Ang mga Hudyo at mga Kristiyano ay ang mga taong inilarawan ni Allah sa Banal na Qur’an bilang mga Ahlul Kitab o Mamamayan ng Aklat. Ilang bersikulo o ayat sa Banal naQur’an ang naglarawan din kung papaano ang marapat na pakikisalamuha sa mga itinuturing na Ahlul Kitab. At kung ating susuriing mabuti ang buhay ng ating Propeta (saas) makikita natin ang pinakamagagandang halimbawa kung papaanong ang mga ayat na ito ng Banal na Qur’an ay naisasakatuparan ng may katumpakan. Hinihingi sa mga Muslim na gampanan ang kanilang responsibilidad na magmalasakit sa mga Ahlul Kitab, ang sila’y mapangalagaan at mabantayan, at ang himukin silang tanggapin ang Islam sa paraang mapang-unawa at sa kalugod-lugod at mabuting pananalita.
Ang mga Muslim ay may responsibilidad na mangaral sa lahat
Isa sa mga ipinag-uutos ni Allah sa mga Muslim ay ang paggawa ng mabuti at ang itakwil ang kasamaan, ang tumawag sa mga tao upang hikayatin ang mga ito sa tunay na daan at ang pagsusumikap na mapalaganap sa mundo ang Islam kaakibat ang mga batayang pang-moralidad nito.
At magpalitaw kayo, O kayo na mga mananampalataya, mula sa inyo ng isang grupo, na nag-aakay tungo sa kabutihan at nag-uutos sa paggawa ng mabuti – at ito ay ang pag-aakay tungo sa Islâm at sa Kanyang batas, at pagbabawal sa paggawa ng masama, na ito ay ang lahat ng labag sa katuruan ni Propeta Muhammad (r); samakatuwid, sila ay magtatagumpay ng mga Hardin sa ‘Al-Jannah.’(Surah Al ’Imran, 104)
At kabilang sa katangian nila na mga mananampalataya na pinangakuan ng Allâh (I) ng ‘Al-Jannah’ (Hardin) ay sila yaong mga nagsipagsisi na tinalikuran nila ang anumang kinamumuhian ng Allâh (I) tungo sa anumang gawain na Kanyang kinalulugdan, na mga yaong taimtim ang kanilang pagsamba sa Allâh (I) na Bukod-Tangi at sa kanilang pagsunod sa Kanya, yaong pumupuri sa Allâh (I) sa lahat ng pagkakataon na sinusubok sila mabuti man ito o masama, yaong mga nag-aayuno nang alang-alang sa Allâh (I), yaong mga yumuyuko sa kanilang pagsa-‘Salâh’ at mga nagpapatirapa; yaong mga nag-uutos sa mga tao na isagawa ang anumang ipinag-uutos ng Allâh (I) at Kanyang Sugo, at nagbabawal sa anumang ipinagbabawal ng Allâh (I) at ng Kanyang Sugo, na isinasagawa nila ang ipinag-uutos ng Allâh (I) at pinangangalagaan nila ang anumang batas, pag-uutos man o pagbabawal, sila ay patuloy sa pagsunod sa Allâh (I), na nananatili sa Kanyang batas. Ipamalita mo, O Muhammad (r), sa kanila na mga mananampalataya na nagtatangan ng mga ganitong katangian, ang pagmamahal ng Allâh (I) at ng Kanyang ‘Al-Jannah’ (Hardin).(Surat at-Tawba, 112)
Ang lahat ng mga propeta, mga sugo at tunay na mananampalataya kay Allah ay buong tapat na sumunod sa ipinag-utos na ito ni Allah, at sila’y mga nangaral sa lahat ng mga sektor ng lipunan sa bawa’t partikular na panahon na kanilang pinamuhayan. Sa kanilang pangangaral hindi pumasok sa kanilang isipan ang mga alalahaning gaya ng mga ito: “na hindi dapat magsalita ng patungkol sa relihiyon sa iba,” “na hindi dapat mag-imbita ng ibang lahi o yaong mga taong iba ang pananaw ukol sa tamang daan,” o “ng hindi dapat makipag-usap sa mga tao na naiiba maging sa kanilang paraan ng pananamit.” Bagkus, lahat ay kanilang tinawag sa tunay na relihiyon ni Allah, ng walang halong diskriminasyon kahit na kaninuman. Ang ating Propeta (saas) ay nangaral maging sa mga pagano ng Makkah, kay Abu Jahil, kay Abu Lahab, sa lahat ng mga bisita at mga tribo na dumayo sa mga itinayong mga kubol sa tuwing panahon ng hajj, at maging sa mga komunidad ng Hudyo at Kristiyano. Kanyang hinikayat ang lahat sa paniniwalang iisa lang ang Allah, hindi niya tiningnan kung anuman ang katayuan sa lipunan ng mga nakaharap, o maging ang pananaw ng mga ito ukol sa Islam, o ng kanilang paraan sa pamumuhay, batayang pang-moralidad at pananamit, walang kapaguran niyang ginawa ang pangangaral at maging ang paggamit ng iba’t ibang pamamaraan at matalinong estilo sa pamamahayag upang maiparating ang mensahe ng Islam sa tao. Hindi siya nagkaroon na ugaling mamili kung sino lamang ang pangangaralan, bagkus lahat ay kanyang nilapitan.
