa kanila,” subali’t ang mga ganoong pananakot ay higit pang nagpapanatag at nagpatibay sa kanilang paniniwala sa pangako ng Allâh (I) sa kanila at hindi (man lamang) nagpahina ng kanilang katatagan; kung kaya, nagpatuloy sila sa kung ano ang ipinag-utos ng Allâh (I) at sinabi nila: “Ipinaubaya namin ang aming mga sarili sa Allâh (I) na Siyang ‘Al-Wakeel’ – ang Ganap na Tagapagkupkop, Tagapangalaga, nasa Kanya ang lahat ng Pangangasiwa sa Kanyang mga alipin.” (Surah Al ‘Imran, 173)
Kabilang sa mga katangian ng mga yaong matiisin, ay kapag dumating sa kanila ang mga bagay na hindi nila nagugustuhan, sinasabi nila: “Kami ay mga aliping pagmamay-ari ng Allâh (I), Siya ang Namamahala sa lahat ng bagay para sa amin, ginagawa Niya ang anumang Kanyang nais, at katiyakang babalik kami sa Kanya kapag kami ay namatay na, at pagkatapos nito ay bubuhayin kaming mag-uli sa Araw ng Muling Pagkabuhay para sa paghuhukom at pagbabayad.” (Surat Al-Baqara, 156)
Inihayag din ng Pinakamakapangyarihang Allah sa isa pang taludtod kung papaanong ang pagkakamit ng kabutihan at katotohanan ay possible sa pamamagitan ng pagsasakatuparan ng mga responsibilidad na kailangan sa pagharap sa mga pagsubok, ang pagpapakita ng wastong kagandahang asal gaya ng katapatan, katatagan at pagsasakripisyo:
Hindi kabutihan sa paningin ng Allâh (I) ang ilingon ang inyong mga mukha sa silangan o sa kanluran sa tuwing magsa-‘Salâh,’ kung hindi lamang ito mula sa Kautusan ng Allâh (I) at sa Kanyang batas. Subali’t ang tunay na kabutihan ay ang gawain ng sinumang naniwala sa Allâh (I) – na Siya lamang ang nararapat na sinasamba, bukod-tangi at walang katambal; at naniwala sa Araw ng Muling Pagkabuhay at Araw ng Paghuhukom, at naniwala sa lahat ng mga anghel, at sa lahat ng mga ipinahayag na mga Aklat, at sa lahat ng mga Propeta at Sugo nang walang pagtatangi, at nagbibigay ng kawanggawa kahit na ito ay labis pa niyang minamahal – sa mga kamag-anak at sa mga ulilang nanga-ngailangan, na sila ay ang mga yaong namatayan ng magulang bago dumating sa kanila ang hustong gulang, at sa mga mahihirap na naghihikahos, at sa mga manlalakbay na nangangailangan ng panggastos dahil sa nalayo sila sa kanilang pamilya at kayamanan, at sa mga namamalimos na napilitang gumawa ng ganitong bagay dahil sa tindi ng pangangailangan, at paggasta sa pagpapalaya ng alipin at mga bihag; at taimtim na nagsasagawa ng ‘Salâh,’ at nagbibigay ng obligadong kawanggawa (‘Zakâh’), at yaong mga tumutupad sa kanilang pangako, at nagtitiis dahil sa kahirapan, karamdaman at gayundin sa mga matitinding labanan (sa Daan ng Allâh I).Ang mga nagtatangan ng ganitong katangian o pag-uugali, sila ang matatapat sa kanilang paniniwala at sila ang natatakot sa kaparusahan ng Allâh (I), na kung kaya, iniiwasan nila ang mga pagkakasala.(Surat al-Baqaara, 177)
Ang mga pagdurusa ay dumadaan sa mga komunidad na sadyang maraming sumusuway, pinararanas ito sa kanila sa likod ng isang natatanging karunungan at partikular na kadahilanan. Marami sa mga tao ang gawi na ang maging abala lang sa sariling mga buhay at mga usaping makamundo at ang madalas na nakakalimot kay Allah habang abala sila sa pagtamasa sa maraming bagay, kasaganaan at kaunlaran. Ang buong paniniwala nila ay walang maaari pang mangyaring masama sa kanila hangga’t nasa kanilang mga kamay ang lahat ng kakanyahan at kaunlaran, at lubos pang naniniwala na may tunay silang lakas o kapangyarihan sa mga sarili nila. Si Allah ay marami ng mga komunidad na sinubok, ito’y mga komunidad na nahulog sa patibong ng pagsuway dahil mga natamasang kasaganaan at kaayusang panlabas, kahit na ang babala ay nakarating sa kanila, itinuring ang mga sariling malalakas at walang sinumang makakatalo, mga nagbuo ng di-makatuwirang pagmamataas at kahambugan sa harap ni Allah, at mayroon pang kalakasan ng loob na itakwil si Allah, kaya’t mahirap sa kanila na makita pa ang tamang daan, ang maalala lalo na ang kanilang mga kamalian, at ang matanggap na kay Allah lamang nagmumula ang lahat ng lakas. Ipinakita ni Allah ang katotohanang ito sa taludtod na ito:
