Dapat na malaman ng ating mga kapatid na Kristiyano ang kahalagahan ng may lalim na pag-unawa sa mga salita…
ucgen

Dapat na malaman ng ating mga kapatid na Kristiyano ang kahalagahan ng may lalim na pag-unawa sa mga salita…

2188

[Our Christian brothers and sisters should also see the importance of the inward meaning]

Ang mga salita ni Allah ay bukas, maliwanag, siksik at liglig sa karunungan. Subali’t minsan ay itinatago ng ating Panginoong Makapangyarihan sa lahat sa likod ng Kanyang mga salita ang mga kapaliwanagan at mga kahulugan, at bukas ang mga ito sa interpretasyon. Upang ang mga ito ay ating maunawaan ng lubos, kinakailangan itong tingnan gamit ang liwanag ng pananampalataya sa paghahanap ng kahulugan at sikreto sa likod ng mga salitang ito ng karunungan.

Kadalasan inilalahad ng ating Makapangyarihang Panginoon ang higit na malalalim na kahulugan ng mga ito sa pamamagitan ng mga pagtutulad (similes) at talinhaga (metaphors). Halimbawa sa isang ayat sa Banal na Qur’an, Kanyang inihayag ang At hawakanninyo nang mahigpit ang lubid (Aklat) na mula sa inyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha (Allâh I), at ang patnubay ng inyong Propeta, at huwag kayong gumawa ng anumang bagay na magiging dahilan ng inyong pagkakahiwa-hiwalay....” (Surah Al ‘Imran, 103), at sa isa pang ayat, Katiyakan, ang mga walang pananampalataya, na hindi pinaniwalaan ang Aming mga katibayan at mga palatandaan na nagpapatunay hinggil sa Aking Kaisahan, at hindi nila sinunod ang Aming batas bilang pagmamataas, ay hindi bubuksan ang mga pintuan ng kalangitan, para sa kanilang mga mabubuting gawa na ginawa rito sa daigdig; at ganoon din, hindi rin bubuksan ang mga pintuan ng kalangitan para sa kanilang mga kaluluwa kapag sila ay namatay na, at kailanman, ang mga walang pananampalataya ay hindi maaaring makapasok ng ‘Al-Jannah’ (Hardin) sa Araw na kapag sila ay binuhay nang mag-uli, maliban na lamang kung makapapasok ang kamelyo sa butas ng karayom at ito ay di-maaari.…” (Surat al-A‘raf, 40). Ang mga ayat na ito ay maaaring tingnan at pakahulugan ng ilan sa literal na kaparaanan. Subali’t sa katunayan ang parehong ayat na ito na matalinhaga ay paglalahad na puno ng karunungan, at maraming natatago pang kahulugan na kung susuriing maigi ng ating kaisipan ay mapupulutan natin ng kaban-yaman ng karunungan. Ang ating Panginoon, sa paggamit ng “lubid (Aklat) ni Allah” ay maliwanag na nagsasabi sa ating mga tao na kumapit ng mahigpit sa Kanya at sa Kanyang landas, at ang tayo’y magpursigi dito. Muli, ang ating Panginoon sa paggamit ng “hanggang ang kamelyo ay makapasok sa butas ng karayom” ay naglalahad na ang mga nabanggit sa naturang ayat ay hindi papapasukin sa Kalangitan – maliban na lamang sa kapahintulutan ni Allah. Sadya itong napakalalim at napakagandang paraan ng pagpapahayag.  Subali’t upang atin itong higit na tamang maunawaan, kinakailangang dito ang pagninilay sa tunay na malalim nitong kahulugan.

