Higit lalo sa nakalipas na dalawanpung taon, ang konsepto ng “Islamic terror” o karahasan mula umano sa pananampalatayang Islam ang isinusulong na agenda ng mga Kanluraning bansa. Ang mga atake mula sa mga terorista, na inorganisa laban sa dalawang malalaking siyudad ng Estados Unidos ng Amerika noong ika-11 ng Setyembre, 2001 at nagresulta sa pagkamatay ng ilang libong inosenteng katao, ang siyang nagbandera muli ng konseptong ito sa mundo.
Bilang mga Muslim, mariin naming kinokondena ang mga pag-atakeng ito at iniaalay naming ang aming pakikidalamhati’t pakikiramay sa bansang Amerika. Ang artikulong ito ay magpapaliwanag sa pinagmumulan ng karahasan na siya rin naming kinokondena, at nagpapahayag kami na hindi kailanman maaring magmula ito sa hanay ng Islam.
Ang punto na siyang una nating dapat bigyan diin ay ito: hindi pa maliwanag kung sino talaga ang siyang may-akda ng nasabing gawain. Ang karumal-dumal na mga pag-atakeng ito ay maaaring isinakatuparan ng isang grupong may mga layuning isinusulong. Maaring ito ay isang grupong komunista na may galit sa paniniwalang Amerikano o maaari rin namang isang grupong pasista bilang protesta nila laban sa administrasyong pederal. Maaari ring resulta ito ng isang lihim na fraction sa ibang bansa (ito iyong mga grupong nagsusulong ng paghiwalay sa sariling bansa). Kahit na ang mga terorista na nag-hijack sa mga eroplano ay may mga pangalang Muslim, ang tanong ay ito: sino ang gumamit sa kanila sa isang layunin, isang layuning magpapatuloy na misteryo sa lahat.
Kahit na ang mga sinasabing terorista ay may mga pangalang Muslim o pagkakakilanlan, ang pagpatay na kanilang isinagawa ay hindi sapat upang bigyan ng label na “Islamic terror”, papaano kung mga Jews o Hudyo? – “Jewish terror?” o “Christian terror” kung mga Kristiyano naman? Mali ito dahil ang pagkitil ng buhay ng mga inosente sa ngalan ng banal na relihiyon ay imposible. Maliban na lang kung mapatawad ni Allah, ang pumatay sa mga inosenteng tao ay isang napakalaki at mabigat na kasalanan na ang katumbas ay walang katapusang kaparusahan sa Impiyerno. Ang isang taong may paniniwala sa relihiyon ay may takot sa Allah dahilan upang hindi niya makakayang gumawa ng bagay na kagaya nito.
Ang mga pasimuno sa paggawa ng mga ganitong uri ng karahasan ay walang ibang intensyon kundi ang atakihin mismo ang relihiyon. Ang mga nagsasakatuparan ng mga karahasang ito ay naghahangad lamang na gawing masama ang relihiyon sa paningin ng mga tao sa layong maghasik ng pagkamuhi at ang guluhin ang mga mananampalataya. Sa ganitong pamamaraan nga naman, ang bawa’t gagawing pag-atake sa mga inosenteng tao ay magmimistulang pinasimunuan ng mga relihiyoso, kagya’t ito’y maliwanag na umaatake sa relihiyon mismo.
Ang relihiyon ay nagtuturo ng pag-ibig, awa at kapayapaan. Ang pananakot sa pamamagitan ng dahas, sa kabilang banda, sa salungat sa relihiyon; ito ay malupit, walang awa at humihingi sa pagdanak ng dugo, pagkitil ng buhay at kasiphayuan. Sa ganitong pagpapaliwanag, makikita na ang pinagmulan ng mga makateroristang paggalaw ay bunsod ng kawalan nga ng pananampalataya at hindi dapat isisi o agarang idiin ito sa relihiyon. Ang pinagmulan nito ay dapat hinahanap sa mga pasista, mga komunista, mga racist o mga nag-aaglahi at mga taong may materyalistikong pananaw sa buhay. Ang pangalan o pagkakakilanlan ng salarin ay hindi na mahalaga sa puntong ito. Kung kaya niyang pumatay ng mga inosente nang hindi kumukurap ang mga mata, maliwanag na siya ay walang paniniwala, hindi siya tagasampalataya. Isa siyang mamamatay-tao na walang takot kay Allah, na ang tanging ambisyon ay magpadanak ng dugo at makapaminsala. Sa ganitong kadahilanan, ang sinasabing “Islamic terror” ay isang lubhang maling konsepto na sumasalungat sa mensahe ng Islam. Ang relihiyon ng Islam ay hindi kahit kailan ay magto-tolerate o tatanggapin ang karahasan. Bagkus sa Islam, ang karahasan (gaya ng pagpatay ng mga inosenteng indibidwal) ay itinuturing na malaking krimen at responsibilidad pa nga ng mga Muslim na pigilan ito, pangunahin sa tungkulin ng Muslim ay ang itaguyod ang kapayapaan at hustisya sa mundo.