Matatag na inilarawan ng Propeta Abraham (saw) kay Nemrud, ang pagkakaroon at ng pagiging nag-iisa ni Allah. Si Nemrud na yata ang pinakasukdulan, pinakamalupit at walang awang tao sa kanyang panahon. Ang Propeta Moises (as) ay matapang na tumungo sa Fir’awn na siyang nagpapatay sa maraming batang lalaking anak ng mga mamamayan ng Israel, ang mga Muslim ng panahon iyon, at siyang naging malupit sa pagpaparusa sa mga ito, kanyang hinikayat ito na tumalima sa relihiyon ni Allah. At sa pagsasakatuparan nito, inutusan ni Allah si Propeta Moises na gumamit lamang ng mabuting pananalita:”
“Magtungo ka, O Mousâ, ikaw at ang iyong kapatid na si Hâroun, na dala-dala ang Aking mga palatandaan na nagpapatunay sa Aking pagiging ‘Ilâh’ (o Diyos) na sinasamba at sa Aking ganap na kapangyarihan na nagpapatotoo ng iyong mensahe, na kung kaya, huwag kayong manghina sa pagpapatuloy ng pagpapaalaala para sa Akin, tumungo kayong dalawa kay Fir`âwn; dahil walang pag-aalinlangan, siya ay lumampas na ng hangganan sa pagtanggi at paghimagsik, at magsalita kayo sa kanya nang malumanay na salita; baka sakaling siya ay tumanggap ng paalaala o matakot sa kanyang ‘Rabb’ na Tagapaglikha.Sinabi ng Allâh (I) kay Mousâ at saka kay Hâroun: “Huwag kayong matakot kay Fir`âwn; dahil katiyakan, Ako ay kasama ninyo sa pamamagitan ng Aking pandinig at paningin, naririnig Ko ang inyong sinasabi at nakikita Ko ang inyong ginagawa…”(Surah Ta Ha: 42-46)
At gaya ng ating nalaman, ipinadala ni Allah ang Propeta Moises (as) at Propeta Harun (as) upang mangaral sa pinaka-imoral, pinakabuktot at pinakamasamang tao sa kanilang kapanahunan, ang pinakamasidhing kalaban ng Islam. Ang Propeta Moises (as) at Propeta Harun (as) ay nagtungo sa palasyo ng Fir’awn, ang lugar na walang dinidiyos maliban sa kanyang sarili at siyang lugar na puno ng imoralidad sa kanilang panahon, doon sila ay nangaral sa Fir’awn. At sa kabila ng lahat, sila ay inatasan pa rin ni Allah na gumamit ng mabuting pananalita at maghayag sa malumanay na kaparaanan maging doon sa itinuturing na kaaway ng pananampalataya gaya ng Fir’awn .