At katiyakan, nagpadala Kami, O Muhammad (r), ng mga Sugo sa mga grupo ng mga tao na mga nauna sa iyo, upang hikayatin sila patungo sa Allâh (I), subali’t hindi nila pinaniwalaan ang mga Sugo; na kung kaya, sinubok Namin sila sa kanilang mga kayamanan ng matinding kahirapan, at sinubok (din) Namin sila sa kanilang mga katawan ng mga sakit; nang sa gayon ay maniwala sila sa kanilang ‘Rabb’ na Tagapaglikha nang may pagpapakumbaba at ituon lamang nila ang pagsamba sa Kanya. (Surat Al-An’am, 42)
Ang hayaang dumanas ng matinding pagsubok ang mga palasuway na komunidad ay isang malaki at makapangyarihang paalala o babala. Narito ang pahayag ni Allah sa isang taludtod ukol sa situwasyon ng isang palasuway na komunidad na nanatili sa isang bangkang napapalibutan ng mga naglalakihang alon:
Walang sinuman kundi Siya, ang Allâh (I), ang nagsanhi na kayo ay maglakbay sa kalupaan sa pamamagitan ng mga sasakyang hayop at iba pa, at sa karagatan naman ay sa pamamagitan ng mga sasakyang pandagat, hanggang sa kapag kayo ay nandoon na at ang inyong sasakyan ay naglalayag sa pamamagitan ng kaiga-igayang hangin at natutuwa ang mga nakasakay dito dahil sa mabuting simoy ng hangin, na pagkatapos ay darating naman sa sasakyang-pandagat na ito ang malakas na hangin at mararanasan ng mga nakasakay ang mga malalakas na alon mula sa iba’t ibang dako, at natitiyak nila na sila ay hindi ligtas sa kapahamakan, kaya sila ay magsusumamo sa Kaisahan ng Allâh (I) nang taimtim, at kalilimutan nila kung anuman ang dati nilang sinasamba, at kanilang sasabihin: “Kapag iniligtas Mo kami mula sa kapahamakang ito na inabot namin ay walang pag-aalinlangan na magpapasalamat kami sa Iyo, sa Iyong mga biyaya.” (Surah Yunus, 22)
Ang lihim sa likod ng mga pagsubok ay narito lamang. Ang mga taong ito, na namulat sa katotohanang panandalian lamang ang buhay sa mundong ito at mayroong tunay na buhay na naghihintay, ay nakakabatid na lahat ng kapangyarihan ay kay Allah lamang at walang alinlangan sa pangangailangang lumapit sa Panginoon lamang kapag napapalibutan na ng mga alon, subali’t mabilis din silang nanunumbalik sa dating estado ng paglimot kapag ang unos ay lumagpas na. Ito ay isinaad ni Allah sa taludtod na ito:
Subali’t nang sila ay iniligtas ng Allâh (I) mula sa kapahamakan at panganib na yaon, ay mamiminsala na naman sila at gagawa ng mga kasalanan dito sa kalupaan. O kayong mga tao! Ang parusa na nangyari sa inyo ay dahil din sa inyong mga sariling pinaggagawa. Ang inyong pagtanggi sa Allâh (I) ay laban lamang sa inyong mga sarili, – isang pansamantalang kaligayahan sa makamundong buhay na ito, pagkatapos kayo ay ibabalik at tutungo sa Amin, upang sabihin Namin sa inyo ang lahat ng inyong ginawa at kayo ay Aming huhukuman. (Surah Yunus, 23)
Alam naman ng lahat ng tao ang tunay na dikta ng konsensiya sa kung ano ang nararapat na gawin. Batid ng lahat na dapat siyang maging mabuting tagasunod o alipin ni Allah at ang magsumikap na gawin ang lahat para makamit ang Kanyang pagtanggap. Ang dahilan kung kaya ang marami sa mga tao ang tumatangging unawain pa ang kapangyarihan ni Allah sa mundong ito at ang limutin ang kanilang tungkuling pangkaluluwa o ispirituwal ay bunsod ng pagnanais na makapamuhay ayon lamang sa sariling makamundong pagnanasa. Subali’t ang katotohanan ay kahit na pilitin ng mga tao na umiwas o ipagwalang bahala ang usapin ng pagsubok, lahat ay dadaan at dadaan pa rin dito. Ang mamuhay ayon sa sariling kagustuhan ay hindi kailanman makapagdudulot ng kasiyahan at kaluguran na pinakahahanap nila hangga’t pilit nilang tinatalikuran ang tawag ng kanilang mga konsensiya. Hindi nila makikita ang kasiyahan, maling kasiyahan, sa mundong ito. Ang mga taong ito ay bigo na tanggapin na kay Allah lamang nagmumula ang tunay na kaluguran, kaligayahan at kagalakan. At natural, imposible ang pagkakaroon ng malinis na konsensiya at ang makapamuhay ng tahimik at masaya kung sadyang lilimot kay Allah at tatangging mabuhay para sa Kanya lamang. Sadyang ang mga taong nagkikibit balikat sa mga pagsubok ay bigo sa pagtanggap sa katotohanan.
