Katiyakan, ang mga mananampalataya lamang ang tunay na naniwala sa Allâh (I) at sa Kanyang Sugo at sumunod sa Kanyang batas, pagkatapos ay wala sila ni anumang pag-aalinlangan sa kanilang mga paniniwala, at ginasta nila ang mga mahahalaga nilang kayamanan at nagpunyagi ang kanilang mga sarili sa Daan ng Allâh (I), pagsunod sa Kanya at sa Kanyang pagmamahal. Ang mga ganito, sila ang mga yaong matatapat sa kanilang paniniwala.(Surat al-Hujurat, 15)
At ang tanda ng kanilang pagmamahal sa mga mananam-palataya ay noong mayroong isang grupo mula sa kanila na taga-Abyssinia na narinig ang Banal na Qur’ân, ay umapaw ang kanilang mga luha sa kanilang mga mata; na tiniyak nila na ang kapahayagang yaon ay katotohanang nagmula sa Allâh (I). At sila ay naniwala, sumuko sa Allâh (I) at sumunod sa Kanyang Sugo; at hiniling nila ang karangalan sa pamamagitan ng pagtestigo na kasama ang sambayanan ni Propeta Muhammad (r) sa mga sambayanan sa Araw ng Muling pagkabuhay.(Surat al-Ma’ida, 83)
Sa talatang ito, pinahahalagahan ang hinggil sa Araw ng Muling Pagkabuhay sapagka’t ang paniniwala rito ay kabilang sa mga dakilang bagay na nagtutulak sa mga tao para sundin ang mga ipinag-uutos at iwasan ang mga ipinagbabawal; at maglimi-limi sa sarili, na palagi itong pinapanagot at palaging may pagmamatyag sa sarili.(Surat al-Baqara, 4)
ANG MGA TUNAY NA NANINIWALA AY MAY MALAWAK AT MALALIM NA PANANALIG KAY ALLAH.
At ito ay liwanag na ginagabayan ang sinumang matatakutin na kinakatakutan nila ang parusa ng kanilang ‘Rabb’ na Tagapaglikha, at kinatatakutan din nila ang Araw ng Paghuhukom sa Araw ng Muling Pagkabuhay.(Surat al-Anbiya’, 49)
Na sila na mga mapagkumbaba at matatakutin ay isa sa mga katangian nila ay kapag binanggit at pinuri ang Kaisahan ng Allâh (I) ay natatakot sila sa Kanyang parusa at umiiwas sila sa paglabag sa Kanya, at kapag nangyari sa kanila ang kagipitan ay nagtitiis sila na naghahangad sila ng gantimpala mula sa Allâh (I) na Dakila at Kataas-Taasan, at isinasagawa nila ang pagsa-‘Salâh’ nang ganap, at kalakip noon, sila ay gumagasta mula sa anumang kabuhayan na ipinagkaloob ng Allâh (I) sa kanila na ito ay bilang tungkulin, na nagbibigay ng obligadong kawanggawa (‘Zakâh’) o ang anumang kanilang tungkulin sa kanilang mga pamilya na obligasyon nilang tustusan, at sa Daan ng Allâh (I), at sa anuman na kanilang tinutustusan na kaaya-aya sa paningin ng Allâh (I).(Surat al-Hajj, 35)
… at walang sinuman sa kanila ang maaaring mamagitan maliban sa sinumang pahintulutan ng Allâh (I) na mamagitan. At dahil sa takot nila sa Allâh (I) ay nag-iingat sila at hindi nila tinitiyak na walang mangyayari sa kanila na hindi kanais-nais.(Surat al-Anbiya’, 28)
… dahil sila ang mga yaong mabilis magsigawa ng kabutihan, na sila ay nananalangin sa Amin sa paghahangad ng anuman na nagmumula sa Amin, na natatakot sa Aming parusa, at sila ay mga mapagkumbaba na sumusunod sa Aming kagustuhan.(Surat al-Anbiya’, 90)
At katiyakan, mayroon sa mga ‘Ahlul Kitâb’ (mga Hudyo at mga Kristiyano) ang nakatitiyak sa kanyang paniniwala, na ang Allâh (I) ay Siyang Bukod-Tanging ‘Rabb’ na Tagapaglikha at Siya lamang ang sinasamba nila, at sa kung anuman na ipinahayag sa inyo na Banal na Qur’ân, at ganoon din sa ipinahayag sa kanila na ‘Tawrah’ at saka ‘Injeel;’ na nagpapakumbaba sila sa Allâh (I), nagpapasailalim sa Kanyang kagustuhan, at hindi ipinagpalit ang mga talata ng Allâh (I) sa maliit na halaga ng makamundong bagay; at hindi nila inilihim ang ipinahayag ng Allâh (I), at hindi nila ito binago na tulad ng ibang ‘Ahlul Kitâb.’ Ang para sa kanila ay dakilang gantimpala sa Araw na makatatagpo nila ang Allâh (I) at ito ay matatamo nila nang walang kabawasan. Katiyakan, ang Allâh (I) ay ‘Saree`ul Hisâb’ – Ganap at Napakabilis Niyang Tumuos at walang kahirap-hirap para sa Kanya na tuusin ang kanilang mga gawain at ayon dito sila ay pagbabayarin.(Surah Al’ Imran, 199)
ANG MGA TUNAY NA NANINIWALA AY MAY TAKOT KAY ALLAH.
Ang mga yaong ipinarating ang mensahe ng Allâh (I) sa sangkatauhan at natakot sila sa Allâh (I) na Bukod-Tangi, na wala silang kinakatakutan na sinuman bukod sa Kanya. At sapat na ang Allâh (I) bilang Tagapaghukom sa Kanyang mga alipin sa lahat ng kanilang mga gawain at Tagapagmasid sa kanila(Surat al-Ahzab, 39)
… at ang mga yaong naniwala sa Araw ng Paghuhukom para sa Pagbabayad kaya ito ay pinaghandaan nila sa pamamagitan ng pagsagawa ng mga mabubuting gawa, at ang mga yaong natatakot sa kaparusahan ng Allâh (I).(Surat al-Ma‘arij, 27)
Katiyakan, ang mga yaong natatakot sa Allâh (I) na kanilang ‘Rabb’ na Tagapaglikha at Siya ay sinasamba nila, at hindi nila nilalabag ang kagustuhan ng Allâh (I) habang sila ay malayo sa paningin ng tao, at kinatatakutan nila ang parusa sa Kabilang-Buhay gayong hindi pa nila ito nakikita, ang para sa kanila ay kapatawaran mula sa Allâh (I) sa kanilang mga kasalanan at dakilang gantimpala na ito ay ‘Al-Jannah’ (o Hardin).(Surat al-Mulk, 12)
Katiyakan, ang tunay lamang na mananampalataya sa Allâh (I) ay ang mga yaong kapag binanggit ang patungkol sa Allâh (I) ay nakadarama ng takot sa kanilang mga puso, at kapag binigkas sa kanila ang mga talata ng Banal na Qur’ân ay nadaragdagan ang kanilang paniniwala, at sa Allâh (I) lamang nila ipinauubaya ang kanilang mga sarili, na kung kaya, hindi sila naghahangad ng anuman at wala silang kinakatakutan na iba.(Surat al-Anfal, 2)
... Dahil minsan ang bato ay nabibiyak at bumubukal mula rito ang tubig at nagiging mga ilog na umaagos. Mayroon din sa mga batong ito na nabibiyak at lumalabas mula rito ang maraming bukal. Ang iba naman ay naglalaglagan mula sa mga tuktok ng bundok dahil sa pagkatakot sa Allâh (I) at pagdakila sa Kanya. Hindi kailanman nakaliligtaan ng Allâh (I) kung ano ang inyong mga ginagawa.(Surat al-Baqara, 74)
ANG MGA TUNAY NA NANINIWALA AY MALUGOD NA TUMATALIMA SA PAGSUNOD KAY ALLAH
Sila ang mga matiisin sa pamamagitan ng kanilang pagsunod, pag-iwas sa mga kasalanan, at sa mahihirap na pagsubok na itinakda ng Allâh (I) para sa kanila; at mga matatapat sa kanilang mga pananalita, mga gawa at ganap na pagsunod. At ganoon din sa kanilang paggasta nang palihim at lantaran sa Daan ng Allâh (I); at sa kanilang paghingi ng kapatawaran sa mga huling oras ng gabi, dahil (sa mga oras na) yaon ang malaking pagkakataon ng pagtanggap sa mga panalangin.(Surah Al’ Imran, 17)
Katiyakan, ang mga yaong naniwala sa Allâh (I) at sa Kanyang Sugo, at gumawa ng mga mabubuting gawa, at nagpakumbaba sa anumang pag-uutos at anumang pagbabawal, sila ang mga maninirahan sa ‘Al-Jannah’ (Hardin), na hindi sila mamamatay pa roon at sila ay mananatili roon magpasawalang-hanggan. (Surah Hud, 23)
ANG MGA TUNAY NA MUSLIM AY NAGTATAAS SA NGALAN NI ALLAH NG HIGIT SA ANUPAMANG BAGAY.