Maliwanag na sa istorya na inilahad na ito ni Allah sa Banal na Qur’an, katungkulan ng mga Muslim na mangaral sa lahat ng tao, anumang antas o katayuan nito sa buhay. At sa pagpapalaganap ng mensahe ay iniutos sa kanilang gawin ito ng may paggalang, malugod at kaaya-aya, may pagmamalasakit at mapang-unawang paraan ng pananalita. Walang lugar dito para sa mapangahas, mahigpit at saradong lengguwahe sa Islam. Anupaman ang mga kondisyon, maging sino pa man ang ating kaharap, ang isang Muslim ay inuutusang magpaliwanag ng pananampalataya ng may magandang kalooban, pagmamalasakit at pag-ibig. Ang nararapat na sundin ng isang Muslim sa pagpapaliwanag niya ng pananampalataya ay yaong batay sa inihayag ni Allah sa Banal na Qur’an, ang ipakita sa tao ang katotohanan na hindi na kailangan pang gumamit ng panggigipit o maging ng pamimilit, sa paniniwalang si Allah lamang ang magdadala sa tao patungo sa tunay na kaligayahan. Ang komunidad na kung kanino may tungkuling ipakita ang katotohanan at ang mahikayat sa Islam, ang namumukod-tanging tunay na pananampalataya sa mata ni Allah, ay ang mga Ahlul Kitab. Habang ang mga Muslim ay may katungkulan na mawagan at iparating ang mensahe ni Allah doon sa mga wala o mahina na ang batayang moral sa kanilang mga buhay at pag-uugali, kabilang dito ang mga walang itinuturing na relihiyon, mga materyalisto at mga ateista, mayroon pa rin silang natatanging responsibilidad na mangaral sa mga Ahlul Kitab, yaong mga naniniwala sa pagiging iisa ng Allah, sa mga inihayag ng mga propeta at doon sa mga sugo na namuhay ayon sa mga aklat na nilagda ni Allah, ang mahikayat sila patungo sa tunay na daan. At malinaw din na kailangang makapamuhay tayo ng may magandang relasyon o pakikitungong panlipunan sa mga Ahlul Kitab, ito ay kung nais nating ang iniaatang na responsibilidad ni Allah gaya na ng nahayag sa Banal na Qur’an ay maisakatuparang ganap.
May mga tapat na mananampalataya sa hanay ng mga Ahlul Kitab
Ang ilang taong patuloy na tumatanggi sa maliwanag na probisyong nalalahad sa Banal na Qur’an, na nagtatatuwa sa buhay ng ating Propeta (saas) at may mga baluktot na sariling opinyon at matitigas na mga puso at sadyang sinusunod na lang ang mga walang-saysay na pangangatuwiran imbes na sundin ang mga ayat at hadith, sila ay may naliligaw na paniniwalang tuluyan na ngang isinumpa ng Allah ang mga Hudyo at Kristiyano. Sila ang mga naghahangad na magtanim ng punla ng galit sa pagitan ng mga Muslim at mga Ahlul Kitab sa pamamagitan ng pagpapalaganap nitong baluktot nilang paniniwala at ang mang-engganyo pa ng hindi pagkakaunawaan at kaguluhan, ng paglalabanan, ng digmaan at ng pagdanak ng dugo. Subali’t ang katotohanan, walang basehan ang paniniwalang ito na walang awa si Allah sa pagsusumpa sa lahat ng mga Hudyo, sa mga tao ng Israel at maging mga Kristiyano, taliwas ito sa nasasaad sa Banal na Qur’an.
Totoo na nasusulat sa Banal na Qur’an na inihayag ni Allah na maraming kamalian sa paniniwala, panuntunan at pag-uugali ang mga Kristiyano at ang mga Hudyo. Inihayag din ng Allah na Kanyang kinokondena, tinututulan at hindi kinalulugdan ang mga masasamang asal at pagkakamali. Subali’t hindi ito nangangahulugan na lahat na o bawa’t Hudyo o bawa’t Kristiyano ay masama na. Ang pagkokondena, pagbibigay-babala at pagpapaalala ay nakadirekta doon sa mga gumagawa ng patuloy na imoralidad. Ang Allah ay nagbabala sa mga Hudyo na nagpahirap sa kanilang mga kapwa Hudyo, maging nagtakwil at nagpahirap sa buhay ng Propeta Moises (as),doon sa mga Hudyo na patuloy lang sa paggawa ng masama sa gitna na maraming babala sa kanila, yaong mga Hudyo na sumama kay Shamir at sumamba sa mga palsong idolo at yaong mga Hudyo na tumalikod sa Propeta Moises (as) sa kanyang pakikibaka, sinabi lahat ni Allah ang mga imoralidad na ito na nahayag sa Banal na Qur’an. At sa kaparehong kalagayan, sinabi rin Niya na ang mga Kristiyano na nagtuturing sa Propeta Hesus (as) bilang isang diyos, (nawa’y huwag itulot ni Allah) na nagsasabi na ang Allah ay hindi Iisa at ang lalo’t higit ay ang nagsasabi na ang Allah ay may anak, sila ay mga tunay na naliligaw at nasasadlak sa maling paniniwala.