Ano ang Maaaring Maganap sa Mundo kung Walang Pagsubok?
Lahat ng dakilang kagandahan na bumubo sa tao bilang mga tunay na tao ay dagling maglalaho sa kalagayan na walang pagsusubok. Ang mga kagandahang asal o moralidad, gaya ng pagsasakripisyo ng sarili, katatagan, pag-ibig, pakikiramay, paggalang, pakikiisa at pakikipagkaibigan ay agad na mawawalang saysay. Ang pagsusumikap na makagawa ng mabuti at ang unahin ang kabutihan ng iba bago ang sa sarili ay ituturing na hindi na kailangan pa. At ano pa nga ba ang kabuluhan ng buhay sa kaninuman kung kahit anumang bagay ay wala na ring makikitang halaga o importansiya.
Ang tanging dahilan upang sumagot ang tao sa pagsusubok sa mundong ito ng may pagtanggap at katatagan ay ang malalim na pagmamahal ni Allah. Lahat ay walang sigla kung walang pagsubok at pag-ibig ni Allah. Sa dahilang ang tao ay walang magiging basehan ng moralidad, lahat ay magiging kakaiba o kakatwa na kumikilos ng walang layunin at walang inaasahan pang iba sa buhay kundi ang kumain, uminom at matulog na lamang. Ang mga taong ito ay masisiyahan na lang sa kung ano na lang gawin niya o sa klase ng buhay na piliin niya. Ito ang maling konsepto ng uri ng pamumuhay na pilit itinutulak ng mga Darwinista sa mga tao sa loob na ng mahabang panahon. Sa mundo na walang pagsusubok, kaakibat ang pagkawala ng moralidad o kagandahang asal, kawalan ng layunin sa buhay, ang tao ay kahalintulad na lamang ng isang organismo hindi naiiba sa mga hayop gaya ng gustong patunayan ng mga Darwinista, at ang buhay niya ay mahahalintulad na lamang sa isang hayop. Kapag ang pagsusumikap na ginagawa nga tao para kay Allah ay magkaroon ng katapusan sa mundong ito, ang matitira na lamang ay ang pagkilos ng tao para mabuhay o maka-“survive” na lamang.
Mahalagang ipaalala natin ang mga sumusunod na puntos: Kahit na ang mga hayop ay may pakiramdam ukol sa pagiging malapit (“affection”), pagmamahal, katapatan, pagsasakripisyo ng sarili at pakikiisa na inilagay sa kanila ni Allah. Kung kaya, sa kalagayang walang pagsusubok, ang mga taong walang layunin at lubusan ng nawalan ng lahat ng moralidad ay magiging mababa pa ang antas kaysa sa mga hayop. Ipinabatid sa atin ng Pinakamakapangyarihang Allah na ang mga sumusuway na dinidiyos ang sariling makamundong pagnanasa ay higit pang mabababa sa mga hayop:
O di kaya ay iniisip mo ba na karamihan sa kanila ay pinakikinggan ang mga talata ng Allâh (I) upang intindihin, o di kaya ay naiintindihan ba nila ang niloloob nito? Sila ay walang katulad kundi mga hayop na wala silang pakinabang sa anuman na kanilang naririnig o di kaya ay mas ligaw pa sila kaysa sa mga hayop. (Surat al-Furqan, 44)
Ang bigong unawain ng maraming tao ay ang ito: ang pagkakaroon ng pagsubok ay siyang nagbibigay sa tao ng kanyang kahalagahan. Mahal natin ang isang tao sa Kabilang Buhay dahil alam natin na nagpakita siya ng natatanging katatagan para kay Allah. Ang antas ng kahalagahan ng mga propeta ay tumaas pa ng ilang ulit dahil sa pagharap nila sa mga mabibigat na pagsubok sa paraang nais ni Allah. Ang sinumang nagdurusa para kay Allah ay dadakilain. Pakamamahalin ang sinumang nagpamalas ng moralidad para kay Allah, sa kahit anumang situwasyon dumaan, at ang kanilang tahanan sa kabilang Buhay ay higit pang pagagandahin. Pakamamahalin at hahangaan ang sinuman, kahit na likas sa pagiging makasarili at mapag-imbot ang tao, ay magpapakita ng pagpaparaya dahil sa takot niya kay Allah, wala siyang ikinaiinggit, na tumitingin sa kapwa Muslim na mataas pa sa kanyang sarili, at may kabatiran sa kakulangan o kahinaan niya sa harap ni Allah. Sa pagkakaroon ng mga ganitong katangian, ang mga naturang mga tao ay lagi maaalala at mauuna sa Kabilang Buhay.