Mga kalalakihan na hindi naabala ng negosyo at pagbebenta mula sa pag-alaala nila sa Allâh (I), at pagsagawa ng ‘Salâh,’ pagbibigay ng ‘Zakâh’ o Obligadong kawanggawa sa mga may karapatan, natatakot sila sa Araw ng Muling Pagkabuhay na kung saan doon ay babaling ang mga puso sa pagitan ng pag-asa na maligtas at pagkatakot na mapahamak, ganoon din ang kanilang mga paningin na nakaabang tungo sa kung saan sila patutungo? (Surat an-Nur, 37)
At sinabi ng mga yaong pinagkalooban ng kaalaman hinggil sa Allâh (I) at sa Kanyang batas, at batid nila ang katotohanan hinggil sa mga bagay-bagay na sinabi ng mga yaong mapaghangad ng kinang na makamundo na sana ay nagkaroon din kami ng katulad ng ipinagkaloob kay Qâroun: “Kapighatian sa inyo, matakot kayo sa Allâh (I) at sundin ninyo Siya! Ang gantimpala ng Allâh (I) para sa sinumang naniwala sa Kanya at sa Kanyang mga Sugo at gumawa ng mga mabubuting gawa ay higit na mabuti kaysa sa ipinagkaloob kay Qâroun, at walang sinuman ang tatanggap ng ganitong pagpapayo at magagabayan tungo rito at magpatupad nito maliban sa sinumang pinangangalagaan at pinipigilan niya ang kanyang sarili at nagtitiis siya habang siya ay sumusunod sa kagustuhan ng Allâh (I) at umiiwas sa mga paglabag sa Kanya.”(Surat al-Qassas, 80)
At sila ay yaong sinabihan ng ilan sa mga pagano: “Katiyakan, si Abu Sufyan at ang kanyang mga kasamahan ay nagkaisa na babalikan kayo upang lupigin, na kung kaya ay maging maingat kayo at katakutan ninyo ang pakikipagsagupa sa kanila, dahil wala pa kayong lakas para lumaban sa kanila,” subali’t ang mga ganoong pananakot ay higit pang nagpapanatag at nagpatibay sa kanilang paniniwala sa pangako ng Allâh (I) sa kanila at hindi (man lamang) nagpahina ng kanilang katatagan; kung kaya, nagpatuloy sila sa kung ano ang ipinag-utos ng Allâh (I) at sinabi nila: “Ipinaubaya namin ang aming mga sarili sa Allâh (I) na Siyang ‘Al-Wakeel’ – ang Ganap na Tagapagkupkop, Tagapangalaga, nasa Kanya ang lahat ng Pangangasiwa sa Kanyang mga alipin.” (Surah Al’ Imran, 173)
At kung batid lamang ng mga taong ito, na dinadaya lamang nila ang kanilang mga sarili sa pamamagitan ng paglalagay nila ng katambal sa pagsamba sa Allâh (I), habang sila ay naririto at nabubuhay sa daigdig. Kung makikita lamang nila, sa oras na ihaharap na sa kanila ang kaparusahan sa Kabilang-Buhay, mapatutunayan nila, na ang Allâh (I) lamang ang Bukod-Tanging Makapangyarihan sa …(Surat al-Baqara, 165)
O kayong mga naniwala sa Allâh (I) at sumunod sa Kanyang Sugo! Sinuman sa inyo ang tatalikod sa kanyang ‘Deen’ (na ‘Al-Islâm’) at ito ay papalitan niya ng Judaismo o di kaya ay Kristiyanismo o di kaya ay iba pa. Kailanman ay hindi nila makakanti ang Allâh (I) at walang pag-aalinlangan, ang Allâh (I) ay lilikha ng panibagong mga tao na higit pa kaysa sa kanila, na sila ay mamahalin ng Allâh (I) at mamahalin (din) nila ang Allâh (I), at sila ay maawain at mapagkumbaba sa mga mananampalataya, at mga matatag laban sa mga walang pananampalataya, at makikipaglaban sa mga kalaban ng Allâh (I) at wala silang katatakutan na sinuman bukod sa Allâh (I). Ganito ang pagbibiyaya ng Allâh (I) mula sa Kanyang kagandahang-loob, na ito ay ipinagkakaloob Niya sa sinuman na Kanyang nais; at ang Allâh (I) ay ‘Wâsee`’ – Ganap at Napakalawak ang Kanyang kagandahang-loob sa mga pangangailangan ng Kanyang mga nilikha, at ‘`Aleem’ – Ganap na Nakaaalam kung sinuman ang karapat-dapat sa mga ito mula sa Kanyang mga alipin.(Surat al-Ma’ida, 54)
ANG MGA TUNAY NA NANINIWALA AY NAG-AALAY NG KANILANG BUONG BUHAY PARA KAY ALLAH LAMANG.
Sabihin mo, O Muhammad (r), sa kanila na mga ‘Mushrikin:’ “Katiyakan ang aking ‘Salâh;’ ang aking pagsasakripisyo na katulad ng pagkatay ng hayop sa Pangalan ng Allâh (I) na Nag-iisa at hindi para sa mga rebulto at hindi rin para sa mga patay at hindi rin para sa mga ‘Jinn,’ at hindi rin para sa iba pa na mga katulad nito na inyong pinag-aalayan na iba bukod sa Allâh (I), at hindi rin sa pangalan ng iba na katulad ng inyong mga ginagawa; ang aking buhay, ang aking kamatayan ay Pagmamay-ari lamang ng Allâh (I) na ‘Rabb’ ng ‘Al-`Âlamin’ (lahat ng mga nilikha).”(Surat al-An'am, 162)
Mayroon namang mga taong nagsasakripisyo ng kanilang mga sarili sa paghahangad nila ng pagmamahal ng Allâh (I), sa pamamagitan ng ‘Jihâd’ sa Daan ng Allâh (I) at pagiging masunurin sa Kanya. At ang Allâh (I) ay ‘Raouf’ – Punung-Puno ng Kabutihan para sa Kanyang mga alipin at Napakalawak ang Kanyang Awa sa mga sumasampalataya sa Kanya, rito sa daigdig; at sa Kabilang-Buhay ay gagantimpalaan sila ng kabutihan. (Surat al-Baqara, 207)
… at nagbibigay sila ng mga pagkain kahit na ito ay gustung-gusto pa nila sa kanilang mga sarili at kailangang-kailangan nila, sa mga mahihirap na hindi na nila kaya pang magtrabaho upang kumita, na wala silang anumang pagmamay-ari na kabuhayan; at sa sanggol na namatayan ng kanyang ama na wala siyang anumang yaman, at sa bihag na nabihag sa labanan ng mga walang pananampalataya at iba pa, at sinasabi nila sa kanilang mga sarili: “Katiyakan, nagmamagandang-loob kami sa inyo na ang hangarin namin ay pagmamahal ng Allâh (I) at makamtan ang Kanyang gantimpala, na wala kaming anumang hinahangad na kapalit at hindi ninais na purihin at igalang ninyo.” “Katiyakan, kami ay natatakot mula sa Allâh (I) na aming ‘Rabb’ na Tagapaglikha, sa Araw na magiging malungkot at gimbal na gimbal ang mga mukha ng mga tao mula sa pagkatakot dahil sa matinding pangyayari rito.(Surat al-Insan, 8-10)
… bagkus ang hangarin niya ay makaharap ang Mukha ng kanyang ‘Rabb’ na Tagapaglikha na Kataas-taasan at makamit ang Kanyang Kaluguran, at walang pag-aalinlangang ipagkakaloob ng Allâh (I) sa kanya sa ‘Al-Jannah’ (Hardin) at ang anumang ikalulugod niya. (Surat al-Layl, 20-21)
… Kung ano man ang inyong ginasta mula sa inyong salapi, darating sa inyo ang gantimpala nito mula sa Allâh (I), at ang mga mananampalataya ay hindi gumagasta o nagkakawanggawa kundi sa pag-aasam na makita ang Mukha ng Allâh (I) sa Kabilang-Buhay at paghahangad sa kaluguran ng Allâh (I). At walang anuman na inyong ginagasta nang taimtim mula sa inyong kayamanan kundi ipagkakaloob sa inyo ang gantimpala nito nang buung-buo at walang labis …(Surat al-Baqara, 272)
ANG MGA TUNAY NA MUSLIM AY NAGSISIKHAY NG BUONG SIGLA’T LAKAS PATUNGO SA DAAN NI ALLAH.
Kung hindi man sumama sa pakikipaglaban ang mga ‘Munâfiqun,’ ay katotohanang nakipaglaban ang Sugo ng Allâh (r) at kasama ang mga manampalataya sa pama-magitan ng kanilang kayamanan at kanilang mga sarili, at sila ay magkakamit ng tulong at mga mabubuting bagay dito sa daigdig, at Hardin at karangalan naman sa Kabilang-Buhay, at sila ang magkakamit ng tunay na tagumpay. (Surat at-Tawba, 88)
Katiyakan, ang mga mananampalataya lamangang tunay na naniwala sa Allâh (I) at sa Kanyang Sugo at sumunod sa Kanyang batas, pagkatapos ay wala sila ni anumang pag-aalinlangan sa kanilang mga paniniwala, at ginasta nila ang mga mahahalaga nilang kayamanan at nagpunyagi ang kanilang mga sarili sa Daan ng Allâh (I), pagsunod sa Kanya at sa Kanyang pagmamahal. Ang mga ganito, sila ang mga yaong matatapat sa kanilang paniniwala.(Surat al-Hujurat, 15)
HINDI NILA ALINTANA ANG ANUMANG PAGHIHIRAP SA KANILANG PAGTAHAK SA LANDAS PATUNGO KAY ALLAH.
Marami sa mga naunang mga Propeta ang nakipaglaban kasama ang kanilang maraming mga grupo na mga tagasunod, at hindi sila humina sa anumang pagsubok na nangyari sa kanila, na pagkasugat at pagkamatay, dahil sa ito ay alang-alang sa kanilang ‘Rabb’ na Tagapaglikha. At hindi sila nanghina at hindi sila sumuko sa kanilang mga kalaban; bagkus ay tiniis nila kung anuman ang mga tinamo nila na mga pagsubok. At ang Allâh (I) ay nagmamahal sa mga matiisin. (Surah Al’Imran, 146)
Ang mga yaong tumugon sa panawagan ng Allâh (I) at sa Kanyang Sugo, at sila ay nagsipagtungo sa mga ‘Mushrikûn’ na nasa ‘Hamra Al-Asad’ pagkatapos nilang matalo sa Labanan sa ‘`Uhud,’ at kahit na sila ay nagdurusa at sugatan ay ginawa nila ito sa abot ng kanilang makakaya at nagpasailalim sila sa patnubay ng kanilang Propeta (r), ang para sa mga mabubuti at matatakutin sa Allâh (I) mula sa kanila, ay dakilang gantimpala. At sila ay yaong sinabihan ng ilan sa mga pagano: “Katiyakan, si Abu Sufyan at ang kanyang mga kasamahan ay nagkaisa na babalikan kayo upang lupigin, na kung kaya ay maging maingat kayo at katakutan ninyo ang pakikipagsagupa sa kanila, dahil wala pa kayong lakas para lumaban sa kanila,” subali’t ang mga ganoong pananakot ay higit pang nagpapanatag at nagpatibay sa kanilang paniniwala sa pangako ng Allâh (I) sa kanila at hindi (man lamang) nagpahina ng kanilang katatagan; kung kaya, nagpatuloy sila sa kung ano ang ipinag-utos ng Allâh (I) at sinabi nila: “Ipinaubaya namin ang aming mga sarili sa Allâh (I) na Siyang ‘Al-Wakeel’ – ang Ganap na Tagapagkupkop, Tagapangalaga, nasa Kanya ang lahat ng Pangangasiwa sa Kanyang mga alipin.” (Surah Al’Imran, 172-173)
Kabilang sa mga katangian ng mga yaong matiisin, ay kapag dumating sa kanila ang mga bagay na hindi nila nagugustuhan, sinasabi nila: “Kami ay mga aliping pagmamay-ari ng Allâh (I), Siya ang Namamahala sa lahat ng bagay para sa amin, ginagawa Niya ang anumang Kanyang nais, at katiyakang babalik kami sa Kanya kapag kami ay namatay na, at pagkatapos nito ay bubuhayin kaming mag-uli sa Araw ng Muling Pagkabuhay para sa paghuhukom at pagbabayad.”(Surat al-Baqara, 156)
ANG MGA TUNAY NA NANINIWALA AY MGA DAKILA AT MATATAG, AT WALANG TAKOT PARA SA HINAHARAP.
