Katiyakan, ang mga mananampalataya lamang ang tunay na naniwala sa Allâh (I) at sa Kanyang Sugo at sumunod sa Kanyang batas, pagkatapos ay wala sila ni anumang pag-aalinlangan sa kanilang mga paniniwala, at ginasta nila ang mga mahahalaga nilang kayamanan at nagpunyagi ang kanilang mga sarili sa Daan ng Allâh (I), pagsunod sa Kanya at sa Kanyang pagmamahal. Ang mga ganito, sila ang mga yaong matatapat sa kanilang paniniwala.(Surat al-Hujurat, 15)
Gayanang ipinahayag ni Allah na napapaloob sa isang ayat, "Maniwala nang walang alinlangan," ito ang pangunahing prinsipyo ng tunay na pananampalataya. Kaya kung ang isang Muslim ay may matatag na paniniwala sa pagkakaroon ng iisang Allah, siya ay hindi kailanman magagapi ng alinlangan sa kanyang pananampalataya anuman ang situwasyon na dumating, siya ay patuloy na namumuhay batid sa sarili na ang lahat ay nakikita at naririnig ni Allah sa bawa’t sandali, at siya ay laging matapat na susunod sa anumang utos at mga rekomendasyon ni Allah sa kanyang buong buhay, ito ay habang likas at maluwag niyang napapatupad ang magandang moralidad na itinakda ni Allah. Sa kabilang dako, siya ay may matatag na kumpiyansa tungkol sa pagkakaroon ng Kabilang Buhay kung kaya siya ay namumuhay na di-nawawaglit sa puso’t isipan na maaari siyang mamatay sa anumang sandali kagya’t marapat na ihanda ang sarili sa pagtutuos para sa kanyang mga nagawa sa mundong ito. Ang paniniwalang ito ay ang tunay na gabay sa pananampalataya na siyang ipinag-uutos ni Allah sa Banal na Qur'an.
Tulad nga nang nakita natin sa ayat na ito, si Allah ay pumupuri sa matibay na pananampalataya ng mga taong naniniwala sa Kanya at sa Propeta (saas), at sa kanyang masigasig na pakikibaka sa antas na intelektuwal patungo sa Landas Niya laban sa kawalan ng pananalig, at mala-ateistang paniniwala ng walang pagdududa. Gayunpaman, hindi lahat ng tao na nagpapatotoo sa pagkaroon nila ng pananampalataya ay maaaring mayroon ng sapat na lalim sa kanilang pananampalataya gaya nang pinatutungkulan dito. Binabanggit din ni Allah yaong mga tao na may mahinang pananampalataya at sa maraming mga ayat ng Banal na Qur'an, nagbigay-babala Siya sa kanila sa dahilang hindi sila naniniwala ng naaayon sa marapat tupdin, ating tunghayan:
Mayroon sa mga tao na pumapasok sa Islâm na mahina at may pag-aalinlangan, na kung kaya, sinasamba niya ang Allâh (I) nang walang katiyakan, ang katulad niya ay isang tao na tumayo sa gilid ng bangin o sumandal sa pader na hindi matatag ang pagkakatayo nito, na iniugnay niya ang kanyang paniniwala sa kanyang makamundo: na kapag siya ay nabuhay na nasa kalusugan at kaginhawahan ay magpapatuloy siya sa kanyang pagsamba, at kapag nangyari naman sa kanya ang pagsubok sa mga bagay na di-kanais-nais at mga kahirapan ay isisisi niya ito sa katotohanang Relihiyon na kanyang sinunod, at siya ay tumalikod na tulad ng isang nagpakabuti at pagkatapos ay nagpakasama. Na kung kaya, dahil sa ganitong gawain ay naging talunan siya sa makamundong buhay, dahil hindi mababago ng kanyang di-paniniwala ang anumang nakatakda sa kanya na makamundong buhay; at magiging talunan naman siya sa Kabilang-Buhay dahil sa kanyang pagpasok sa Impiyernong-Apoy. Ito ang malinaw at katiyakang pagkatalo.(Surat al-Hajj, 11)