Ang ating Panginoon ay nagtuturing sa sinuman na nakahihigit dahil sa taglay nitong antas ng katatagan, pagtitiis at lakas na ipinakikita sa pagharap niya sa mga pagsubok. Dahil sa ginagamit ng taong ito ang kanyang lakas para kay Allah, kahit na maraming paghihirap, malubhang karamdaman at makasariling pagnanasa sa mundo ito, dahil sa sinasagot niya bawa’t pagsubok ng may katatagan at kalinisang-puri at hindi pag-abandona sa pag-asa kay Allah, siya ay may napakadakilang halaga sa mata ng ating Panginoon.
Ang katangi-tanging katatagang ito at kalakasan ay nagiging magagandang palamuti sa Paraiso. Ang Paraiso ay makakamit lamang sa pagkakaroon ng katatagan sa pagsusubok, katatagan para na rin sa malugod na pagtanggap ni Allah, ng may pagsusumikap sa pag-ibig ni Allah. Narito ang winika ni Allah sa isa pang taludtod:
O mga tagasunod ni Muhammad (r), iniisip ba ninyo na kayo ay makapapasok sa ‘Jannah’ nang hindi kayo susubukin sa pakikipaglaban at paghihirap? Hindi maaari sa inyo na makapasok doon hanggang hindi kayo sinusubok at palitawin ng Allâh (I) sa pamamagitan nito kung sino ang tunay na ‘Mujâhidîn’ sa inyo (nakipaglaban o nagpunyagi sa Daan ng Allâh I), ang mga matiisin, at mga matatag sa pakikipagsagupaan sa kalaban. (Surah Al ‘Imran, 142)
Ang mga sumusunod na mahahalagang katotohanan ay hindi dapat malimot; Ang Pinakamakapangyarihang Allah na Siyang lumikha sa mga pagsubok na sinadya Niya para sa tao, ay Siya rin mismong lumikha sa mga pagpapakatatag at kaparaanan upang mapagtagumpayan ang mga ito. Isa sa mga lihim na ipinararating ng ating Panginoon sa mga mananampalataya sa Banal na Qur’an ay ang walang sinuman ang nabibigyan ng pagsubok ng higit pa sa kanyang kakayanin:
Ang ‘Deen’ ng Allâh (I) ay madali at walang kahirap-hirap. Na kung kaya, hindi ipinag-utos ng Allâh (I) sa Kanyang mga alipin ang mga bagay na hindi nila makakayanan. Samakatuwid, sinuman ang gagawa ng mabuti ay magkakamit ng kabutihan; at sinuman ang gagawa ng masama, ay masama rin ang kanyang makakamit na kabayaran. “O aming ‘Rabb!’ Huwag Mo kaming parusahan sa anumang aming nakalimutan mula sa mga ipinag-utos Mo sa amin o sa mga pagkakamaling nagawa namin sa anumang Iyong ipinagbawal. O aming ‘Rabb!’ Huwag Mong ipapasan sa amin ang anumang mahirap na gawain, na tulad ng ipinapasan Mo sa mga masasamang tao na nauna sa amin bilang kaparusahan sa kanila. O aming ‘Rabb!’ Huwag Mong ipapasan sa amin ang anumang bagay na hindi namin kaya mula sa Iyong mga ipinag-utos at (huwag Mo ring ipapasan sa amin ang anumang) pagsubok (na hindi namin kaya). Burahin Mo ang aming mga kasalanan at ilihim Mo ang aming mga pagkakamali. Ipagkaloob Mo sa amin ang Iyong kabutihan bilang Iyong awa at habag, dahil Ikaw ang Nagmamay-ari, Nagtatangan at Nangangasiwa sa amin. Tulungan Mo kami sa pakikipaglaban sa sinumang hindi naniwala sa iyong ‘Deen’ at tumanggi sa Iyong Kaisahan at hindi naniwala sa pagiging Propeta ni Propeta Muhammad (r) at ipagkaloob Mo sa amin ang tagumpay dito sa daigdig at sa Kabilang-Buhay.” (Surat Al-Baqara, 286)
Ang isang Muslim na kagya’t lumalapit kay Allah sa anumang kalalagayan ay tunay na tapat at napakahusay na alipin ni Allah. Anupamang paghihirap ang kanyang pagdaanan na resulta ng mga pagsubok, ay hindi kailanman maging higit pa sa kanyang kakayanin. Ang pagdurusa ay iginagawad upang ang mga tapat na mananampalataya ay higit pang maging matapat, higit pang mapalapit kay Allah, mapangalagaan laban sa mga tawag ng pagsuway at upang makamit nila ang ligayang walang hanggan at pagpapala ng Paraiso.