Sabihin mo sa kanila, O Muhammad (r), na mga walang pananampalataya sa Allâh (I): “Ang bawa’t isa sa atin ay nag-aabang sa pag-ikot ng panahon, kung sino ang magtatagumpay at mananalo; na kung kaya, maghintay kayo, dahil walang pag-aalinlangang mababatid ninyo kung sino ang nasa Matuwid na Landas at kung sino ang ginabayan sa katotohanan, ang sa amin ba o ang sa inyo?” (Surah Ta Ha, 135)
Sabihin mo sa kanila, O Muhammad (r): “Naghihintay ba kayo sa amin ng anumang maliban sa isa sa dalawa, kami ay mamatay nang alang-alang sa Allâh (I) o di kaya ay magwagi kami laban sa inyo? Samantalang nag-aabang kami na puksain kayo ng Allâh (I) nang daglian na parusa mula sa Kanya o di kaya ay sa pamamagitan ng pagpatay namin sa inyo, na kung kaya, mag-abang kayo, dahil kami rin ay nag-aabang kasama ninyo, kung ano ang gagawin ng Allâh (I) sa amin o sa inyo.”(Surat at-Tawba, 52)
Sabihin mo, O Muhammad (r), sa kanila na mga nagtatambal na sumasamba ng mga diyus-diyosan: “Tawagin ninyo ang inyong mga sinasamba na itinuturing ninyong katambal sa pagsamba sa Allâh (I), pagkatapos ay magsama-sama kayong lahat upang ako ay inyong ipahamak, at huwag ninyo itong ipagpaliban pa at madaliin ninyo, dahil ako ay walang pakialam sa inyong mga diyus-diyosan; dahil ako ay ganap na nagtitiwala sa bukod-tanging Pangangalaga ng Allâh (I).”(Surat al-A'raf, 195)
Sinabi ni Fir`âwn sa mga salamangkero bilang pagtataka sa kanilang ginawa: “Naniwala kayo kaagad kay Mousâ (u) nang hindi ko kayo pinahintulutan,” at kanyang sinabi bilang pagpapahiwatig pa rin na ang ginawa ni Mousâ (u) ay salamangka: “Katiyakan, siya pala ang pinuno ninyo na nagturo sa inyo ng salamangka, kung gayon, walang pag-aalinlangan, mababatid ninyo ang anumang parusa na ipapataw ko sa inyo: walang pag-aalinlangan, puputulin ko ang inyong mga kamay at ang mga paa nang magkabila, na puputulin ang kanang kamay at ang kaliwang paa o ang kabaligtaran nito, at akin kayong ibibitin lahat sa puno.” Sinabi ng mga salamangkero kay Fir`âwn: “Wala nang halaga sa amin kung anuman ang iyong gagawing parusa sa amin dito sa daigdig, dahil walang pag-aalinlangan, kami ay magbabalik sa aming ‘Rabb’ na Tagapaglikha, na pagkakalooban kami ng kasiyahan na walang-hanggan.”…(Surat ash-Shu‘ara’, 49-50)
Na kung kaya, sinuman ang makikipagtalo sa iyo, O Muhammad (r) hinggil kay `Îsã Al-Masih (u) na anak ni Maryam, pagkatapos dumating sa iyo ang kaalaman hinggil kay `Îsã (u), sabihin mo sa kanila: “Halina kayo at isama natin ang aming mga anak at inyong mga anak, ang aming mga kababaihan at ang inyong mga kababaihan, ang aming mga sarili at ang inyong mga sarili. Pagkatapos, manalangin tayo sa Allâh (I) nang taimtim na ibaba Niya ang Kanyang parusa at sumpa sa mga hindi nagsasabi ng katotohanan at nananatili sa kanilang pagtanggi.”(Surah Al ’Imran, 61)
At sabihin mo, O Muhammad (r), sa mga walang pananampalataya na hindi naniniwala sa Kaisahan ng Allâh (I): “Gawin na ninyo ang lahat ng kakayahan na kaya ninyo ayon sa inyong kalagayan at kaparaanan na pagharang sa ‘Da`wah’ (o sa pagpaparating ng mensahe ng Katotohanan) at sa paninira at pamiminsala sa Sugo at sa mga sumunod sa kanya, dahil kami naman sa katotohanan ay gagawin din namin ang anumang makakayanan naming gawin batay sa aming kaparaanan upang maging matatag kami sa aming ‘Deen’ at sa pagpapatupad sa Kautusan ng Allâh (I).”(Surah Hud, 121)
At sinabi pa ni Shu`ayb (u) sa kanyang sambayanan: “Kung gayon, walang pag-aalinlangan, ay nag-imbento kami ng kasinungalingan laban sa Allâh (I) kung kami ay bumalik sa inyong relihiyon pagkatapos kaming iligtas ng Allâh (I) mula rito. At hindi kami maaaring lumipat sa ibang relihiyon bukod sa Relihiyon ng aming ‘Rabb’ na Tagapaglikha, maliban na lamang kung ito ay nanaisin ng Allâh (I) na aming ‘Rabb’ na Tagapaglikha. At katiyakan, saklaw ng kaalaman ng Allâh (I) ang lahat ng bagay, na kung kaya, alam Niya kung ano ang makabubuti sa Kanyang mga alipin, samakatuwid, sa Allâh (I) lamang namin inilalalagay ang aming pagtitiwala na Siya ay Bukod-Tangi sa Kanyang gabay at tulong …(Surat al-A’raf, 89)
Isalaysay mo, O Muhammad (r), sa mga walang pananam-palataya sa Makkah ang kuwento hinggil kay Nûh (u) kasama ang kanyang sambayanan noong siya ay nagsabi sa kanila: “Kung ang aking pananatili sa inyo para kayo ay paalalahanan sa mga katibayan at mga palatandaan ng Allâh (I) ay mabigat para sa inyo ay ipinauubaya ko na lamang ang aking sarili sa Allâh (I), at sa Kanya ko ipinagkakatiwala. Samakatuwid, ihanda ninyo ang inyong mga pakana, at tawagin ninyo ang inyong mga itinatambal o sinasamba na iba, pagkatapos ay huwag na ninyong ilihim ang inyong mga ginagawa bagkus ay ilantad na ninyo, pagkatapos ay magpasiya na kayo na ako ay inyong parusahan at saktan kung ito ay kaya ninyo, at huwag na ninyo akong pagbigyan pa ng kahit na isang oras man lamang na bahagi ng isang araw.(Surah Yunus, 71)
HINDI NILA HAHAYAAN NA ANG MGA TAONG TAGLAY ANG IPOKRITONG KARAKTER AY MANATILI SA KANILANG MGA HANAY.
At kapag sinanhi ng Allâh (I) na ikaw ay makabalik, O Muhammad (r), mula sa iyong pakikipaglaban, tungo sa mga mapagkunwari na nanatili sa kanilang pagiging ipokrito, at sila ay hihingi ng pahintulot na sumama sa iyo sa iba pang labanan pagkatapos ng Labanan sa Tabuk ay sabihin mo sa kanila: “Kailanman ay hindi na kayo sasama pa sa akin sa anumang labanan ni makipaglaban sa sinumang kaaway na kasama ako; dahil katotohanang higit na ginusto ninyo ang magpaiwan sa unang pagkakataon, na kung kaya, manatili na kayo, kasama ng mga yaong nagpaiwan na hindi sumama sa pakikipaglaban na kasama ang Sugo ng Allâh (r).”(Surat at-Tawba, 83)
Walang pag-aalinlangan, sasabihin ng mga nagpaiwan, kapag ikaw ay tumungo, O Muhammad, at ang iyong mga kasamahan sa mga ‘Ghanâim’ sa Khaybar na ipinangako ng Allâh (I) sa inyo: “Hayaan ninyo kaming sumama sa inyo na magtungo sa Khaybar.” At hangad nila sa pamamagitan nito na baguhin ang pangako ng Allâh (I) sa inyo. Sabihin mo sa kanila: “Hindi kayo makasasama sa amin tungo sa Khaybar; dahil sinabi na ito ng Allâh (I) sa amin bago pa kami bumalik sa Madinah: ‘Na katotohanan, ang mga ‘Ghanâim’ ng Khaybar ay para lamang sa sinumang kasama namin na pumunta sa Hudhaybiyyah,’” walang pag-aalinlangan, sasabihin nila: “Ang pangyayari ay hindi ang mga yaong inyong sinasabi, dahil katiyakang ang Allâh (I), ay hindi ganoon ang iniutos sa inyo, at katiyakang pinipigilan ninyo kami na sumama sa inyo dahil sa inyong panibugho; upang wala kaming makamtan na anumang ‘Ghanimah’ na kasama sa inyo.” Subali’t ang pangyayari ay hindi ang yaong kanilang inaangkin, kundi hindi nila naiintindihan ang anuman na mula sa Allâh (I) na para sa kanila at kung anuman ang tungkulin nila hinggil sa alintuntunin ng ‘Deen,’ bagkus ay kakaunti lamang ang kanilang naiintindihan mula rito.(Surat al-Fath, 15)
TANGING SI ALLAH LAMANG AT ANG IBA PANG TUNAY NA MANANAMPALATAYA ANG KANILANG ITINUTURING NA MGA KAIBIGAN.