Subali’t nahahayag rin sa Banal na Qur’an na hindi lahat ng mga Ahlul Kitab ay kapareho ng mga nauna, mayroon pa rin namang mga tapat na naniniwala sa Allah sa kanila, yaong naglalaan ng pinakamataas na pagtatangi at paggalang kay Allah lamang.
Ang mga ‘Ahlul Kitâb’ ay hindi magkakaparehas, mayroon sa kanila ang grupo na nanatili sa kagustuhan (batas) ng Allâh (I), naniwala sa Kanyang Sugo na si Muhammad (r) at sila ay gumigising sa gabi sa kanilang pagsa-‘Salâh, binibigkas ang mga talata ng Banal na Qur’ân, humaharap at nakikipag-ugnayan sa Allâh (I) sa kanilang pagsa-‘Salâh.’ Naniniwala sila sa Allâh (I) at sa Kabilang-Buhay, nag-uutos sila ng lahat ng kabutihan at nagbabawal sila ng lahat ng kasamaan, at minamadali nila ang pagsasagawa ng mga kabutihan, at sila ay kabilang sa mga mabubuting alipin ng Allâh (I). At ang anumang gawa mula sa mga mabubuting gawa, marami man ito o kakaunti, na ginagawa ng grupo ng mga mananampalataya; kailanman ay hindi ito babalewalain ng Allâh (I), bagkus sila ay pasasalamatan at gagantimpalaan para rito. At ang Allâh (I) ay ‘`Aleem’ – Ganap na Nakaaalam sa mga natatakot sa Kanya at gumagawa ng mga kabutihan, at lumalayo sa mga ipinagbabawal sa paghahangad ng Kanyang pagmamahal at ng Kanyang gantimpala.(Surah Al ‘Imran, 113-115)
At katiyakan, mayroon sa mga ‘Ahlul Kitâb’ (mga Hudyo at mga Kristiyano) ang nakatitiyak sa kanyang paniniwala, na ang Allâh (I) ay Siyang Bukod-Tanging ‘Rabb’ na Tagapaglikha at Siya lamang ang sinasamba nila, at sa kung anuman na ipinahayag sa inyo na Banal na Qur’ân, at ganoon din sa ipinahayag sa kanila na ‘Tawrah’ at saka ‘Injeel;’ na nagpapakumbaba sila sa Allâh (I), nagpapasailalim sa Kanyang kagustuhan, at hindi ipinagpalit ang mga talata ng Allâh (I) sa maliit na halaga ng makamundong bagay; at hindi nila inilihim ang ipinahayag ng Allâh (I), at hindi nila ito binago na tulad ng ibang ‘Ahlul Kitâb.’ Ang para sa kanila ay dakilang gantimpala sa Araw na makatatagpo nila ang Allâh (I) at ito ay matatamo nila nang walang kabawasan. Katiyakan, ang Allâh (I) ay ‘Saree`ul Hisâb’ – Ganap at Napakabilis Niyang Tumuos at walang kahirap-hirap para sa Kanya na tuusin ang kanilang mga gawain at ayon dito sila ay pagbabayarin.(Surah Al ‘Imran, 199)
Ang mga yaong pinagkalooban Namin ng Kasulatan na nauna sa Banal na Qur’ân– na sila ay ang mga Hudyo at mga Kristiyano na hindi nila pinalitan ang Aklat– ay naniwala rin sila sa Banal na Qur’ân at kay Muhammad (r). At kapag binigkas ang Banal na Qur’ân sa mga yaong pinagkalooban ng naunang Kasulatan, kanilang sasabihin: “Naniwala kami at sinusunod namin ang anuman na niloloob nito, walang pag-aalinlangan, ito ay katotohanan na mula sa Allâh (I) na aming ‘Rabb’ na Tagapaglikha. Katotohanan, kahit na noon pa man bago ang pagkakapahayag nitong Qur’ân ay sumusuko na kami nang ganap sa kagustuhan ng Allâh (I) at pinaniniwalaan na namin ang Kanyang Kaisahan bilang Muslim dahil ang ‘Deen’ ng Allâh (I) ay bukod-tangi na walang iba kundi ang Islâm.”(Surat al-Qasas, 52-53)