Ang sinumang dumaraan sa mga naturang paghihirap ay may kakanyahang lubos na maunawaan kung ano ang tunay na kahulugan ng Paraiso, kasama na ang mga walang hanggang biyaya nito. Ang taong nasusubok sa pangangailangan at kahirapan sa mundong ito ay tiyak na mag-aalay ng higit na pasasalamat kay Allah at magiging mas malapit at lalong matapat sa Kanya kapag nakita na niya kung papaanong lahat ng naisin ay makukuha niya sa Paraiso, sa oras na kailangan niya na walang anumang likas na kadahilanan pa, at lubos niyang matatanto ang pagtamasa ng mga biyaya ng Paraiso. Ang isang tao na nagpapakita ng tatag sa gitna ng malubhang sakit ay walang dudang makakaranas ng ekstraordinaryong antas ng kagalakan, pasasalamat at pag-ibig para kay Allah kapag nakita na niyang walang anumang kahinaan o pagkakasakit sa Paraiso. Lahat ng nakaranas ng di-pantay na pagtingin at kaapihan sa daigdig ay magiging ibang-iba ang kalalagayan sa walang katapusang kapayapaan at kaiga-igayang Paraiso, ito’y kapag naranasan na niya ang kapayapaan at seguridad sa presensiya ng ating Panginoon, malayo sa anumang kakulangan, kahinaan at kapangitan, na tanging sa Paraiso lamang mayroon. Halimbawa, ang mananampalataya na may kapansanan sa kanyang paa sa mundong ito ay makakapanakbo ng buong tulin sa Paraiso, o di kaya’y makalipad at mamuhay na tulad ng nais niya; ang mananampalataya na nabuhay na bulag dito sa mundo ay magkakaroon ng walang kahalintulad na kakanyahan sa paningin sa Paraiso kumpara sa mundong ito, mamamasdan niya ang mga busilak na kagandahan ng walang katapusang ligaya at galak. Ang mananampalataya na may malubhang depekto sa mukha o katawan ay lilikhain ng may lubos na kagandahan sa Paraiso. Ang bagong likha na ito ay may dakilang kahalagahan para sa isang tagasunod na batid ang dati niyang estado at naging mapagtiis sa pagdadala nito. Kung pagkukumparahin ang napakahirap na kalagayan sa daigdig na ito at yaong sa buhay na walang hanggan sa Paraiso, ang sa Paraiso ay siyang tunay na dakilang biyaya para sa mga mananampalataya. Ang buhay sa mundo ay isang maikling pagsubok, na may dalang pagpapala para sa ating patutunguhan. Yaong mga nagpakita ng katatagan sa pagsubok para kay Allah, ang Pinakamakapangyarihan sa lahat, at tumatakbo sa Kanya sa lahat ng kanyang isip at gawa, ay tunay na magbubunyi sa Kabilang Buhay.
At sa Araw ng Pagkagunaw ng Daigdig ay paghihiwalayin na ang mga manampalataya at walang pananampalataya, dahil sa ang mga naniwala sa Allâh (I) at sa Kanyang Sugo na mga gumawa ng kabutihan ay patungo sa ‘Al-Jannah’ (Hardin) na sila’y pararangalan doon at malalasap ang marangyang kasiyahan magpasawalang-hanggan. (Surat Ar-Rum, 14 - 15)