Hindi ka makatatagpo, O Muhammad, ng mga tao na naniniwala sa Allâh (I) at sa Kabilang-Buhay at ipinatutupad nila ang batas ng Allâh (I) sa kanila, na pakamamahalin nila ang sinuman na kumakalaban sa Allâh (I) at sa Kanyang Sugo, na lumabag sa kagustuhan ng Allâh (I) at Kanyang Sugo, kahit na sila pa ay kanilang magulang o di kaya ay kanilang mga anak o di kaya ay kanilang mga kapatid o di kaya ay kanilang mga kamag-anak.
Sila ang mga nagmamahal sa Allâh (I) at kumakalaban sa kalaban ng Allâh (I), na itinanim ng Allâh (I) ang kanilang Pananampalataya sa kanilang mga puso, at pinatatag sila sa pamamagitan ng tulong mula sa Kanya at pagtataguyod laban sa kanilang mga kalaban dito sa daigdig, at sa Kabilang-Buhay ay papapasukin sila sa mga Hardin na umaagos ang mga ilog sa ilalim ng mga puno nito, at sila ay mananatili roon magpasawalang-hanggan … (Surat al-Mujadala, 22)
KAY ALLAH LAMANG SILA NANANALIG, AT HINDI SA ANUPAMANG LAKAS O KAPANGYARIHAN.
… Subali’t yaong naniniwala sa Allâh (I) at nakatitiyak na makahaharap nila ang Allâh (I) ay sumagot at pinaalalahanan nila ang kanilang mga kapatid hinggil sa Allâh (I) at sa Kanyang kapangyarihan, at kanilang sinabi: “Kadalasang ang maliliit na grupong naniniwala sa Allâh (I) at nagtitiis ay nagagapi nila ang malalaking grupong mga masasamang walang pananampalataya, sa kapahintulutan ng Allâh (I) at sa Kanyang kagustuhan. At ang Allâh (I) ay nasa panig ng mga matiisin sa pamamagitan ng Kanyang gabay, tulong at mabuting gantimpala.”(Surat al-Baqara, 249)
ANG MGA TUNAY NA NANINIWALA AY HINDI MAG-AATUBILING MAMUHAY NANG NAAAYON SA RELIHIYON. [GENUINE BELIEVERS ARE NEVER HESITANT IN LIVING BY THE RELIGION ]
Subali`t ang mga yaong naniwala sa Allâh (I) ng tunay na paniniwala sa pamamagitan ng salita at sa gawa, at sumunod sa Kanyang batas, walang pag-aalinlangan, ipagkakaloob ng Allâh (I) sa kanila ang gantimpala sa kanilang mga gawain at sila ay pagkakalooban pa ng karagdagan mula sa Kanyang kagandahang-loob. Subali’t ang mga yaong tumanggi sa pagsunod sa Allâh (I) at nagmataas, walang pag-aalinlangan, sila ay parurusahan nang matinding pagpaparusa; at wala silang matatagpuang tagapangalaga na magliligtas sa kanila mula sa kaparusahan, at bukod sa Allâh (I) ay hindi na sila makatatagpo ng sinumang makatutulong sa kanila.(Surat an-Nisa, 173)
PINANGANGALAGAAN NI ALLAH ANG MGA TUNAY NIYANG TAGASUNOD.
Katiyakan, ang aking ‘Walee’ (Tagapangalaga) ay ang Allâh (I), na Siya ang nangangalaga at tumutulong sa akin, na Siya rin ang nagpahayag sa akin ng Banal na Qur’ân bilang katotohanan, at Siya ay Tagapangalaga ng mga mabubuting tao mula sa Kanyang mga alipin at tinutulungan laban sa kanilang mga kalaban at hindi Niya sila binibigo.(Surat al-A’raf, 196)
At sinuman ang gumawa ng mga mabubuting gawain samantalang siya ay isang mananampalataya sa Allâh (I), samakatuwid ay wala siyang dapat pangambahan na siya ay aapihin sa pamamagitan ng pagdaragdag ng kamalian o kasalanan sa kanya, o di kaya ay mababawasan ang kanyang mga mabubuting gawa.(Surah Ta Ha, 112)
Katiyakan, ang mga naniwala mula sa sambayanan na ito: na sila ay yaong naniwala sa Allâh (I), sa Kanyang mga Sugo, at sinunod nila ang Kanyang batas; at saka sa mga yaong naniwala bago ipinadala si Propeta Muhammad (r) --- mula sa mga naunang nasyon ng mga Hudyo, mga Kristiyano; at mga ‘Sâbi-în’ --- na sila ang mga yaong nanatili sa kanilang ‘Fitrah’ na wala silang nata-tanging relihiyon na sinusunod. Kung silang lahat ay naniwala sa Allâh (I) --- tunay at taimtim na paniniwala, at naniwala (rin) sila sa Araw ng Muling Pagkabuhay at Araw ng Paghuhukom, at gumawa sila ng mga mabubuting gawa na kalugud-lugod sa paningin ng Allâh (I). Samakatuwid, nanatiling naka-tala ang kanilang gantimpala mula sa kanilang ‘Rabb’ na Tagapaglikha at wala silang dapat ipangamba hinggil sa kanilang kahihinatnan at hindi nila pagsisisihan ang kanilang nakaraan …(Surat al-Baqara, 62)
ANG TUNAY NA PANANAMPALATAYA AT KAGANDAHANG-ASAL AY MGA BAGAY NA KATANGGAP-TANGGAP SA PANINGIN NI ALLAH.
Ang mga kayamanan at ang mga anak ay palamuti at kapangyarihan dito sa buhay sa daigdig na may katapusan, subali’t ang mga mabubuting gawa – lalung-lalo na ang pagluluwalhati, pagpupuri, pagdadakila at pagsasaksi sa Kaisahan ng Allâh (I) – ang pinakamabuting gantimpala mula sa iyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha kaysa kayamanan at mga anak na kalalakihan, at ang mabubuting gawa na ito ay higit na hinahangad ng tao (mananampalataya) ang gantimpala nito sa kanyang ‘Rabb’ na Tagapaglikha upang makamtan niya sa Kabilang-Buhay ang anuman na kanyang inasam sa daigdig.(Surat al-Kahf, 46)
MAHAL KAY ALLAH ANG MGA TUNAY NA ALIPIN.
Katiyakan, ang mga yaong naniwala sa Allâh (I) at sumunod sa mga Sugo at gumawa ng mga kabutihan ayon sa Kanyang batas, walang pag-aalinlangang sila ay pagkakalooban ng Allâh (I) ng pagmamahal na sila ay mamahalin ng Kanyang mga alipin.(Surah Maryam, 96)
IGINAGAWAD NI ALLAH ANG MAGANDANG BUHAY PARA SA MGA TUNAY NIYANG MGA ALIPIN.
Sinuman ang gumawa ng mabubuting gawa, lalaki man o babae, na siya ay tunay na naniwala sa Allâh (I) at sa Kanyang Sugo; ay pagkakalooban Namin siya rito sa daigdig ng mabuti at mapayapang pamumuhay kahit siya ay hindi mayaman, at walang pag-aalinlangan na ipagkakaloob Namin sa kanila ang gantimpala sa Kabilang-Buhay nang higit pa kaysa kabutihan na kanilang nagawa rito sa daigdig.(Surat an-Nahl, 97)
PANGAKO NI ALLAH SA MGA TUNAY NIYANG MGA ALIPIN, ANG DOMINYON NILA SA LAHAT NG NILIKHA
Katiyakan, itinala Namin sa mga Aklat na ipinahayag pagkatapos ng Aming pagkakatala sa ‘Al-Lawh Al-Mahfoudh;’ na katiyakan, ang kalupaan ay mamanahin ng Aming mga alipin na mabubuti na tinupad nila ang Aming mga ipinag-uutos at iniwasan ang Aming mga ipinagbabawal na sila ay ang ‘Ummah’ ni Muhammad (r). Katiyakan, sa binabasang Aklat na ito ay may malinaw na Mensahe bilang aral at kapakinabangan para sa mga tao na sumasamba sa Allâh (I) ayon sa kung ano ang Kanyang ipinag-uutos at ito ay katanggap-tanggap mula sa kanila.(Surat al-Anbiya’, 105-106)
Ipinangako ng Allâh (I) na magtatagumpay ang mga yaong naniwala mula sa inyo at gumawa ng mga mabubuting gawa, na kung saan, ipapamana sa kanila ang kalupaan ng mga walang pananampalataya, at gagawin silang mga kahalili, na katulad ng nangyari sa mga nauna sa kanila na mga mananampalataya na naniwala sa Allâh (I) at sa Kanyang mga Sugo, at ipagkakaloob sa kanila ang kapangyarihan na pangingibabawin ang ‘Deen’ (Relihiyon) na pinili ng Allâh (I) para sa kanila na ito ay Islâm, at katiyakan na papalitan Namin ang kanilang pangamba ng kapanatagan, na sasambahin nila ang Allâh (I) nang bukod-tangi, at magpanatili sila sa pagsunod sa Kanya, na hindi na sila sasamba ng anuman bukod sa Kanya, at sinuman hindi maniniwala pagkatapos ipagkaloob sa kanila ang paghahalili, kapanatagan, katatagan at pangingibabaw, at tanggihan ang mga Biyaya ng Allâh (I), sila ay ituturing na lumabag sa kagustuhan ng Allâh (I).(Surat an-Nur, 55)
ANG MGA TUNAY NA MUSLIM AY MGA PINAGPALA’T NATATANGI SA LAHAT NG NILALANG.
Katiyakan, ang mga yaong naniwala sa Allâh (I) at sumunod sa Kanyang Sugo at gumawa ng mga kabutihan ay sila ang pinakamabuti sa mga nilikha.(Surat al-Bayyina, 7)
ANG MGA TUNAY NA MUSLIM AY WALANG PATID SA PAG-ALALA KAY ALLAH, AT ANG KANILANG MGA PUSO AY NAGAGALAK AT MAY TAKOT SA PAG-ALALA KAY ALLAH.