Walang duda na ang isang tao na tunay na naniniwala, ay nagsusumite ng kanyang buong sarili, katawan at kaluluwa, at hindi hahayaang maging paliko-liko ang pagsunod niya sa moralidad, bagay na siya namang kinagigiliwan at pinayayabong ni Allah sa bawa’t yugto ng kanyang buhay. Siya ay nagpapakita ng pinakabusilak, pinakamalalim, pinakamagandang moralidad kaakibat ang pag-asang ang mga ito ay magiging kalugod-lugod sa Allah, kahit na siya ay walang tulog, kahit na siya pa may masidhing pangangailangan o kahit na siya pa ay nakakaramdaman ng matinding pisikal na pagkahapo. Nanaisin pa rin niyang masambit ang pinakamahuhusay na mga pananalita, at magsikhay sa paraang pinakamatalino’t pinakamahusay, pinakamatatag, at maluwag ang pagtanggap sa anumang kinakailangang ipagtiis. Ang bawa’t Muslim na may malaking pag-ibig kay Allah, na sa kanya ay kasiyahan na ang mahalin Siya, si Allah, na mayroong tamang takot sa Allah at na sa Kanya lamang tanging sumusumpong, ay maaaring maabot ang lalim sa pananampalataya kahalintulad nang nakamit ng lahat ng mga propeta na nabuhay sa buong kasaysayan.Ang mahalaga ay ang maipakita ang isang matibay na pangako (commitment) at ang pagsisikap sa layuning maging tunay na malapit sa Allah, at ang hindi kailanman lilimot na walang ibang kapangyarihan maliban sa Allah, at ang tanggapin sa buhay niya si Allah bilang kaibigan at ang ibuhos ang kanyang buong pagtitiwala sa Kanya lamang sa bawa’t sandali ng kanyang maiksing buhay sa mundo. Ang isang mananampalataya na makakatugon sa lahat ng mga kailangan upang maging ganap na mananampalataya, buo sa kanyang puso’t kaluluwa, ay namumuhay sa mundong ito na halos tulad ng isang taong nagmula pa sa langit. Hindi niya hahawakan ang mga pag-uugali na puno ng galit, poot, pakikipagmadalian, sindak, takot, lungkot, pawang mga bagay na malayo sa batayang moral na napapaloob sa Banal na Qur'an.Kaya maaabot niya ang isang matalino at matagumpay na antas ng pananampalataya na kung saan ito ay katulad sa lalim ng pananampalataya ng mga Propeta, at ng mga banal na mga taong nabuhay, ito ay habang kanyang buong tatag namang umaasa na maging isa sa mga alipin ni Allah na Kanyang mga kinalulugdan.
Upang maunawaan ang lalim ng tunay na pananampalataya na mag-uugat lamang sa isang malalim na pag-ibig at isang matatag na pagpapasiya o determinasyon, maaari nating obserbahan ang naging buhay ng mga Propeta na siyang mga ehemplong ibinigay ni Allah sa Banal na Qur'an. Bilang halimbawa, ang Propeta Hesus (sa) ay nagpakita ng mga kilos at saloobin tulad sa isang tao na may isang tunay na pananampalataya sa lahat ng yugto ng kanyang buhay. Isinumite niya ang sarili sa Allah sa harap ng mga paghihirap na nangyari, tanging kabutihan ang kanyang nakita sa lahat ng bagay, hindi kailanman sumuko, at palaging pinanatili ng kanyang makatwiran at matalinong saloobin. At sa harap ng mahinang pananampalataya ng ilan sa kanyang mga alagad, matalinong pagkilos ang kanyang ipinakita dahil alam niyang si Allah ang Siyang lumilikha sa mga ito na nagkaganoon, matiwasay niyang tinawag sila sa Tamang Landas, at lumapit siya sa Allah upang palakasin ang kanilang pananampalataya.
At alalahanin mo pa rin noong sinabi ng mga ‘Hawâriyyûn:’ “O `Îsã (u) na anak ni Maryam, kaya ba ng iyong ‘Rabb,’ kapag hiniling mo sa Kanya, na magpababa sa amin ng ‘Al-Mâ`i-dah’ – lamesa na may mga nakalatag na mga pagkain mula sa kalangitan?” At ang naging tugon niya ay inutusan sila na maging matakot sa parusa ng Allâh (I) kung sila ay tunay na naniniwala.
Sinabi ng mga ‘Hawâriyyûn:’ “Nais namin na kumain mula sa ‘Al-Mâ`i-dah’ na ito at nang sa gayon ay mapanatag ang kalooban namin kapag ito ay nakita namin at mabatid namin bilang katiyakan na totoo ka sa iyong pagiging Propeta; at kami ay magiging testigo sa palatandaang ito ng Allâh (I), na Siyang nagpadala nito bilang Kanyang katibayan para sa amin sa Kanyang Kaisahan at Kanyang Kapangyarihan, at kakayahan sa anuman na Kanyang nais; at iyong katibayan sa pagiging totoo ng iyong pagka-Propeta.”