At mayroon sa mga ‘Ahlul Kitâb’ na mga Hudyo, na kapag pinagkatiwalaan mo ng maraming kayamanan, ito ay kanilang ibabalik sa iyo nang walang pandaraya.At mayroon naman sa kanila na kapag pinagkatiwalaan mo ng isang ‘dinar’ (ginto) ay halos ayaw na niya itong ibalik pa sa iyo. Maliban na lamang, kung magsisikap ka ng lahat ng paraan na bawiin ito sa kanya. Ang dahilan nito ay mayroon silang maling paniniwala na nagtutulak sa kanila na gumawa nito, na sila (raw) ay mayroong karapatan na ipagkanulo at kunin ang mga kayamanan ng Arabo na wala silang karapatan at sinasabi nila na: “Wala tayong kasalanan kung kinain o pinakialaman natin ang kayamanan nila, dahil ang Allâh (I), ipinahintulot Niya ito para sa atin,” gayong sa katotohanan, ito ay pagsisinungaling laban sa Allâh (I), ito ay binibigkas ng kanilang mga dila kahit alam nila na sila ay nagsisinungaling.(Surah Al ’Imran, 75)
Gaya ng ating napatunayan, ang maling paniniwala ng ibang mga tao na “Ang mga Hudyo ay naisumpa na ni Allah, maging ang lahat ng mga Kristiyano, lahat ng mga ito ay kaaway na” ay hindi naaayon sa nasusulat sa Banal na Qur’an. Ang Allah ay Patas sa Hustisya, Kanyang pinamumunuan ang Kanyang mga alipin ng ayon sa Katotohanan lamang. Hindi magpaparusa si Allah ng tao ng ayon sa mga bagay na hindi siya ang may gawa, maging sa imoralidad na hindi siya ang pinagmulan, hindi batayan ng Kanyang pagpaparusa ang pinanggalingang lahi ng isang tao, maging naging masama man ang mga ninuno nito sa nakaraang panahon. Ito ay hindi naaayon sa Kaluwalhatian ni Allah, sa Kanyang Hustisya at Walang Kapantay na mga Katangian. Ang sinasabing pagpaparusa sa sangkatauhan sa pangmalawalakan (en masse) ay hango lamang sa mga paniniwalang mitiko o alamat, at hindi ito makikita sa Banal na Qur’an. Sa ganitong mga kadahilanan,ang mga Muslim ay marapat na magbase lamang sa mga ayat sa Banal na Qur’an ukol sa pakikitungo nila sa mga Ahlul Kitab, kasama dito ang mga pamamaraan ng ating Propeta (saas), at hindi dapat magbatay sa pamahiin o mga paniniwalang gawa-gawa lamang ng tao.
Unang imbitasyon sa mga Ahlul Kitab ay ang mapagpahayag sila ng, “Iisa lamang si Allah”
Kung nasasaad sa Banal na Qur’an kung ano ang marapat na pag-uugali ng isang Muslim sa kanyang pakikitungo sa mga Ahlul Kitab, sinabi rin ni Allah kung papaano tayo dapat mangaral sa kanila. Batay sa ipinag-uutos ni Allah, sa pag-iimbita ng isang Muslim sa mga Ahlul Kitab,marapat na maipabigkas sa kanila ang mga katagang “Iisa lamang si Allah,” na sa maikling salita ay nangangahulagang sasamba lamang sila sa iisang Diyos (monotheism).
Sabihin mo, O Muhammad (r) sa mga ‘Ahlul Kitâb’ – mga Hudyo at mga Kristiyano: “Halina sa makatarungan at makatotohanang salita, at tayong lahat ay sumunod at manatili rito (sa makatarungan at makatotohanang salita na ito): ito ay ang pagturing natin sa pagiging bukod-tangi ng Allâh (I) sa pagsamba sa Kanya, na hindi tayo gagawa ng anumang pagtatambal sa Kanya, na tulad ng mga imahen, rebulto o di kaya ay krusipiho o anumang uri ng sinasamba bukod sa Kanya; at hindi tayo susunod sa ibang batas o kagustuhan ng sinuman sa atin maliban sa kautusan ng Allâh (I).”At kapag sila ay tumanggi sa mabuting paghihikayat na ito. Sabihin ninyo – O kayong mga mananampalataya – sa kanila: “Tumestigo kayo sa amin na kami ay mga Muslim na sumusuko sa aming ‘Rabb’ na Tagapaglikha bilang alipin at taimtim na pagsamba namin sa Kanya.” At ang paghihikayat na ito tungo sa pagkakaisa, na ang ganitong pamamaraan ng paghihikayat ay hindi lamang para sa mga Hudyo at mga Kristiyano, kundi pati na rin sa ibang relihiyon na nasa labas ng Islâm.(Surah Al ’Imran, 64)