Katiyakan, ang tunay lamang na mananampalataya sa Allâh (I) ay ang mga yaong kapag binanggit ang patungkol sa Allâh (I) ay nakadarama ng takot sa kanilang mga puso, at kapag binigkas sa kanila ang mga talata ng Banal na Qur’ân ay nadaragdagan ang kanilang paniniwala, at sa Allâh (I) lamang nila ipinauubaya ang kanilang mga sarili, na kung kaya, hindi sila naghahangad ng anuman at wala silang kinakatakutan na iba.(Surat al-Anfal, 2)
Yaong mga palaging inaalaala ang Allâh (I) sa lahat ng pagkakataon habang sila ay nakatayo, nakaupo, nakahiga at iniisip nila nang lubusan ang hinggil sa pagkakalikha ng mga kalangitan at kalupaan, na sinasabi nila: “O Allâh na aming ‘Rabb’ na Tagapaglikha! Luwalhati sa Iyo, hindi Mo ito nilikha nang walang anumang kadahilanan, dahil ligtas Ka sa mga ganoong bagay. Ilayo Mo kami sa kaparusahan ng Impiyernong-Apoy.”(Surah Al ’Imran, 191)
At ginagabayan Niya ang mga yaong panatag ang kanilang kalooban sa kanilang bukod-tanging pagsamba sa Allâh (I) at pagpuri sa Kanya. Na kung kaya, dapat mong mabatid na ang pagsunod sa Allâh (I) at ang pag-aalaala sa Kanya at ang Kanyang gantimpala, na ang mga ito ang sanhi ng pagkakapanatag ng mga kalooban.(Surat ar-Ra'd, 28)
Mga kalalakihan na hindi naabala ng negosyo at pagbebenta mula sa pag-alaala nila sa Allâh (I), at pagsagawa ng ‘Salâh,’ pagbibigay ng ‘Zakâh’ o Obligadong kawanggawa sa mga may karapatan, natatakot sila sa Araw ng Muling Pagkabuhay na kung saan doon ay babaling ang mga puso sa pagitan ng pag-asa na maligtas at pagkatakot na mapahamak, ganoon din ang kanilang mga paningin na nakaabang tungo sa kung saan sila patutungo?(Surat an-Nur, 37)
Na sila na mga mapagkumbaba at matatakutin ay isa sa mga katangian nila ay kapag binanggit at pinuri ang Kaisahan ng Allâh (I) ay natatakot sila sa Kanyang parusa at umiiwas sila sa paglabag sa Kanya, at kapag nangyari sa kanila ang kagipitan ay nagtitiis sila na naghahangad sila ng gantimpala mula sa Allâh (I) na Dakila at Kataas-Taasan, at isinasagawa nila ang pagsa-‘Salâh’ nang ganap, at kalakip noon, sila ay gumagasta mula sa anumang kabuhayan na ipinagkaloob ng Allâh (I) sa kanila na ito ay bilang tungkulin, na nagbibigay ng obligadong kawanggawa (‘Zakâh’) o ang anumang kanilang tungkulin sa kanilang mga pamilya na obligasyon nilang tustusan, at sa Daan ng Allâh (I), at sa anuman na kanilang tinutustusan na kaaya-aya sa paningin ng Allâh (I).(Surat al-Hajj, 35)
ANG MGA TUNAY NA NANINIWALA AY NAKABABATID NA SILA AY MABABA AT WALANG LAKAS SA HARAP NI ALLAH.
At sinabi nina Âdam at Hawwa`: “O Aming ‘Rabb’ na Tagapaglikha! Hinamak namin ang Aming mga sarili sa pamamagitan ng pagkain mula sa punong yaon, at kung hindi Mo kami patatawarin at kaaawaan ay mapapabilang kami sa mga talunan, dito sa daigdig at sa Kabilang-Buhay.” [At ito ang mga salita na natagpuan ni Âdam mula sa kanyang ‘Rabb’ at kanyang ipinanalangin upang mapatawad sila ng Allâh (I)].(Surat al-A'raf, 23)
… “O aming ‘Rabb!’ Huwag Mo kaming parusahan sa anumang aming nakalimutan mula sa mga ipinag-utos Mo sa amin o sa mga pagkakamaling nagawa namin sa anumang Iyong ipinagbawal. O aming ‘Rabb!’ Huwag Mong ipapasan sa amin ang anumang mahirap na gawain, na tulad ng ipinapasan Mo sa mga masasamang tao na nauna sa amin bilang kaparusahan sa kanila. O aming ‘Rabb!’ Huwag Mong ipapasan sa amin ang anumang bagay na hindi namin kaya mula sa Iyong mga ipinag-utos at (huwag Mo ring ipapasan sa amin ang anumang) pagsubok (na hindi namin kaya). Burahin Mo ang aming mga kasalanan at ilihim Mo ang aming mga pagkakamali. Ipagkaloob Mo sa amin ang Iyong kabutihan bilang Iyong awa at habag, dahil Ikaw ang Nagmamay-ari, Nagtatangan at Nangangasiwa sa amin. Tulungan Mo kami sa pakikipaglaban sa sinumang hindi naniwala sa iyong ‘Deen’ at tumanggi sa Iyong Kaisahan at hindi naniwala sa pagiging Propeta ni Propeta Muhammad (r) at ipagkaloob Mo sa amin ang tagumpay dito sa daigdig at sa Kabilang-Buhay.” (Surat al-Baqara, 286)
“Katiyakan, kailanman ay hindi ako maililigtas ng sinuman mula sa parusa ng Allâh (I) kung Siya ay aking nilabag, at hindi ako makatatagpo bukod sa Kanya ng sinuman upang tunguhan kung ako ay tatakas mula sa Kanyang parusa.(Surat al-Jinn, 22)
“Hindi ako nagtataglay ng kapangyarihan na magdudulot ng kabutihan sa aking sarili o ilayo ang kapahamakan na mangyayari maliban na lamang sa kagustuhan ng Allâh (I), at kung ako ay may kaalaman sa lihim na bagay ay gagawin ko ang lahat ng kaparaanan na alam ko upang ito ay makapagdulot ng maraming kabutihan at kapakinabangan sa akin, at maiiwasan ko ang anumang kapahamakan bago ito mangyari sa akin, na kung kaya, ako ay Sugo lamang ng Allâh (I) na ipinadala sa inyo, binabalaan ko kayo mula sa Kanyang kaparusahan, at ibinabalita ko ang gantimpala sa mga taong naniniwala na ako ay Sugo ng Allâh (I) at sumunod sa Kanyang batas.”(Surat al-A'raf, 188)
SILA AY HINDI MGA MAPAGMATAAS.
Ang naniniwala lamang sa mga talata ng Banal na Qur’ân at ito ay isinasapamuhay ay ang mga yaong kapag pinaalalahanan hinggil dito at binigkas ito sa kanila, ay nagpapatirapa sila sa kanilang ‘Rabb’ na Tagapaglikha bilang mga may takot at sumusunod sa Kanya, na kung kaya, purihin ninyo ang Allâh (I) sa inyong pagpapatirapa, at sila ay hindi nagmamataas sa pagpapatirapa at pagpuri, ganoon din sa pagsamba nang bukod-tangi sa Allâh (I) na walang katambal.(Surat al-Sajda, 15)
Ang mga alipin ng Pinakamahabaging Allâh (I) na mga mabubuti ay naglalakad sila sa kalupaan nang malumanay at mga nagpapakumbaba, at kapag nakipag-usap sa kanila ang mga mangmang bilang pangungutya ay tutugunan nila sila ng mabuting salita, at makikipag-usap sila sa kanila ng pakikipag-usap na ligtas sila sa anumang kasalanan, at sa pagtugon ng kamangmangan ng isa pang kamangmangan.(Surat al-Furqan, 63)
SILA AY HINDI NAGPAPATULOY SA KANILANG MGA KAMALIAN.
At ang mga yaong mananam-palataya, kapag sila ay nakagawa ng malaking kasalanan o nadaya nila ang kanilang mga sarili sa pamamagitan ng pagsagawa ng maliit na kasalanan, ay naalaala nila ang pangako at babala ng Allâh (I); na kung kaya, nanunumbalik sila sa kanilang ‘Rabb’ na Tagapaglikha (Allâh I) na nagsisisi, na hinihiling nila ang kapatawaran para sa kanilang pagkakasala, at sila ay nakatitiyak na walang maaaring magpatawad ng mga kasalanan kundi ang Allâh (I) lamang. Na kung kaya, hindi sila nananatili sa kanilang pagkakasala at batid nila na kapag sila ay nagsisi ay patatawarin sila ng Allâh (I).(Surah Al ’Imran, 135)
Kailanman ay huwag kang titindig, O Muhammad (r), upang magsagawa ng ‘Salâh’ sa Masjid na yaon, dahil walang pag-aalinlangang ang Masjid na itinayo batay sa pagkatakot sa Allâh (I) sa una pa lamang pagkakataon ay ang Masjid Qubâ`, na rito mo nararapat isagawa ang iyong pagsa-‘Salâh,’ dahil nasa Masjid na yaon ang mga kalalakihan na nais nilang maglinis sa pamamagitan ng tubig mula sa anumang karumihan, na tulad din ng kanilang paglilinis mula sa pagkatakot sa Allâh (I) at paghingi ng kapatawaran sa kanilang mga kasalanan at kasamaan. At ang Allâh (I) ay nagmamahal sa mga taong malilinis. At kung ang Masjid Qubâ` ay itinayo batay sa pagkatakot sa Allâh (I) sa unang araw pa lamang na ito’y itinayo, gayon din o higit pa ang Masjid ng Sugo ng Allâh (r). (Surat at-Tawba, 108)
ANG MGA TUNAY NA MUSLIM AY NAGTITIWALA AT NAKASANDIG KAY ALLAH LAMANG.