Ang ganitong situwasyon gaya ng sa Banal na Qur’an, ay marapat na gamitin din sa Torah at sa Ebanghelyo. Isang halimbawa ng berso mula sa Ebanghelyo na kung saan kinakailangan ang malalim na interpretasyon sa isang paglalahad ng ating Panginoon ay ang sumusunod:

Nagsasalita ako sa kanila sa pamamagitan ng talinhaga sapagkat tumitingin sila nguni’t hindi nakakakita, at nakikinig nguni’t hindi naman nakakarinig ni nakakaunawa man. Natutupad nga sa kanila ang propesiya ni Isaias na nagsasabi, 'Makinig man kayo nang makinig subali’t hindi ninyo mauunawaan kailanman, at tumingin man kayo nang tumingin subali’t hindi rin kayo makakakita kailanman. Sapagkat naging mapurol na ang isip ng mga taong ito; mahirap makarinig ang kanilang mga tainga, at ipinikit nila ang kanilang mga mata, kung hindi gayon, sana'y nakakita ang kanilang mga mata, nakarinig ang kanilang mga tainga, nakaunawa ang kanilang mga isip,  at nagbalik-loob sila sa akin, at pinagaling ko sila.(Mateo 13:13-15)

Narito rin ang ilang posibleng ehemplo mula sa Torah: 

Sinabi ni Yahweh, "Kayong mga bingi, ngayon ay makinig!
At kayong mga bulag naman ay magmasid! …. Israel, napakarami mo nang nakita nguni’t walang halaga sa iyo.
Mayroon kang tainga nguni’t ano ang iyong napakinggan?
(Isaiah 42:18, 20)

Sinabi sa akin ni Yahweh, "Ezekiel, anak ng tao, nasa gitna ka ng isang mapaghimagsik na bayan. May mga mata sila nguni’t hindi nakakakita; may mga tainga ngunit hindi naman nakakarinig(Ezekiel, 12:1-2)

Ang mga matatalinhagang salitang ito sa Ebanghelyo at Torah ay hindi nagpapatungkol sa pisikal na kapansanan gaya ng pagkabulag o pagkabingi. Ang binibigyang diin dito ay ang ispirituwal na pagkabulag at ispirituwal na pagkabingi ng isang tao. Kahit na pa ang pisikal na ebidensya ng pagkakaroon ng Diyos, si Allah na Maylikha ang lahat, ay nasa sa harapan na nila’t nakikita ng kanilang mga mata, ang mga taong nabanggit  sa mga talinhagang ito ay sadyang hindi makakaunawa at makakatanggap ng katotohanan. Kinokondena ni Allah ang mga ganitong klase ng tao na bulag at bingi sa ispirituwal na kalalagayan. 

Kung magiging literal na lamang ang pagpapakahulugan sa nabanggit na pagkabulag o pagkabingi, ito ay magbubukas  sa mga maling interpretasyon. At upang maiwasan na lang ang pagkakaroon ng kaguluhan dahil sa mga ganitong maling interpretasyon, napakahalaga na magnilay-nilay sa mga tunay at malalalim na kahulugan nito. Dahil si Allah, sa likod ng mga matatalinhagang kahulugang ito, ay nagnanais na magparating sa tao ng mga dakila at importantanteng mensahe, mga natatagong sikreto na siyang susi ng tao patungo sa tama at matuwid na daan.
 


 

Ang mas malalim na pag-unawa sa kahulugan ng paggamit ng salitang “anak” sa Ebanghelyo ay marapat na pagnilayan.

Una at higit sa lahat, dapat na maipabatid na ang kakulangan ng pag-unawa sa tunay na kahulugan sa likod ng mga matatalinhagang salita ay naeenkwentro hindi lamang sa Islam kundi maging sa Judaismo at Kristiyanismo. Kung kaya’t hindi dapat na ikonsidera na ito ay isang pangyayari na limitado lamang sa mga Kristiyano. Datapuwa’t ang paksa natin ngayon ay patungkol lamang sa aspetong Kristiyano gaya ng naisasalarawan.

Ang kakanyahang makaunawa sa tunay na kahulugan sa likod ng mga salitang ito ng ating Panginoon ay tunay na napakahalaga, lalo na kung ang pag-uusapan natin ay ang mga malulubhang kamalian na nakasadlakan ng ating mga kapatid na Kristiyano, mapababae man o mapalalaki. Namumukod dito ang matagal na nilang paniniwala at lubhang lumaganap na sa loob ng napakaraming taon na ang Propeta Hesus (as) ay anak ni Alllah (Buong katiyakang si Allah ay higit pa riyan), ito ay sadyang napakamapanganib na maling interpretasyon na nangyari at namamayani dahil na nga sa kakulangan ng tamang pagkakaunawa. Ang ekspresyong “anak ng Diyos (Allah)” sa Ebanghelyo ay nalagyan ng literal na pakahulugan ng wala man lang tunay na malalim na pag-iisip at pagsusuri patungkol sa paghahanap ng kahulugan nito.