Ang utos ng pakikidigma sa Banal na Qur’an
Ayon sa Banal na Qur’an, ang pakikidigma ang pinakahuling paraan at kung maaari ay hindi na kailanganin pa sa pagtataguyod ng tukoy na layuning pangsangkatauhan o pangmoral man na kadahilanan. Isang ayat ng nagpapakita na kung saan ang mga nagtatat’wa kay Allah ang siyang mga nagtatawag ng gulo o digmaan sa mundo, ang mga digmaang ito ay hindi ikinasisiya ni Allah:
“...at sa tuwing sila ay magpapakana laban sa mga Muslim sa pamamagitan ng pagsasagawa ng mga ‘Fitnah’ (paninira) at pagsisiklab ng apoy ng paglalaban-laban ay ibinabalik ito sa kanila ng Allâh (I), at pinagwawatak-watak sila; at magpapatuloy ang mga Hudyo sa paggawa ng mga paglabag sa Allâh (I) na magdudulot ng mga katiwalian at pagkasira sa ibabaw ng kalupaan. At ang Allâh (I), hindi Niya naiibigan ang mga gumagawa ng kasamaan.” (Surat al-Ma'ida, 64)
Kung babalik-tanawin natin ang buhay ng Propeta Muhammad (saas), makikita natin na ang pakikidigma ay ang pinakahuling kilos-desisyon lamang, nangyayari lamang sa mga sitwasyong hindi na maiiwasan o dahil sa pagtatanggol o pagdepensa laban sa kaaway.
Ang rebelasyon ng Banal na Qur’an sa Propeta (saas) ay umabot sa dalawanpu’t tatlong (23) taon. Sa loob ng naunang labintatlong (13) taon, ang mga Muslim ay namuhay bilang minoridad sa gitna ng mga pagano sa Makkah, sila’y dumanas ng sadyang masisidhing kaapihan. Maraming mga Muslim ang napailalim sa pisikal na pagpapahirap, marami ang pinatay at mga nangamatay dahil sa hirap, marami rin ang inagawan ng mga ari-arian at maging ang kanilang mga tahanan ay tahasang pinagnanakawan, at ito’y nagaganap sa gitna ng patuloy na pag-iinsulto at pananakot. Nagkagayunman, ang mga Muslim ay patuloy na namuhay ng hindi gumagamit ng dahas at bagkus, lagi pa ngang nauuna sa pagtawag sa mga pagano na mamuhay na ng mapayapa.
At nang naglaon, dumating na rin sa sukdulan ang pang-aapi na ginawa ng mga pagano, bagay na hindi na nakayanan ng mga Muslim at sila’y nangibang-bayan doon sa siyudad ng Yathrib (ngayo’y Medina na), dito nakaranas sila ng mas malaya at mas mapayang kapaligiran, dito na rin sila nakapagtatag ng sariling pamamahala. At kahit pa man sila’y nagkaroon ng sariling istrukturang pampulitika, hindi pa rin sila gumamit ng armas laban sa mga mapangahas na mga pagano mula sa Makkah. Gumamit na lang sila ng armas sa pag-uutos ng Propeta (saas) nang ibinigay na ni Allah ang rebelasyon ito - sinasabi sa ayat na ito ang paghahanda sa isang pakikidigma:
“…ay saka pa lamang ipinahintulot ng Allâh (I) sa mga Muslim ang makipaglaban; dahil sa matinding pang-aapi na nangyari sa kanila; at katiyakan, ang Allâh (I) ay ‘Qadeer’ – Ganap na Makapangyarihan na may kakayahan na sila ay tulungan at pagwagiin, at ipahamak naman at abahin ang kanilang mga kalaban. At ang mga yaong puwersahang pinaalis sa kanilang mga tahanan na walang anumang kadahilanan maliban sa ginawa nilang pagyakap sa katotohanan na sila ay nag-Muslim at kanilang sinabi: “Ang Aming ‘Rabb’ na Tagapaglikha ay ang Allâh (I) lamang na Bukod-Tangi.” (Surat al-Hajj, 39-40)
Sa buod, ang mga Muslim ay pinahintulutan ni Allah na makidigma sa dahilang dumaranas sila ng matinding pang-aapi at kalupitan. Kung titingnan natin sa ibang anggulo, ang pakikidigma ay para lamang sa layuning ipagtanggol ang mga sarili. Sa ibang ayat, ang mga Muslim ay binigyan ng babala laban sa pagtawag o paggamit ng dahas sa mga sitwasyon hindi naman talagang kinakailangan pa ng paggamit nitong dahas:
At makipaglaban kayo, O kayong mga naniniwala sa Allâh (I), upang maitaguyod ang ‘Deen’ ng Allâh (I), sa mga taong nakikipaglaban sa inyo at huwag kayo ang magpapasimuno ng gulo. Katiyakan, hindi naiibigan ng Allâh (I) ang mga lumalabag sa Kanyang itinakdang hangganan at nagpapasimuno ng gulo, at pinahihintulutan nila ang ipinagbabawal ng Allâh (I) at ng Kanyang Sugo.(Surat al-Baqara, 190)
Matapos ang rebelasyon ito na nalahad sa mga ayat, nagsimula na ang mga digmaan sa pagitan ng mga Muslim at mga pagano. At sa mga digmaang ito, hindi ang mga Muslim ang nagpasimula. Bukod pa dito ang Propeta (saas) ay nakapagtatag ng panahon ng kapayapaan at seguridad pati na ng isang istrukturang panlipunan na kung saan maari na silang makapamuhay kasama ang mga pagano sa pamamagitan ng isang kasunduang pangkapayapaan, ito ang Tratado Hudaybiyyah, dito rin naman nakasaad ang hiling ng mga pagano na tinanggap ng mga Muslim. Dapat malaman na ang mga pagano ang siyang tahasang lumabag sa tratadong ito, kung kaya naman sumiklab ang isang panibagong labanan. Dahil sa mabilis na paglaki ng bilang ng mga Muslim, ang hukbong Islam ay nagkaroon ng lakas ng puwersa na hindi na nakayanan ng mga Arabo, at ang Propeta (saas), dahil na rin sa panibagong lakas ng kanyang hukbo, ay nakuhang makapasok sa Makkah at tuluyang magapi ito. Walang dugong dumanak sa pananakop na ito, ni isang isang patak ng dugo magmula man sa ilong ninuman ay hindi naganap. Sa kahanga-hangang karakter o katauhang ipinakita ng Propeta (saas), marami sa mga pagano ang humanga at piniling pumasok sa Islam sa kanilang malayang desisyon na rin.
Ang mapayapa at mahinahong pamamaraan ng Propeta Muhammad (saas) ay nagmula sa esensiya ng Islam na inihayag ni Allah sa Banal na Qur’an. Dito sa Banal na Qur’an, ipinag-uutos ng Allah na tratuhin ng mabuti ang mga hindi Muslim, basahin:
“Hindi kayo pinagbawalan ng Allâh (I), O kayong mga mananampalataya, na makitungo nang makatarungan sa kanila na mga walang pananampalataya na hindi nakipaglaban sa inyo dahil sa pagsaalang-alang sa inyong Relihiyong Islâm, at hindi nila kayo pinaalis mula sa inyong mga tahanan, at maging patas kayo sa kanila sa pamamagitan ng pagiging mabuti ninyo sa kanila. Katiyakan, ang Allâh (I) ay nagmamahal sa mga makatarungan sa kanilang mga salita at mga gawa. Katiyakan, ang pinagbawalan lamang ng Allâh (I) na pakitunguhan ninyo ay sila na mga nakipaglaban sa inyo dahil sa ang inyong pananampalataya ay Islâm at pinaalis kayo mula sa inyong mga tahanan, at nakipagtulungan sila sa mga walang pananampalataya sa pagpapaalis sa inyo…” (Surat al-Mumtahana, 8-9)
Ang mga nabanggit na ayat ang nagpapaliwanag ng tamang pakikitungo ng mga Muslim sa mga hindi Muslim: Ang isang Muslim ay nararapat na magtrato ng mabuti sa isang hindi Muslim at ang umiwas lamang na makipagkaibigan doon sa mga nagpapakita ng pagkamuhi sa Islam. Sa mga kaso na kung saan ang pagkamuhing ito ay nagdudulot ng karahasan o mararahas na pag-atake sa pamumuhay ng mga Muslim, na siyang signos para sa pakikidigma, dapat na tumalima ang mga Muslim sa pakikipaglaban ng naaayon sa higit na makataong dimensyon ng situwasyon.