At sila ay yaong sinabihan ng ilan sa mga pagano: “Katiyakan, si Abu Sufyan at ang kanyang mga kasamahan ay nagkaisa na babalikan kayo upang lupigin, na kung kaya ay maging maingat kayo at katakutan ninyo ang pakikipagsagupa sa kanila, dahil wala pa kayong lakas para lumaban sa kanila,” subali’t ang mga ganoong pananakot ay higit pang nagpapanatag at nagpatibay sa kanilang paniniwala sa pangako ng Allâh (I) sa kanila at hindi (man lamang) nagpahina ng kanilang katatagan; kung kaya, nagpatuloy sila sa kung ano ang ipinag-utos ng Allâh (I) at sinabi nila: “Ipinaubaya namin ang aming mga sarili sa Allâh (I) na Siyang ‘Al-Wakeel’ – ang Ganap na Tagapagkupkop, Tagapangalaga, nasa Kanya ang lahat ng Pangangasiwa sa Kanyang mga alipin.” (Surah Al ’Imran, 173)
At paano namin hindi ipauubaya ang aming mga sarili sa Allâh (I), samantalang Siya ang naggabay sa amin tungo sa kaligtasan mula sa Kanyang kaparusahan sa pamamagitan ng pagsunod sa mga alituntunin ng Kanyang ‘Deen?’ At walang pag-aalinlangang titiisin namin ang anumang pang-aapi ninyo sa amin sa pamamagitan ng inyong mga masasamang salita, at sa Allâh (I) na Bukod-Tangi nararapat na ipagkatiwala ng mga mananampalataya ang kanilang mga sarili sa Kanyang tulong sa kanila at pagkapanalo nila laban sa kanilang mga kalaban.(Surah Ibrahim, 12)
At kapag tumalikod ang mga ‘Mushrikun’ at ang mga ‘Munâfiqun’ sa paniniwala sa iyo, O Muhammad (r), sabihin mo sa kanila: “Sapat na sa akin ang Allâh (I) at sapat na sa akin ang Kanyang pangangalaga sa anumang aking mga suliranin, ‘Lâ ilâha illa Huwa’ – walang sinuman ang may karapatan at karapat-dapat na sambahin kundi Siya, sa Kanya ako nagtitiwala at sa Kanya ko ipinauubaya ang lahat hinggil sa akin; dahil Siya sa katotohanan ang aking Tagapangalaga at Siya ay ‘Rabbul `Arshil Adzeem’ – ‘Rabb’ na Nagmamay-ari ng Dakilang ‘`Arsh’ (Trono), na ito ang pinakadakila sa lahat ng Kanyang mga nilikha. (Surat at-Tawba, 129)
NABABATID NILA NA ANG TULONG AY WALANG PANGGAGGALINGAN KUNDI KAY ALLAH LAMANG.
Ngalan ng Allâh (I), saklaw ng Kanyang habag ang lahat ng Kanyang mga nilikha. Labis-Labis ang Kanyang awa at pagmamahal nang ganap sa mga mananampalataya. ang lahat ng papuri ay nararapat lamang sa Allâh (I) na “Rabb” na Tagapaglikha ng lahat ng mga nilalang. Siya (Luwalhati sa Kanya) lamang ang Bukod-Tanging Nagmamay-ari at Mangangasiwa sa Araw ng Muling Pagkabuhay, at ito ang Araw ng pagbibigay ng kabayaran sa lahat ng mga gawain. At ang Kanyang pagiging bukod-tangi sa Pagmamay-ari at Pangangasiwa sa Araw ng Paghuhukom, dahil walang sinuman ang mag-aangkin nito sa Araw na yaon, at walang sinuman ang magsasalita, maliban sa kung ito ay Kanyang pahihintulutan. (Surat al-Fatiha, 1-4)
At dala-dala nila ang kamiseta ni Yûsuf na punung-puno ng dugo subali’t ito sa katotohanan ay hindi talagang dugo ni Yûsuf; na nais nilang patunayan sa pamamagitan nito na totoo ang kanilang sinasabi, magkagayunpaman, ito pa ay naging patunay ng kanilang kasinungalingan; dahil ang kamiseta ay hindi napunit. Na kung kaya, sinabi sa kanila ng kanilang ama na si Ya`qub: “Ang tunay na pangyayari ay hindi ang yaong inyong sinasabi, kundi nag-imbento lamang kayo sa inyong mga sarili na nag-utos sa inyo na gumawa ng masama bilang pagpapahamak kay Yûsuf, na ito ang nakikita ninyong nakabubuti kaya ginawa ninyo, na kung kaya, mas makabubuti para sa akin ang pagtitiis na hindi na ako magrereklamo pa sa kaninumang tao, at ipauubaya ko na lamang ang aking sarili sa Allâh (I) na ako ay tulungan Niya para makayanan ko ang mga sinasabi ninyong kasinungalingan, na hindi ko na gagamitin pa ang aking lakas at kapangyarihan hinggil dito.”(Surah Yusuf, 18)
ANG MGA TUNAY NA MUSLIM AY TUMATALIMA SA PAGSUNOD SA BANAL NA QUR’AN
Yaong mga pinagkalooban Namin ng Aklat na mga Hudyo at mga Kristiyano, at kanilang binabasa yaon sa tamang pamamaraan, at sinusunod nila nang tamang pagsunod, at pinaniniwalaan nila ang anuman na isinasaad sa Aklat na yaon …(Surat al-Baqara, 121)
At yaong mga pinanghahawakan ang Aklat at ipinatutupad ang niloloob nito na mga paniniwala at batas, at pinangangalagaan ang pagsasagawa ng ‘Salâh’ sa tamang kaparaanan nito at hindi nila pinababayaan na isagawa sa takdang oras nito, katiyakang ang Allâh (I) ay gagantimpalaan sila sa kanilang mga mabubuting gawa at hindi ito babalewalain sa kanila.(Surat al-A'raf, 170)
ANG MGA AYAT SA BANAL NA QUR’AN AY HIGIT PANG NAKAPAGPAPAYABONG SA KANILANG PANANAMPALATAYA AT TAKOT KAY ALLAH.
Sabihin mo, O Muhammad (r), sa kanila na mga tumanggi: “Maniwala man kayo sa Qur’ân o hindi kayo maniwala; kailanman ay hindi makadaragdag ang inyong paniniwala sa kaganapan ng Qur’ân, ni ang inyong pagtanggi ay hindi rin makakabawas dito. Katiyakan, yaong mga paham na pinagkalooban ng mga kasulatan na nauna kaysa rito at nabatid nila ang katotohanan hinggil sa Rebelasyon o kapahayagan, kapag binigkas sa kanila ang Banal na Qur’ân ay natatakot sila sa Allâh (I), na kung kaya, sila ay nagpapatirapa na inilalapat nila ang kanilang mga noo sa lupa nang alang-alang sa Allâh (I) na Maluwalhati at Kataas-taasan.” At sinasabi ng mga yaong pinagkalooban ng mga kaalaman sa oras ng pagkarinig nila ng Banal na Qur’ân: “Luwalhati sa aming ‘Rabb’ na Tagapaglikha na Ganap at malayo sa anumang ibinibintang na kasinungalingan ng mga nagtatambal sa pagsamba sa Kanya! Katotohanan, ang anumang ipinangako ng Allâh (I) na gantimpala at kaparusahan ay walang pag-aalinlangan na ito ay katiyakang magaganap.” At ipinatirapa nila ang kanilang mga mukha na lumuluha dahil sa pagpapayo ng Banal na Qur’ân, at nadaragdagan ang kanilang pagpapakumbaba at pagpapasailalim sa kagustuhan ng Allâh (I) at sa Kanyang dakilang kapangyarihan sa pagkakarinig nila ng Banal na Qur’ân at mga payo nito.(Surat al-Isra’, 107-109)
At yaong kapag pinagpayuhan sa mga talata ng Banal na Qur’ân at sa mga palatandaan ng Kaisahan ng Allâh (I) ay hindi nila binabalewala na katulad ng nagbibingi-bingihan at nagbubulag-bulagan … (Surat al-Furqan, 73)
Katiyakan, ang tunay lamang na mananampalataya sa Allâh (I) ay ang mga yaong kapag binanggit ang patungkol sa Allâh (I) ay nakadarama ng takot sa kanilang mga puso, at kapag binigkas sa kanila ang mga talata ng Banal na Qur’ân ay nadaragdagan ang kanilang paniniwala, at sa Allâh (I) lamang nila ipinauubaya ang kanilang mga sarili, na kung kaya, hindi sila naghahangad ng anuman at wala silang kinakatakutan na iba.(Surat al-Anfal, 2)
NABABATID NILA NA ANG ANUMANG KATANGIANG MAYROON SILA AY GALING LAHAT KAY ALLAH.