Ang katotohanan dito, ang paggamit ng salitang “anak” ay ekspresyon lamang ng ispirituwal na pagiging malapit kay Allah, ng pagmamahal, ng natatanging paghirang, at ng pagkakaibigan. Ito ay sadyang malalim na ekspresyon na ginamit ni Allah sa Kanyang mga alipin na Kanyang pinakamamahal at namumukod-tanging pinili mula sa ating lahat na mga nilalang.

Ang espesyal na ekspresyong ito ay siya ring paraan ng paglalarawan na ginamit sa Torah (Salmo 2: 7-12). Dahil sa ang ilang mga Kristiyano ay nagpapakahulugan ng literal sa salitang “anak” ayon na rin daw sa Torah, ito rin ang kanilang binabanggit na basehan (reference) sa maling paniniwala na ang Propeta Hesus (as) ay “anak ni Allah” (Buong katiyakang si Allah ay higit pa riyan). Subali’t dapat nating mabatid na maging ang mga Hudyo ay nakakaalam sa tunay at mas malalim na kahulugan ng mga ekspresyong ito sa Torah. Binigyan nila ang mga ekspresyong ito ng interpretasyon at nagnilay sa mas malalim na kahulugan ng mga ito, at nakaunawa na si Allah ay nagbigay-diin lamang dito ng Kanyang natatanging pagmamahal, pangangalaga at pagiging malapit sa Kanyang mga piling alipin. Kung kaya, ang mga Hudyo ay tumutuligsa sa komentaryo mula sa ilang Kristiyano patungkol sa mga salita sa Torah na nagamitan ng literal na paglalagay ng kahulugan at lubhang lumayo na sa tunay na dapat na kahulugan ng mga ito.

Ang ating mga kapatid na Kristiyano ay marapat na maunawaan na ang nakasanayang katawagan na “anak ni Allah” ay hindi dapat tingnan sa  isang pisikal na pakahulugan lamang (Buong katiyakang si Allah ay higit pa riyan), bagkus ang dapat nilang malaman ay ang ito ay pagbibigay-diin lamang sa pagkakaroon ng ispirituwal na pagiging malapit kay Allah. Sa ganitong mas malalim na pananaw sa ekspresyong ito, kanilang higit na matatanto o mararating ang isang kakaiba at mas may-lalim na pagkakaunawa sa ganitong paraan ng katawagan.
 

Ang kredo ng Trinidad ay ang pinakamalaking at malubhang panganib na naipataw sa Kristiyanismo at ito rin ang pinakamalaking paninira na naibato sa Propeta Hesus (as).

Hango sa isang Panayam kay G. Adnan Oktar sa TV Kayseri at Kanal 35 (Enero 10, 2010)

 

Ang paniniwala na ang pagbabalik ng Propeta Hesus (as) sa Wakas ng Panahon ay magaganap sa himpapawid o sa gitna ng kaulapan na siyang masasaksihan saanman ay nagmula sa kakulangan ng sapat na pagkakaunawa sa higit na malalim na kahulugan nito.


Ang Propeta Hesus (as), sa kapahintulutan ni Allah, ay muling babalik sa Wakas ng Panahon at dala niya ang kapayapaan at kaligtasan para sa lahat ng mga bansa sa mundo. Ito ay isang napakagandang balita na nalalahad din sa Banal na Qur’an. Subali’t ang Propeta Hesus (as) ay pababalikin muli sa daigdig sa Wakas ng Panahon  hindi bilang resulta ng mga ekstraordinaryong pangyayari na masasaksihan daw ng mga tao gaya ng ipinapalagay ng maraming Kristiyano at maging ng ilang mga Muslim. Ang Propeta Hesus (as) ay pabababain muli sa mundo mula sa Presensiya ni Allah, at maging siya mismo ay hindi makakaalam kung sino siya.  Sa simula, ang isang maliit na grupo ng mga Kristiyano ay mananalig sa kanya at siyang magpoprotekta sa kanya. Sa simula ay palihim niyang isasagawa ang kanyang mga aktibidades at na kalaunan, ito ay mapupuna na rin ng buong sandaigdigan. Ang pananalig ng mga tao sa kanya at ang pagbabalik sa pananampalataya kay Allah ay tiyak na magaganap sa loob ng ilang panahon lamang.