Tumugon si `Îsã (u) na anak ni Maryam sa mga ‘Hawâriyyûn’ at nanalangin siya sa kanyang ‘Rabb’ na Tagapaglikha at nagsasabi: “O Allâh (I) na aming ‘Rabb,’ padalhan Mo kami ng ‘Mâ`i-dah’ na nakahandang pagkain mula sa kalangitan; na ipagdiriwang namin ang araw ng pagbaba nito at dadakilain namin, kami at ang mga susunod pa sa amin; at ang ‘Mâ`i-dah’ ay maging tanda at katibayan mula sa Iyo, O Allâh (I), sa Iyong Kaisahan at sa pagiging totoo ng Aking pagka-Propeta; at pagkalooban Mo kami ng masaganang kabuhayan mula sa Iyo, sapagka’t Ikaw ay ‘Khayrur Râziqeen’ – ang Ganap at Pinakamabuting Tagapagkaloob ng mga kabuhayan.”(Surat al-Ma'ida, 112-114)
Siya ay tumugon sa Allah na may isang magandang kasagutan sa tuwing tatanungin siya ni Allah, patuloy siya sa pagpuri at pagluwalhati sa Kanya, siya ay nagpakita ng kanyang malalim na pag-ibig at debosyon kay Allah sa kanyang mga salita na puno ng paggalang at paninikluhod. Kapag ating pagninilayan ang mga sumusunod na ayat, ang katapatan ng mga salita ni Propeta Jesus (sa), agad nating mapapansin ang kanyang malalim na paggalang at dakilang pag-ibig kay Allah. Kung kaya ang katapatan at kadakilaan nito ay malinaw na indikasyon ng malalim na pag-ibig at malaking takot sa Allah, at ito ay isang tunay na mataas na antas ng pananampalataya:
Alalahanin mo na sasabihin ng Allâh (I) sa Araw ng Muling Pagkabuhay: “O `Îsã (u) na anak ni Maryam, ikaw ba, sinabi mo sa mga tao na: ‘Ituring ninyo ako at ang aking ina na dalawang sinasamba bukod sa Allâh (I)?’” Tumugon si `Îsã (u) bilang pagluwalhati sa Allâh (I): “Hindi maaaring sasabihin ko sa mga tao ang hindi totoo. Kung sinabi ko man ito, tiyak na ito ay batid Mo, dahil Ikaw ay walang maililihim sa Iyo na anuman, alam Mo kung ano ang kinikimkim ko, na kung ano ang nasa aking sarili at hindi ko alam kung ano ang nasa Iyo. Katiyakan, Ikaw ay ‘`Aleem’ – ang Ganap na Nakaaalam ng lahat ng bagay na nakalantad o lihim.”
Sinabi ni `Îsã (u): “O Allâh na aking ‘Rabb’ na Tagapaglikha! Wala akong sinabi sa kanila kundi ang kung ano lamang ang ipinahayag Mo sa akin, at kung ano ang iniutos Mo sa akin na iparating sa kanila na paniniwala sa Kaisahan Mo at pagsamba sa Iyo, at ako ay testigo sa kanila habang ako ay kasama pa nila, tumitestigo sa kanilang mga ginagawa at kanilang mga sinasabi, subali’t noong kinuha Mo ako mula sa kalupaan at iniangat Mo ako patungo sa kalangitan na buhay, Ikaw lamang ang Nakamamasid ng anumang inililihim nila at Ikaw ay ‘Shaheed’ – Ganap na Saksi at Tagapagmatyag ng lahat ng bagay at walang anuman ang maililihim sa Iyo dito sa kalupaan at ganoon din sa kalangitan.
“Kung parurusahan Mo sila, O Allâh (I), sila ay mga alipin Mo, at Ikaw ang Nakaaalam ng mga katayuan nila, ginagawa Mo ang anuman na Iyong nais sa kanila, sa Iyong pagiging makatarungan; at kung magpapatawad Ka dahil sa Iyong awa sa sinuman humarap (dumulog) sa Iyo na dala-dala niya ang lahat ng kadahilanan upang siya ay mapatawad. Walang pag-aalinlangan, Ikaw ay ‘Al-`Azeez’ - ang Kataas-Taasan at Punung-Puno ng Karangalan na Ganap na Makapangyarihan na walang sinuman ang makagagapi sa Iyo, ang ‘Al-Hakeem’ – ang Ganap na Maalam sa Iyong panukala at sa Iyong pag-aatas.”
Ang ‘Âyah’ o talatang ito ay papuri sa Allâh (I) sa Kanyang pagiging Ganap na Maalam, sa Kanyang pagiging Ganap na Makatarungan, sa pagiging Kaganapan ng Kanyang Kaalaman.(Surat al-Ma'ida, 116-118)
Ang isang Muslim na tumutulad sa mga Propeta na nagsisilbi bilang mga halimbawa para sa kanyang sarili ay laging nakalingon kay Allah, hanap sa Kanya ang paggabay sa harap ng lahat ng mga kaganapan na kanyang susuungin, matatag siyang umiiwas sa pagbibigay ng tugon na hindi magiging kagiliw-giliw kay Allah, hindi rin siya nagpapakaulaw o nagpapadala sa mga simpleng saloobin tulad ng galit, poot, pagkatakot, pagkamaramdamin o kalituhan man at lagi niyang pinananatiling nakakapit ang sarili kay Allah at sa Banal na Qur'an sa pamamagitan ng pagkilos ng marangal at matalino, bagay na karapat-dapat sa pagiging isang mananampalataya sa pinakadakilang paniniwala.