Isa sa mga mahalagang piraso ng karunungan patungkol sa sinabi ng Allah sa Banal na Qur’an na marapat na maghayag ang mga Ahlul Kitab ng “Iisa lamang ang Allah” ay ang sa dahilang kalugod-lugod sa Allah ang pagsasabi ng "LailahaillaAllah." Kapag namutawi sa bibig ng mga Ahlul Kitab ang "LailahaillaAllah," ito ay katumbas ng pagpapahayag na sila ay naniniwala sa iisang Allah at ang sila ay mag-aalay sa Kanya lamang ng lubos na pag-ibig at pagtatangi, at ito ang pinakamahalaga at importanteng sangkap. At upang maging ganap ang pagmamahal ng Allah at ang Siya ay kanilang maging Wali, ang mga Ahlul Kitab na nagsasabi ng pagmamahal at pakikipagkaibigan sa Kanya sa pagbabanggit ng "LailahaillaAllah," esensyal din na banggitin nila ang "Muhammadan Rasulullah" kaakibat ang pagsunod sa Banal na Qur’an. Sa pagiging instrumento upang ang mga Ahlul Kitab ay makapagwika ng “Iisa lamang ang Allah,” ang mga Muslim ay may responsibilidad pa rin na imbitahan sila na tanggapin ang Propeta Muhammad (saas) bilang pinakahuling propeta at ang Banal na Qur’an bilang pinakahuling aklat, at ang sila ay mamuhay batay na sa Banal na Qur’an. Nahahayag din sa Banal na Qur’an kung papaano magagampanan ang pagtawag at panghihikayat na ito.
“Ang pinakamabubuting pananalita” ang naaangkop na gamitin sa pangangaral sa mga Ahlul Kitab
Walang anumang napapaloob sa mga ayat sa Banal na Qur’an na nagtuturo ng mapaghamong pag-uugali patungkol sa mga Ahlul Kitab o ng anumang walang habas na pagkamuhi laban sa kanila. Ang ganitong pag-iisip ay hindi tumutugma sa Banal na Qur’an at mga Sunnah. Ang Muslim ay dapat lamang makadama ng angkop na disgusto doon sa mga nagdedeklara ng pakikidigma laban kay Allah at sa Kanyang relihiyon, at hindi dahil lamang sa pagiging Hudyo o Kristiyano, ito ay saan mang lahi magmumula. Subali’t alalahanin na ang disgustong ito ay hindi marapat na magbunsod sa isang Muslim upang gumamit ng paraang wala sa katarungan, o kawalan ng pag-unawa at ng mapanggipit na pag-uugali sa mga ito. Tunay na sinasabi ng Allah sa Banal na Qur’an ang ganito, "O kayong mga naniwala sa Allâh (I) at sa Kanyang Sugong si Muhammad (r)! Maging matatag kayo sa pagpapatupad ng katotohanan bilang paghahangad ninyo sa Mukha ng Allâh (I), sa pamamagitan ng pagtestigo nang makatarungan at huwag hayaang ang galit at poot ng mga tao ang siyang magiging sanhi para kayo ay hindi maging makatarungan.Na kung kaya, maging makatarungan kayo sa pagitan ng inyong mga mahal sa buhay at sa mga kalaban, na kayo ay maging patas sa paghahatol; dahil ang pagiging makatarungan o patas sa paghahatol ay mas malapit sa pagkatakot sa Allâh (I). At ingatan ninyo na kayo ay makagawa ng pang-aapi. Katiyakan, ang Allâh (I) ay ‘Khabeer’ – ganap ang Kanyang Kagalingan na Nababatid Niya ang lahat ng inyong mga ginagawa at kayo ay Kanyang tutumbasan."(Surat al-Ma’ida, 8).
Karagdagan na dito ang katungkulan ng mga Muslim na protektahan at mabantayan ang sinumang dumudulog sa kanilang pangangalaga, kahit na sila pa ay hindi mga mananampalataya.