Ang muling pagbabalik ni Propeta Hesus (as) sa Wakas ng Panahon ay isang napakagandang balita na binabanggit din sa Ebanghelyo at siyang inaasam ng mga Kristiyano. Subali’t ang mga kapatid nating mga Kristiyano, mapalalaki man o mapababae, bunsod ng mga mali at literal na interpretasyon sa mga nalalahad sa Ebanghelyo, ay nahuhulog sa mga pawang maling inaasahan na mangyayari. Halimbawa, ang maraming Kristiyano ay naniniwala na ang pagbabalik ng Propeta Hesus (as) ay magaganap sa gitna ng alapaap, makikita daw natin siya sa mga kaulapan, at ito ay masasaksihan ng lahat ng tao bilang resulta daw ng mga ekstraordinaryong mga pangyayari. Ang ganitong paniniwala ay ibinase lamang nila sa ilang pahina mula sa Ebanghelyo:

“Tingnan ninyo, dumarating siyang nasa mga alapaap at makikita siya ng lahat….” (Pahayag 1:7)

Pagkatapos, makikita nila ang Anak ng Tao na dumarating na nakasakay sa alapaap, may dakilang kapangyarihan at karangalan. (Mateo 24:30; Marcos 13:26)

Sumagot si Jesus, "Kayo na ang nagsabi. At sinasabi ko pa sa inyo, di na magtatagal at makikita ninyo ang Anak ng Tao na nakaupo sa kanan ng makapangyarihang Diyos at dumarating na nasa alapaap!(Mateo 26:64; Marcos 14:62)

Sa panahong iyon, makikita nila ang Anak ng Taong dumarating na nasa alapaap, at may kapangyarihan at dakilang karangalan.”(Lucas 21:27)

Sapagkat darating ang Anak ng Tao na parang kidlat na gumuguhit mula sa silangan hanggang sa kanluran.” (Mateo 24:27)

Sapagkat pagsapit ng takdang araw, ang Anak ng Tao ay darating na parang kidlat na nagliliwanag sa buong kalangitan sa isang iglap.” (Lucas 17:24)

Ang dahilan kung bakit idinaan sa paggamit ng mga talinhaga ang patungkol sa muling pagbabalik ni Propeta Hesus (as) ay upang mabigyan ng higit na tamang atensiyon kung gaano magiging kadakila ang nalalapit na pangyayaring ito.  Dagdag pa rito, ang kanyang pagdating na sinasabing masasaksihan ng lahat na kagaya ng ”parang kidlat na gumuguhit mula sa silangan hanggang sa kanluran,” ay maaaring ring mangahulugan na ito ay isang senyales na siya ay makikita sa telebisyon. Ang maamo at magandang mukha ng ating Propeta Hesus (as) na siyang makikita ng lahat ng tao ay maaaring pagsasalarawan din sa talinhagang ito.

