Ang ilang tao ay mamamalas nating nagtataglay ng mga katangiang superyor o nakahihigit kumpara sa karamihan. Lubos na respeto at paghanga ang ibinibigay natin sa mga taong ito. Subali’t kadalasan, hindi nila alintana kung ano ang pinagmumulan ng paghanga nating ito sa kanila. Sa mga nakakamasid, agaran nilang nasasabi na sadyang ang mga taong ito ay lamang sa karamihan sa panloob na mga katangian. Sa paniniwala nila, ito ay likas o natural na sa mga taong ito o sa personalidad ng mga taong nabanggit, kung kaya anumang paghanga sa kanila ay nakakamit na nila ng walang kahirap-hirap. Dapat nating suriin na ang isa sa mga mahahalagang katangian ng mga taong paksa ng paghanga natin ay ang “abilidad nilang magamit ang kanilang pag-iisip.” Anuman ang mataas nilang katangian ay nagreresulta lamang sa pamamagitan ng paggamit nila ng kanilang intelektuwal na kakanyahan.
Ang ilang mga tao na nakakakita sa mga oportunidad na ito bilang bagay na makapagdulot ng kagandahan sa kanilang moralidad ay tatanggap sa mga ito ng buong kasiyahan. Subali’t iiwas naman silang gamitin ang kanilang mga sariling isipan upang higit pang mapayabong ang mga kagandahang tinatamasa nila. Para sa kanila, ito ay masyadong matrabaho upang pag-ukulan pa ng panahon, kaya mas pipiliin na lang nila na “gayahin o sumunod na lang doon sa mga gumagamit ng sariling pag-iisip.” Inihayag ng Allah ang situwasyon ng mga taong ito sa sumusunod na ayat: “… at karamihan sa mga walang pananampalataya ay hindi nila nakikilala ang katotohanan mula sa kasinungalingan.”(Surat Al-Maida:103)
Subali’t kung panggagaya lamang ang gagawin at hindi gagamitin ang sariling pag-iisip, hindi naman ito magdudulot ng resulta na tunay na hinahangad, o maging magdala ng paghanga mula sa mga taong nakapaligid sa kanila. Ang ganitong pagkuha ng kaalaman sa pamamagitan ng panggagaya o pakikisakay ay kadalasang makakaapekto lamang sa iba sa negatibong paraan. Ang mga pananalita ng isang tao na hindi gumagamit ng sariling pag-iisip na bagkus ay nagsisilbi lamang na daanan ng impormasyon, ay hindi magdudulot ng mga kaiga-igayang epekto sa mga taong kanyang nasasakupan. Higit pa rito, dahil sa parang paulit-ulit lamang na pananalita katulad ng sa napapasailalim sa hipnotismo, ang mga utak o isipan ng mga tao ay maaaring mawalang sigla sa pakikinig maging ukol sa mga bagay na mahahalaga dapat. Sadyang anumang bagay na imitasyon ay magdadala lamang ng pagkabahala at kagulumihanan sa mga tao. Kapuna-puna ang napakalaking pagkakaiba sa pag-uugali at gawi ng isang taong gumagamit ng kanyang sariling pag-iisip doon sa taong hindi gumagamit ng kaisipan kung saan walang magiging sapat na implementasyon ng pagkilos, malayo sa pinakatamang kaparaanan, walang pagpapahalaga sa nararapat at walang katumpakang kilos sa tamang lugar, wala rin ang pagkakarkula sa mga magiging epekto nito sa kanyang ginagalawan.