At kapag ang isa sa mga ‘Mushrikîn’ na ipinahintulot sa inyo ang kanilang buhay at kayamanan (na ito ay patungkol sa inyong kalaban) ay humingi ng proteksiyon sa iyo, O Muhammad (r), ay tanggapin (pangalagaan) ninyo ang kanyang kahilingan hanggang marinig niya ang turo at gabay ng Banal na Qur’ân, pagkatapos ay ibalik ninyo siya sa kanyang pinanggalingan… (Suratat-Tawba, 6)
Sa pakikitungo sa mga Ahlul Kitab, yaong mga naniniwala sa pagkakaroon ng Allah at siyang may takot dito at yaong mga nagmamahal sa mga propetang Kanya nang naipadala, lalo’t higit doon sa mga matapat na nagsasambit ng "LailahaillaAllah," tinatawag na ang isang Muslim ay magpakita ng mapagkalingang pag-uugali at yaong balot ng pagmamahal. Tunay na nais ng Allah na tratuhin natin ang mga mamamayang ito sa pinakamabuting kaparaanan:
At huwag kayong makipagtalo, O kayong mga naniwala, sa mga Hudyo at mga Kristiyano maliban na lamang sa pinakamagandang kaparaanan at mabuting pananalita, at ang pag-anyaya tungo sa katotohanan ay sa pinakamadaling pamamaraan upang ito ay kaagad na makarating sa kanila at maunawaan; maliban sa mga masasama na naghahamon sa katotohanan na mga nagmatigas, nagmataas at naghayag ng pakikipaglaban sa inyo, na kung kaya, makipagdigma kayo sa kanila hanggang sa sila ay maniwala, o di kaya ay makapagbigay ng ‘Jizyah’ na ibibigay nila ito sa inyo bilang kanilang pagpapasailalim, at sabihin ninyo: “Naniwala kami sa Qur’ân, na ito ay ipinahayag sa amin, at naniwala kami sa ‘Tawrah’ at sa ‘Injeel’ na ito ay mga ipinahayag sa inyo, ang aming ‘Ilâh’ (Diyos na sinasamba) at ang inyong ‘Ilâh’ ay nag-iisa na bukod-tanging walang katambal sa pagsamba sa Kanya, gayundin sa Kanyang pagiging ‘Rabb’ na Tagapaglikha, Tagapangasiwa, Tagapagtustos at Tagapangalaga, gayundin sa Kanyang mga Pangalan at Katangian, na kami ay ganap na sumusuko at nagpapasailalim sa Kanyang kagustuhan sa pamamagitan ng pagsunod sa Kanya sa anumang Kanyang ipinag-uutos sa amin at pag-iwas sa Kanyang mga ipinagbabawal bilang mga Muslim.”(Surat al-Ankabut, 46)
Ang ating Propeta (saas) ay nangaralsa mga Ahlul Kitab ng may pag-ibig at pagmamalasakit prached to the People of the Book with love and affection
Natutunan natin mula sa ating Propeta (saas) kung papaano isakatuparan ang mga nasasaad na probisyon ni Allah sa Banal na Qur’an. Ang esensyal na bagay dito para sa mga Muslim ay ang mga ayat ng Allah at ang mga interpretasyon ng ating Propeta (saas) sa mga ito at siyang paggamit sa kanila. Kung susuriin natin ang magandang relasyon ng ating Propeta (saas) sa mga Ahlul Kitab, makikita natin na tinrato niya ng may pagmamalasakit, pag-unawa at pagtangkilik sa mga ito, kanya silang pinrotektahan at binantayan, hinayaan at binigyan ng probisyon upang makapamuhay ng naaayon sa kanilang paniniwala ng may kalayaan. Ang Tratado ng Medina, na personal na binalangkas ng ating Propeta (saas), ang mga pakikipagkasundo sa mga Kristiyanong Najran at ang mga pribilehiyong iginawad ng ating Propeta (saas) sa maraming tribung Kristiyano at Hudyo ay mahuhusay na halimbawa ng ugaling mapagkalinga, mapangalanga at pagiging patas ng ating Propeta (saas) sa mga Ahlul Kitab. Mayroon ding mga patunay sa pag-uugaling ito na nasulat sa ilang mapagkakatiwalaang koleksyon ng hadith na nagsasaad na ang ating Propeta ay bumabangon pa sa kanyang kinalulugaran kapag may dumaraang prusisyon ng libing para sa isang Hudyo, kanya ring pinahintulutan ang pagsamba ng mga Kristiyano sa Masjid-i Nabawi, na kanyang inilalatag ang sariling kapa para maupuan ng mga sa bumibisitang Kristiyano, gayundin ang pagpapadala niya ng mga unang Muslim sa Kristiyanong Najashi sa Hegira upang mangalaga sa mga ito. Kung gayon, ang lahat ng mga Muslim ay tinatawag na kumilos base sa mga pahayag na ito, ang tratuhin ng buong kabaitan ang mga Ahlul Kitab, sa paraang ayon sa Sunnah ng ating Propeta (saas), ang tawagin sila patungo sa Islam ng may pag-ibig, pagkalinga at kaluguran. (Mababasa ang mahuhusay na mga halimbawang ito mula sa buhay ng ating Propeta (saas) dito.)