Pagkatapos ay nanalangin si Yûsuf sa kanyang ‘Rabb’ na kanyang sinabi: “O aking ‘Rabb’ na Tagapaglikha! Walang pag-aalinlangang ipinagkaloob Mo sa akin ang pamumuno sa kaharian ng Ehipto, at itinuro Mo sa akin ang pagbibigay ng kahulugan sa panaginip at iba pang kaalaman – ‘Fâteeras Samâwâti wal Ardh’ – ang Tanging Tagapaglikha ng mga kalangitan at kalupaan sa pinakamagandang kaayusan! Ikaw ay aking ‘Walee’ – Ganap na Tagapangalaga sa lahat ng aking pangangailangan dito sa daigdig at sa Kabilang-Buhay. Na kung kaya, sanhiin Mo na mamatay ako bilang isang Muslim at ibilang Mo ako sa Iyong mga mabubuting alipin, mga Propeta, mga matutuwid at mga pinili Mo na mga dalisay at malilinis.”(Surah Yusuf, 101)
At bilang paglalahad sa katangian ni Âdam, itinuro sa kanya ng Allâh (I) ang lahat ng pangalan ng mga bagay-bagay, at pagkatapos ay ipinakita Niya sa mga anghel (ang mga bagay na yaon) at Kanyang sinabi sa kanila: “Sabihin ninyo (nga) sa Akin kung ano ang mga pangalan ng mga bagay-bagay na ito, kung totoong kayo ang may karapatang mamahala sa kalupaan? ” Sinabi ng mga anghel: “Luwalhati sa Iyo, O aming ‘Rabb! ’ Wala kaming kaalaman maliban sa ipinagkaloob Mo sa amin. Ikaw lamang ang tanging Nakaaalam ng kalagayan ng Iyong mga nilikha at Nangangasiwa sa kanila nang buong karunungan.”(Surat al-Baqara, 31-32)
Sinabi niya sa dalawa: “Walang pagkaing darating sa inyo bilang inyong kabuhayan, kundi maipaliliwanag ko muna sa inyo ang kahulugan ng inyong panaginip bago ito dumating sa inyo, at ang anumang maipaliwanag ko sa inyo na kahulugan ng panaginip ay nagmula sa katuruan ng aking ‘Rabb;’ dahil katiyakang naniniwala ako sa Kanya at taos-puso akong sumasamba sa Kanya at inilayo ko ang aking sarili sa anumang relihiyon ng mga taong hindi naniniwala sa Allâh (I) at hindi naniniwala sa Pagkabuhay na Mag-uli at Paghuhukom.”(Surah Yusuf, 37)
SA TUNAY NA PANINIWALA, WALANG IBANG DIYOS NA SASAMBAHIN
Ipinangako ng Allâh (I) na magtatagumpay ang mga yaong naniwala mula sa inyo at gumawa ng mga mabubuting gawa, na kung saan, ipapamana sa kanila ang kalupaan ng mga walang pananampalataya, at gagawin silang mga kahalili, na katulad ng nangyari sa mga nauna sa kanila na mga mananampalataya na naniwala sa Allâh (I) at sa Kanyang mga Sugo, at ipagkakaloob sa kanila ang kapangyarihan na pangingibabawin ang ‘Deen’ (Relihiyon) na pinili ng Allâh (I) para sa kanila na ito ay Islâm, at katiyakan na papalitan Namin ang kanilang pangamba ng kapanatagan, na sasambahin nila ang Allâh (I) nang bukod-tangi, at magpanatili sila sa pagsunod sa Kanya, na hindi na sila sasamba ng anuman bukod sa Kanya … (Surat an-Nur, 55)
Maliban sa mga yaong nanumbalik sa Allâh (I) at nagsisi, at itinuwid nila ang kanilang mga sarili (sa panlabas at sa panloob) sa pamamagitan ng pagsunod sa Allâh (I) at ganap na pagtitiwala sa Kanyang mga aliping mananampalataya; at pagsunod sa ‘Deen’ ng Allâh (I) nang taos-puso na ito ay para lamang sa Kanya, kung gayon, sila ay mapapabilang sa mga mananampalataya, dito sa daigdig at sa Kabilang-Buhay. At walang pag-aalinlangan, ipagkakaloob ng Allâh (I) sa mga mananampalataya ang dakilang gantimpala.(Surat an-Nisa’, 146)
Sabihin mo, O Muhammad (r): “O kayong mga tao! Kung kayo ay nag-aalinlangan hinggil sa katotohanan ng aking Relihiyon (‘Deen’), na rito ay hinihikayat ko kayo, na ito ay ang Islâm, at hinggil sa aking pagiging matatag dito, na naghahangad kayo na ito ay aking talikuran! Samakatuwid, dapat ninyong mabatid na katiyakang hindi ko sasambahin sa anumang pagkakataon ang sinuman mula sa mga sinasamba ninyo na mga diyus-diyosan at mga rebulto, bagkus ang sasambahin ko ay ang Allâh (I) na Bukod-Tangi na Siyang nagsasanhi ng inyong kamatayan at kumukuha ng inyong mga kaluluwa, at ako ay inutusan na maging kabilang sa mga mananampalataya na naniniwala sa Kanya.”(Surah Yunus, 104)
ANG MGA TUNAY NA NANINIWALA AY BUO ANG PANANALIG SA DESTINASYON NG TAO.
Sabihin mo, O Muhammad (r), sa kanila na hindi sumama sa pakikipaglaban sa mga kumakalaban sa Allâh (I) bilang pagbabalewalang-halaga sa kanila at pagpapahiya: “Kailanman ay walang maaaring mangyari sa amin maliban na lamang sa kung ano ang itinakda ng Allâh (I) sa amin at itinala Niya sa ‘Al-Lawh Al-Mahfoudh,’ na Siya ang tutulong sa amin laban sa aming mga kalaban, at sa Kanya lamang na bukod-tangi, ipinauubaya ng mga mananmapalataya ang kanilang mga sarili.”(Surat at-Tawba, 51)
NAGSUSUMIKAP SILANG MAPALAPIT KAY ALLAH.
At yaong nananalangin sa Allâh (I) na kanilang sinasabi: “O aming ‘Rabb’ na Tagapaglikha! Pagkalooban Mo kami ng kapanatagan sa aming mga asawa at mga pamilya, na kapanatagan ng aming mga mata at kasiyahan, at gawin Mo kami na mga halimbawa na tinutularan tungo sa kabutihan.”(Surat al-Furqan, 74)
Sila na nagsusumikap sa pagsunod, na naging kaugalian nila ang mabilisang patungo sa pagsagawa ng anumang kabutihan at sila ay nag-uunahan sa pagsagawa ng mga kabutihan.(Surat al-Mu'minun, 61)
ITINATAGUYOD NILA ANG KABUTIHAN AT ITINATATWA ANG KASAMAAN.
Ang mga yaong pinangakuan Namin ng Aming tulong ay sila ang mga yaong pinatatag Namin sa kalupaan, at ipinamahala Namin sa kanila ito sa pamamagitan ng pagkakagapi nila sa kanilang mga kalaban, na kung kaya, isinagawa nila ang kanilang ‘Salâh’ ayon sa itinakdang oras nito, at ibinigay nila ang obligadong kawanggawa (‘Zakâh’) mula sa kanilang mga yaman sa sinumang karapat-dapat na pagbigyan nito, at ipinag-utos nila ang lahat ng ipinag-utos ng Allâh (I) na anuman na Kanyang karapatan at karapatan ng Kanyang mga alipin, at ipinagbawal nila ang lahat ng ipinagbawal ng Allâh (I). Sa Allâh (I) lamang na Bukod-Tangi ang patutunguhan ng lahat ng bagay, at mabuting hantungan sa mga natatakot sa Kanya.(Surat al-Hajj, 41)
Kayo, O sambayanan ni Muhammad (r), ang pinakamabuti sa lahat ng mga sambayanan, at higit na kapaki-pakinabang sa mga tao dahil sa ipinag-uutos ninyo ang kabutihan --- ang lahat ng ipinag-utos ng Allâh (I) at ng Kanyang Sugo. At nagbabawal ng masama – ang lahat ng ipinagbawal ng Allâh (I) at ng Kanyang Sugo. At naniniwala kayo sa Allâh (I) ng tunay na paniniwala na pinatu-tunayan ng inyong mga gawa. Na samakatuwid, kung naniwala (lamang) ang mga ‘Ahlul Kitâb’ – ang mga Hudyo at mga Kristiyano kay Muhammad (r) at sa kanyang dala-dalang katuruan mula sa Allâh (I) na katulad ng inyong ginawang paniniwala, ito ay higit na makabubuti para sa kanila rito sa daigdig at sa Kabilang-Buhay. Subali’t mayroon sa kanila ang naniwala sa mensahe ni Muhammad (r) at sumunod (sa mensaheng) ito nguni’t sila ay kakaunti (lamang). At ang nakararami sa kanila ay lumabag sa ‘Deen’ ng Allâh (I) at hindi sumunod sa Kanya.(Surah Al’Imran, 110)
Naniniwala sila sa Allâh (I) at sa Kabilang-Buhay, nag-uutos sila ng lahat ng kabutihan at nagbabawal sila ng lahat ng kasamaan, at minamadali nila ang pagsasagawa ng mga kabutihan, at sila ay kabilang sa mga mabubuting alipin ng Allâh (I).(Surah Al’Imran, 114)
LAGI SILANG MAAYOS SA KANILANG KILOS AT GALAW.
Na kung kaya, ipamalita mo, O Muhammad, ang magandang balita sa Aking mga alipin na nakikinig ng salita at sinusunod ang anumang pinakamabuti mula rito. Ang pinakamabuting salita at pinakamatuwid ay ang salita ng Allâh (I), pagkatapos ay kasunod nito ay ang salita ng Kanyang Sugo. Sila ang mga yaong ginabayan ng Allâh (I) sa patnubay at gabay, pinatnubayan sila sa pinakamabuting pag-uugali at gawain, at sila ang mga yaong nagtatangan ng mga matutuwid na pag-iisip.(Surat az-Zumar, 18)
… dahil sila ang mga yaong mabilis magsigawa ng kabutihan, na sila ay nananalangin sa Amin sa paghahangad ng anuman na nagmumula sa Amin, na natatakot sa Aming parusa, at sila ay mga mapagkumbaba na sumusunod sa Aming kagustuhan.(Surat al-Anbiya, 90)
At kabilang sa katangian nila na mga mananampalataya na pinangakuan ng Allâh (I) ng ‘Al-Jannah’ (Hardin) ay sila yaong mga nagsipagsisi na tinalikuran nila ang anumang kinamumuhian ng Allâh (I) tungo sa anumang gawain na Kanyang kinalulugdan, na mga yaong taimtim ang kanilang pagsamba sa Allâh (I) na Bukod-Tangi at sa kanilang pagsunod sa Kanya, yaong pumupuri sa Allâh (I) sa lahat ng pagkakataon na sinusubok sila mabuti man ito o masama, yaong mga nag-aayuno nang alang-alang sa Allâh (I), yaong mga yumuyuko sa kanilang pagsa-‘Salâh’ at mga nagpapatirapa; yaong mga nag-uutos sa mga tao na isagawa ang anumang ipinag-uutos ng Allâh (I) at Kanyang Sugo, at nagbabawal sa anumang ipinagbabawal ng Allâh (I) at ng Kanyang Sugo, na isinasagawa nila ang ipinag-uutos ng Allâh (I) at pinangangalagaan nila ang anumang batas, pag-uutos man o pagbabawal, sila ay patuloy sa pagsunod sa Allâh (I), na nananatili sa Kanyang batas. Ipamalita mo, O Muhammad (r), sa kanila na mga mananampalataya na nagtatangan ng mga ganitong katangian, ang pagmamahal ng Allâh (I) at ng Kanyang ‘Al-Jannah’ (Hardin).(Surat at-Tawba, 112)
HINDI SILA KUMIKILOS NG BATAY LAMANG SA MAKAMUNDONG HANGARIN.
Sinabi ng asawa ni `Aziz: “At hindi ko pinupuri ang aking sarili at pinawawalan ng sala. Katiyakan, ang pagkatao ng tao ay madalas na nag-uutos na gumawa ng pagkakasala upang sundin ang sariling pagnanasa, maliban sa sinumang pinag-kalooban ng Allâh (I) ng awa at pinangalagaan. Katiyakan, ang Allâh (I) ay ‘Ghafour’ – Ganap na Mapagpatawad sa sinumang nagsisisi mula sa Kanyang mga alipin, na ‘Raheem’ – Napakamaawain at Ganap na Mapagmahal sa kanila.”(Surah Yusuf, 53)
HINDI SILA NAKALILIMOT NA MAGPASALAMAT KAY ALLAH.