Gayundin naman, kung ang mga katagang ito ay kukunin natin sa literal na kahulugan nito, lahat tayo ay magiging puspos na ng kaalaman ukol sa Propeta Hesus (as), na siyang darating mula sa kaulapan, at sa ganitong kalaking milagro, lahat ng tao ay walang dudang magkakaroon at manunumbalik sa pananampalataya, at hindi na kakailanganin pa ang mga pagsusubok. Subali’t gaya ng nasulat sa Ebanghelyo, isinalarawan doon ang pagkakaroon ng panahon ng pagpupunyagi (struggles) sa pagitan ni Propeta Hesus (as) at ng tinaguriang antichrist. Kung sabihin nating tunay nga na magaganap ang pagbaba ni Propeta Hesus (as) mula sa alapaap na siyang masasaksihan naman ng lahat at siya ring magiging hudyat sa panunumbalik ng lahat sa pananampalataya, maliwanag na walang magiging situwasyon o kondisyon na nangangailangan pa ng pagpupunyagi ng Propeta Hesus (as). Maliwanag na upang maganap ang pagpupunyagi ng Propeta Hesus (as) laban sa antichrist, dapat lamang na hindi muna siya makilala ninuman sa kanyang pagbabalik. Dapat din nating bigyan-diin na ang mga pagsusubok sa ating mundo ay patuloy na nagaganap, at walang pangyayari na nagaganap ng walang kadahilanan, dito makikita na ang tao ay may layang mamuhay ng ayon sa kanyang sariling pag-iisip (freewill), kung wala ang mga ganitong kondisyones wala rin ang kalayaan ng tao. At ito ay taliwas sa hustisya ni Allah at maging sa Kanyang batas sa paglalang sa mundo at tao. Kagaya ng walang anumang pangyayari na nag-alis sa malayang pag-iisip ng tao sa panahon ng lahat ng mga nakalipas na propeta, gayun din naman ang magaganap sa panahon ng pagbabalik ni Propeta Hesus (as). Kagya’t ang sinasabing pagkakaroon ng isang malaki at ekstraordinaryong kaganapan na siyang mamamalas ng lahat sa isang iglap ay lubhang labas sa limitasyon ng ating isipan at hindi posible kung rason ang pagbabatayan. Dito, sa katotohanan lang, kinakailangang mabuti ang malalim na pagsusuri ng mga nahayag na salita.

At sa mga salitang ito, tayo ay pinapaalalahanan ni Allah na ang pagbabalik sa mundo ni Propeta Hesus (as) ay isang dakila at puspos ng biyayang kaganapan, malalaman din ng lahat ang kanyang pagdating, at sa kanyang pagdating na ito ang mga tao ay magkakaroon ng kaliwanagan at tutungo sa pagiging matuwid. Ang kaalaman na ang presensiya niya sa mundo ay buhay at namamayani ay magdudulot ng kaliwanagan at pagdiriwang. Sa ganitong kadahilanan kaya ikinumpara ni Allah ang pagbabalik ni Propeta Hesus (as) sa isang kidlat.

Pagtatapos

Tunay na mahalaga ang pagkakaroon ng may mas higit na lalim na pag-unawa sa mga matatalinhagang salita ni Allah, dahil dito agad nating mararating ang tunay at busilak na kahulugan at karunugan sa likod ng Kanyang mga mensahe. Ang pagkabigo na magawa ito ay makapagdadala lamang sa tao sa sadyang malala at mapanganib na mga maling paniniwala.  Narito ang isinaad ni Allah sa Banal na Qur’an, “O kayong mga naniwala sa Allâh (I) at sumunod sa Kanyang Sugo, kung kayo ay natatakot sa Allâh (I) sa pamamagitan ng pagsagawa ng Kanyang ipinag-uutos at pag-iwas sa Kanyang ipinagbabawal…”(Surat al-Anfal, 29), nagsasaad lamang ito ng kakanyahan ng tao mamili sa pagitan ng tama at mali. Kagya’t ang sinumang tumatalima sa pagsunod kay Allah at mayroon takot sa Kanya na siyang marapat ay mayroong biyaya na makakita sa katotohanan, at ang makatagpo sa malalim na kahulugan sa likod ng mga salita ni Allah, at ang makapamuhay ng naaayon sa kanilang konsensiya. Ang ating mga matapat na mga kapatid na Kristiyano ay marapat na pagnilayan ang mga salitang ito ng karungan mula sa Ebanghelyo, kaparehong mga salitang na may pagkakasundo sa nasusulat sa Banal na Qur’an. Kung kanilang gagamitan ng konsensiya, buong katiyakan nilang makikita ang tunay at malalim na mga kahulugan ng mga ito doon, InshaAllah…

 


 


IBAHAGI
logo
logo
logo
logo
logo