Upang maging tunay na Kristiyano o Hudyo, ang mga Ahlul Kitab ay dapat na maging Muslim at sumunod sa Banal na Qur’an
Gaya ng ating mga nabasa na, mula sa Banal na Qur’an at sa mga ebidensiya mula sa buhay ng ating Propeta (saas), marapat na tratuhin nating mga Muslim ang mga Ahlul Kitab ng may pagmamahal at ang hikayatin sila sa pagtanggap sa paniniwalang may isang Diyos lamang at sa Islam sa isang kalugod-lugod na kaparaanan.
Walang pagdududa na pinakamagandang bagay na para sa mga itinuturing na Ahlul Kitab ang pagtanggap sa paniniwalang iisa lamang ang Allah, ang bigkasin ang mga salitang "LailahaillaAllah." Subali’t ang Islam ay ang tunay na pananampalataya sa mga mata ni Allah. Kung nais ng mga Ahlul Kitab ng pagmamahal ni Allah at ang maging kalugod-lugod sa Kanya, marapat na matanggap din nila na si Muhammad (saas) ay ang pinakahuling propeta kasama nito ang pagtalima nial sa Banal na Qur’an. Ito lamang ang tunay na relihiyon na inihayag kay Propeta Moises (as) at Propeta Hesus (as) na sinira sa pagdaan ng panahon at kasama na ang paglalagay dito ng mga gawa-gawang ideya at konsepto na hindi ipinangaral ng Propeta Moises (as) o ng Propeta Hesus (as), mga gawa-gawang konseptong idinagdag na hindi katanggap-tanggap, at kasama maging ang pagtatanggal ng mga tunay na konseptong napapaloob sa relihiyon.
Sa mga kadahilang ito, kung ang mga itinuturing na Ahlul Kitab ay tatalima sa tunay na pananampalataya na siyang itinuro sa mga banal na propeta sa kaanyuang kalugod-lugod sa paningin ni Allah, kung nais nilang maging tunay na tapat na Hudyo gaya ng sa panahon ni Propeta Moises (as) o maging sinserong Kristiyano gaya ng sa panahon ng Propeta Hesus (as), kagya’t dapat silang maging mga Muslim at tanggapin ang Banal na Qur’an. Iniuutos sa Banal na Qur’an na tayo ay manalig sa mga propeta, ng walang pagtatangi. Gaya ito ng sa isang Muslim na maituturing na tumalikod sa pananampalataya dahil sa kahit na sinasabi niyang siya ay nananalig sa Propeta Muhammad (saas) subali’t nagtatakwil naman sa Propeta Ibrahim (as), kung kaya ang mga Kristiyano at mga Hudyo ay dapat tanggapin din si Muhammad sa pagiging propeta niya ni Alllah at ang ganap na siya ay mahalin. Hindi ito mangangahulugan na tatalikuran o hindi na nila dapat mahalin ang Propeta Moises (as) at Propeta Hesus. Bagkus, ito pa nga ang magiging instrumento ng kanilang pagmamahal sa mga propetang nabanggit sa paraang nais at kalugod-lugod kay Allah. Magiging daan pa ito ng ibayo nilang pagkamalapit sa Propeta Moises(as) at PropetaHesus (as), ang higit silang maunawaan at mas mahalin pa.
At kung sa kabila ng mga napahayag na ito, ang ilang mga itinuturing na Ahlul Kitab ay pipiliing manatili sa dati at nakasanayang ideya at paniniwala, ang mga Muslim ay hindi dapat mamilit pa para mapatanggap sa kanila ang Islam o gumamit ng kahit anong porma ng panggigipit. Ang marapat na sabihin ng mga Muslim ay ang ito, gaya ng inihayag ni Allah sa Banal na Qur’an, para sa lahat kabilang na ang mga Ahlul Kitab, “Na kung kaya, sa inyo na lamang ang inyong ‘deen’ (o relihiyon) na inyong pinagpipilitan na sundin, at sa akin na lamang din ang aking ‘Deen’ (o Relihiyon), na hindi na ako maghahangad ng iba pa.”(Surat al-Kafirun, 6)