Isa pang mahalagang punto na dapat ikonsidera ng mga ganitong klase ng tao na tamad gumamit ng sariling pag-iisip ay ang katotohanang ang pagkakaroon ng intelektuwal na kakanyahan at ang magamit ito ay isang napakalaking biyaya, pribilehiyo at kaginhawahan para sa isang tao. Isang kaluwagan na may pag-iisip ang tao. Sa simula na gamitin niya ito, hudyat na ito upang makamit niya ang isang napakagandang pamumuhay sa lahat ng aspeto nito. Maabot na niya ang isang antas ng pang-unawa na makapagdadala sa kanya sa pinakarurok ng kasiyahan na dala ng lahat ng mga biyaya ng mundo. Kanyang kaya nang lutasin ang alinmang bagay sa maikling panahon. Makakaya na niyang mailagay ang kanyang moralidad at pagkatao sa posibleng pinakaperpektong kalalagayan. Bawa’t katangian niya ay maglilikha ng ganap na paghanga at papuri para sa kanya. Kada salita na magmumula sa kanya ay magiging higit sa pangkaraniwan, ito ay orihinal at magbabasag sa anumang negatibong epekto ng mga nakasanayang bagay. Ang kanyang mga pakikipagtalastasan ay magiging epektibo, matalino at magdadala ng malalaking benepisyo para sa lahat ng mga tao. Walang hindi nakakagiliw sa kanyang mga pamamaraan. Bawa’t salita na mamumutawi sa kanyang bibig ay pinag-isipan, laging may pagsasaalang-alang sa kung ano ang magiging epekto nito sa mga tagapakinig at anumang maselang paksa ay binalanse ang gagawing paglalahad. Kanyang matatamo ang pagmamahal, ang respeto, ang may lalim na pakikitungo ng kapwa, ang pakikipagkaibigan at ang pagtitiwala sa kanya. Kanya ring matatamo ang sapat na lalim ng pang-unawa upang maisabuhay ang pagmamahal, paggalang at pagkakaibigan sa pinakaperpektong kaparaanan.
Batid rin naman natin na ang kakanyahang makagamit ng isipan ay hindi possible sa lahat ng nilalang. Ang kakanyahang makapag-isip ay kaakibat ang pananalig o pananampalataya. Kayang ibigay ni Allah sa isang tao ang pag-iisip, sinseridad at pagkakaroon ng bukas at malayang kaisipan hanggang sa punto na makakamit niya ang pag-ibig at takot kay Allah; ito ay hanggang sa puntong wala siyang higit na pakahahalagahan na anumang bagay sa mundo kundi ang mga utos ni Allah at ang sundin ang mga ito.
Sa ganitong kadahilanan, ang mga taong nakababatid sa katotohanang ito sa pananamplataya ay lalo pa dapat na magsikhay na magamit ang biyaya ng pag-iisip at higit na maging seryoso na gawin ito. Lubos sa kanyang pang-unawa ang kahalagahan na ito ay ang isa sa pinakamalaking biyaya na possible sa mundong ito. Napakalayo ng katayuan sa buhay ng mga taong gumagamit ng sariling pag-iisip doon sa mga mga taong hindi ginagamit ang biyayang ito, yaong mga kontento na na makagaya at magbabase sa mga kuwento na lang. Ang isang tao na bigo na buksan ang kanyang isipan ay nasusuong lamang sa malaking pagkatalo o pagkabigo na kanyang kakaharapin sa mga situwasyong kanyang kasasadlakan. Ito ay mga situwasyong hindi nalilingid doon sa mga taong gamit ang biyaya ng pag-iisip.
Kaya malinaw na rason upang suriin muli’t-muli ng bawa’t tao ang posibilidad na hindi niya nagagamit ang kanyang kakanyahang makapag-isip sa buo nitong kasapatan, at kung magkagayunman ay marapat na magsumikap siyang magamit ito ng mas lubos at tama haggang sa abot-kaya nito. Para sa isang tao na kumikilos ng buong katapatan at may sinseridad kay Allah, si Allah na mismo ang maglalagay sa kanya sa mga kalalagayang puspos ng inspirasyon upang makakilos siya ng tumpak sa bawa’t situwasyon, sa bawa’t pagkakataon; ibibigay ni Allah sa kanya ang inspirasyon upang mabigkas ang mga salita na hitik sa katalinuhan, at maging kabusilakan sa kanyang pagkilos. Doon sa mga tunay na tapat kay Allah, karunungan ang igagawad Niya sa mga ito. Ang katotohanang ito ay inilahad ni Allah sa mga tao sa Banal na Qur’an, pakinggan:
O kayong mga naniwala sa Allâh (I) at sumunod sa Kanyang Sugo, kung kayo ay natatakot sa Allâh (I) sa pamamagitan ng pagsagawa ng Kanyang ipinag-uutos at pag-iwas sa Kanyang ipinagbabawal ay gagawa ang Allâh (I) ng kaparaanan para sa inyo na kayo ay makalabas sa anumang pagsubok at kahirapan dito sa daigdig, at patatawarin sa inyo ang anumang nagawa ninyong kasalanan at pagtatakpan ito para sa inyo, na hindi na kayo parurusahan pa. Ang Allâh (I) ay Siyang ‘Dhul Fadhlil Adzeem’ – Nagmamay-ari ng Dakilang Kagandahang-Loob.(Surat Al-Anfal:29)