Sinabi naman ng isang tao na maalam sa Kasulatan: “Dadalhin ko sa iyo ang trono bago kumurap ang mga talukap ng iyong mga mata, kapag ito ay gumalaw para tumingin sa anumang bagay.” At pinahintulutan siya ni Sulaymân (u) at siya naman (na maalam sa Kasulatan) ay nanalangin sa Allâh (I), na kung kaya, dumating ang trono. At nang makita ni Sulaymân na nasa sa kanya nang harapan na nakatayo ang trono ay kanyang sinabi: “Ito ay mula sa Kagandahang-Loob ng Aking ‘Rabb’ na Tagapaglikha na lumikha sa akin at lumikha sa lahat ng bagay; upang subukin ako: kung ako ba ay magpapasalamat bilang pag-amin sa pagkakaloob Niya ng biyaya sa akin o tatanggi at di magpapasalamat? At sinuman ang tatanaw ng utang na loob sa Allâh (I) sa Kanyang mga biyaya ay magiging kapaki-pakinabang ito para sa kanya, at sino naman ang tatanggi at babalewalain ang biyaya at hindi magpapasalamat, walang pag-aalinlangan, ang aking ‘Rabb’ ay ‘Ghanee’ – Napakayaman na Ganap na Malaya mula sa lahat ng pangangailagan, na ganap na hindi nangangailangan ng pagpapasalamat ng kahit sinuman, na Siya ay ‘Kareem’ – Pinakamabait at masaganang Tagapagkaloob na saklaw ng Kanyang kabutihan dito sa daigdig ang nagpapasalamat at di-marunong magpasalamat, pagkatapos sila ay huhukuman at gagantihan sa Kabilang-Buhay.”(Surat an-Naml, 40)
INAASAM NILA ANG KABILANG BUHAY.
Katiyakan, binukod-tangi Namin sila ng dakilang pagtatangi, dahil inilagay Namin sa kanilang mga puso ang pag-alaala sa Kabilang-Buhay, na kung kaya, sumunod sila sa Allâh (I), at inaanyayahan nila ang mga tao tungo rito, at pinaalalahanan nila ang mga tao hinggil dito.(Surat as-Sad, 46)
Katiyakan, ang Allâh (I) ay binili Niya sa mga mananampalataya ang kanilang mga sarili na ang kapalit nito ay ang Hardin (‘Al-Jannah’) at anumang inihanda ng Allâh (I) sa kanila na kaligayahan dahil sa pagsakripisyo nila ng kanilang mga sarili at kanilang mga kayamanan sa pakikipaglaban sa kalaban ng Allâh (I) upang mangibabaw ang Kanyang batas (salita) at mangibabaw ang Kanyang ‘Deen,’ nakapapatay sila o sila ay namamatay, ito ay katotohanan na ipinangako ng Allâh (I) sa kanila ayon sa ‘Tawrah’ na ipinahayag kay Mousâ (u) at ‘Injeel’ na ipinahayag kay `Îsã (Hesus u), at sa Banal na Qur’ân na ipinahayag kay Muhammad (r). At walang sinuman ang hihigit pa sa Allâh (I) sa pagpapatupad Niya ng Kanyang pangako sa sinumang tinupad nito ang pangako niya sa Allâh (I), na kung kaya, magpakasaya kayo, O kayong mga mananampalataya, dahil sa inyong kasunduan sa Allâh (I) na inyong tinupad, at sa anumang ipinangako Niya sa inyo na Hardin at pagmamahal, at ito ang dakilang tagumpay.… (Surat at-Tawba, 111)
Atsasabihin din ninyo: “At katiyakang kami ay patutungo sa Allâh (I) na aming ‘Rabb’ na Tagapaglikha pagkatapos ng aming kamatayan at walang pag-aalinlangang kami ay babalik sa Kanya.” (Surat az-Zukhruf, 14)
ANG MGA HINDI TAPAT AY MAGSISISI SA KABILANG BUHAY.
Walang pag-aalinlangan, ang sumasamba ng iba bukod sa Allâh (I) na siya ay nanatili sa kanyang pagtatambal hanggang dumating sa kanya ang pag-aagaw buhay at makikita na niya ang anumang inihanda sa kanya na kaparusahan, kanyang sasabihin: “O aking ‘Rabb’ na Tagapaglikha! Ibalik mo ako sa daigdig.” “Upang mapagpunan ko ang anumang aking sinayang na paniniwala at pagsunod.” Subali’t ito ay hindi mangyayari sa kanya! Dahil ito ay salita lamang na kanyang sinasabing kasinungalingan, at sa pagitan niya at ng daigdig ay may harang na nagpipigil sa kanyang pagbabalik tungo sa daigdig hanggang sa araw na pagkabuhay na mag-uli.(Surat al-Muminun, 99-100)
At kung makikita mo lamang ang mga masasama na di-naniwala sa Muling Pagkabuhay na katiyakang iyuyuko nila ang kanilang mga ulo roon sa harapan ng kanilang ‘Rabb’ na Tagapaglikha na hiyang-hiya, nagmamakaawa, at hamak na hamak, na kanilang sasabihin: “O aming ‘Rabb’ na Tagapaglikha! Nakita na namin ang aming kasamaan ngayon at narinig namin mula sa Iyo ang pagpapatunay sa ipinag-utos sa amin ng Iyong mga Sugo sa daigdig, katiyakan, nagsisisi na kami at nagbabalik-loob sa Iyo, na kung kaya, ibalik mo kami sa daigdig upang magawa namin ang pagsunod sa Iyo, dahil katiyakang naseguro na namin ngayon ang anumang hindi namin pinaniwalaan sa daigdig hinggil sa Iyong Kaisahan, at katiyakan, Ikaw ay bubuhayin Mo na mag-uli ang mga nasa libingan.” At kung makikita mo lamang ang lahat ng ito ay walang pag-aalinlangang masasaksihan mo ang matinding pangyayari.(Surat al-Sajda, 12)
At gumasta kayo, O kayong mga naniwala sa Allâh (I) at sa Kanyang Sugo, mula sa ilang bahagi ng anumang ipinagkaloob Namin sa inyo sa Daan ng Mabuti, bago dumating sa isa sa inyo ang kamatayan, at kanyang sasabihin bilang pagsisisi kapag nakita na niya ang mga palatandaan nito: “O Allâh (I) na aking ‘Rabb’ na Tagapaglikha! Maaari Mo ba akong pagkalooban ng maikli pang panahon, at iantala Mo ang aking kamatayan ng kahit maiksing oras, upang makapagbigay ako ng kawanggawa mula sa aking kayamanan, at nang ako ay maging kabilang sa mga mabubuti na may takot sa Iyo?”(Surat al-Munafiqun, 10)
IPINAHAHAYAG NI ALLAH SA KANYANG MGA TUNAY NA ALIPIN ANG LIGAYA PARA SA KANILA SA MUNDONG ITO, AT LALO’T IYONG NAGHIHINTAY PA SA KANILA SA KABILANG BUHAY.
Ang mga yaong naniwala sa Allâh (I) at sa Kanyang Sugo, at gumawa ng mga mabubuting gawa, ang para sa kanila ay kasiyahan at kapanatagan, at magandang kalalagyan, at mabuting patutunguhan na ito ay ‘Al-Jannah’ (Hardin) ng Allâh (I) at Kanyang pagmamahal.(Surat ar-Rad, 29)
At yaong mga pinanghahawakan ang Aklat at ipinatutupad ang niloloob nito na mga paniniwala at batas, at pinangangalagaan ang pagsasagawa ng ‘Salâh’ sa tamang kaparaanan nito at hindi nila pinababayaan na isagawa sa takdang oras nito, katiyakang ang Allâh (I) ay gagantimpalaan sila sa kanilang mga mabubuting gawa at hindi ito babalewalain sa kanila.(Surat al-A’raf, 170)
At ipamalita mo, O Muhammad (r) sa mga naniwala at gumagawa ng kabutihan, ang magandang balita na magpapasaya sa kanilang kalooban, na ang nakalaan sa kanila sa Kabilang-Buhay ay magagandang Hardin at mga ilog na umaagos sa ilalim ng mga nagtataasang palasyo at ng mga punong may mga lilim.
Sa tuwing bibigyan o pagka-kalooban sila ng Allâh (I) ng isang uri ng prutas na napakasarap, sasabihin nila: ‘Ganito rin ang ibinigay ng Allâh (I) sa amin noon,’ subali’t kapag ito ay natikman nila, matutuklasan nila na ito pala ay kaiba sa lasa at sarap, gayong ito ay magkatulad sa kulay, anyo at pangalan. At ang para pa rin sa kanila sa ‘Al-Jannât’ (mga Hardin), ay mga dalisay na asawa na malilinis mula sa lahat ng uri ng pisikal na karumihan (na tulad ng ihi at regla); at malilinis din sa espirituwal na karumihan, na katulad ng pagsisinungaling at masasamang pag-uugali. At sila sa ‘Al-Jannah’ at sa kasiyahan na buhay doon ay mananatiling walang hanggan, na hindi na sila mamamatay pa roon at hindi na sila lalabas pa roon magpakailanman.(Surat al-Baqara, 25)
At ang sinumang naniwala sa Allâh (I), sa lahat ng mga Sugo at gumawa ng mabubuting gawa; ipagkakaloob sa kanila ng Allâh (I) ang gantimpala sa kanilang mga gawain, ganap at walang pagkukulang. At ang Allâh (I) ay hindi nagmamahal sa mga gumagawa ng masama, gumagawa ng pagtatambal o pagsamba ng iba bukod sa Allâh (‘shirk’) at ‘kufr’ (pagtanggi).(Surah Al’Imran, 57)
At sinuman ang gagawa ng mga mabubuting gawa, lalaki man o babae, na siya ay naniniwala sa Allâh (I) at sa anumang ipinahayag na katotohanan, sila ay papapasukin ng Allâh (I) sa ‘Al-Jannah’ na tahanan ng walang hanggang kaligayahan; at hindi sila dadayain at hindi mababawasan ang gantimpala ng kanilang mga gawain nang kahit na kasing liit ng ‘Naqîr’ – isang marka o tuldok sa buto ng prutas ng datiles.(Surat an-Nisa, 124)