Ang Kahulugan ng Konsepto ng Jihad sa Banal na Qur’an:
Isa pang napakahalagang konsepto na dapat mabigyan liwanag ay ang sa “Jihad.” Ang salitang ito ay nangangahulugan sa salitang Ingles na “struggling” o “pagpupunyagi” sa ating sariling wika. Sa madaling salita, ayon sa Islam, ang pagtawag ng jihad ay nangangahulugan ng “paglalayon o paggawa ng malaking pagkilos.” Ang Propeta (saas) ay nagsabi sa atin na ang pinakamahalagang jihad ay yaong isinusulong laban sa kababawan sa ating pagkatao. Ang kababawang ito ay tumutuloy sa mga makasariling paghahangad at kasakiman. Ang isang intelektuwal na pagpupunyagi laban sa mga kalaban ng relihiyon at mga ideyang maka-ateismo ay tunay na labang jihad.
Bukod sa intelektuwal at moral na kahulugan, may pisikal na pagpupunyagi rin matatawag na jihad. Subali’t dapat na maingat itong magamit sa pagdepensa o pagtatanggol lamang , limitado gaya na ng una nating nabanggit. Ang paggamit sa konsepto ng jihad na kung saan ang layunin ng karahasan ay laban sa mga inosenteng nga tao o iyong sinasabing “terror” ay isang malaking distorsyon o maling pakahulugan sa konsepto ng jihad.
Sa pag-suma sa lahat ng katotohanang ating mga nakita, ang pulitikal na doktrina ng Islam ( o iyong mga batas at prinsipyo patungkol sa mga bagay sa pulitika) ay laging nasa kahinahunan at pagsusulong ng kapayapaan. Ito’y bagay na naging katanggap-tanggap din sa mga maraming mananalaysay at mga teyolohiko, pawang hindi mga Muslim. Isa na dito ang Ingles na mananalaysay na si Karen Armstrong, isang dating madre at eksperto sa kasaysayang ng Gitna Silangan. Sa kanyang librong “Holy War,” naririto ang mga ilang komento kanyang sinabi ukol sa paksa:
…Ang salitang “islam ay hango na rin sa isang ugat na salitang Arabo na ang kahulugan ay “peace” o “kapayapaan” at ang Koran ay nagkokondena sa digmaan bilang isang abnormal na estado ng pamumuhay na labag sa kagustuhang ng Diyos…Ang Islam ay hindi sumasang-ayon sa buo at agresibong pakikidigma para sa paglupig (total aggressive war of extermination)…Batid ng Islam na ang digmaan ay hindi maiiwasan at kung minsan ito pa nga ay nagiging isang positibong tungkulin upang mawakasan ang nagaganap na pang-aapi at paghihirap. Itinuturo ng Islam na ang pakikidigma ay dapat maging limitado lamang at ang isagawa ito ng makatao hangga’t maaari… nang ipadala ni Mohammad ang isang isang napalayang bihag na si Zaid upang mamumo sa hukbong Muslim laban sa mga Kristiyano, sinabihan niya ang mga ito na makidigma para sa layunin ni Allah ng buong katapangan subali’t dapat rin ito makatao. Galangin ninyo ang mga kaparian, ang mga mongha at mga madre maging ang mga mahihina at walang kalaban-labang mga tao na walang kakanyahan lumaban. Walang masaker ng mga sibilyan ang dapat maganap o maging ang pagputol ni isang puno o pagsira sa anumang istuktura. (Karen Armstrong, “Holy War,” MacMillan London Limited, 1988, p.25)
Maging sa pagyao ng Propeta (saas), ang mga Muslim ay nagpatuloy sa pagpapakita ng kakaibang pagtanggap at paggalang sa mga miyembro ng ibang pananampalataya. Ang mga Kristiyano at mga Hudyo ay kapwa nakapamuhay ng may kapanatagan at malaya sa mga estadong Islamiko. Ang mga Muslim ay hindi kailanman naging pasimuno ng kasamaan sa kasaysayan; bagkus ang mga Muslim pa nga ang nagdala ng seguridad at kapayapaan sa mga taong may iba-ibang nasyonalidad at paniniwala kahit saan man sila mapunta. ( Para sa mas detalydong impormasyon, tumingin sa: Harun Yahya, Justice and Tolerance in the Qur’an, Vural Publishing, 2003)
Sa maikling salita, ang basehan ng moralidad sa Banal na Qur’an ay ang magtatag ng pagtanggap (tolerance), kapayapaan (peace) at awa (mercy), at ang Islam ay siya ring naglalayong linisin ang kasamaan sa mundo. Ang utos sa Banal na Qur’an at pagpapatupad ng mga Muslim sa mga ito sa kabuuan ng kasaysayan ay tunay na matibay at buong-linaw. (Para sa mas detalyadong impormasyon, magtungo sa :www.islamdenouncesterrorism.com )