ANG PAGIGING MATIISIN AT DETERMINASYONG MAGTIWALA KAY ALLAH
ucgen

ANG PAGIGING MATIISIN AT DETERMINASYONG MAGTIWALA KAY ALLAH

2202

Ang isang taong dumaan sa napakaraming insidente sa buong buhay niya ay patuloy pa ring makararanas ng mga pagsubok o hamon sa buhay. Sa mga ganitong pagkakataon, naipamamalas ng tao ang lalim ng kanyang pananampalataya, kasama na ang kanyang pagtalima at paglapit ng kalooban kay Allah na Siya mismong nagbigay-buhay at ng mga biyayang di-mabibilang.

Hangad lagi ng tao na ang lahat ng bagay ay nasa sa tamang takbo o naaayon dapat sa kanyang kagustuhan. Subali’t, ang mundo ay sadyang puno ng pagsubok,  marami sa mga bagay na nagaganap ay taliwas sa inaasahan. Habang iniisip nating mukhang umaayon na sa plano ang mga pangyayari, subali’t sa isang iglap ay may mga biglang liko ito na sumasalungat sa kabuuan ng ating mga plano o kagustuhan. Sa mga ganitong kaganapan, nararapat na mangibabaw sa isipan ng taong mananampalataya na may magandang dulot ang lahat ng bagay, gaya ng mga pangyayari sa bawa’t segundo ng kanyang buhay. Marapat na maging bukas ang isipan ng tao na hindi lahat ng inaasahan o hinahangad niya ay laging makakabuti sa kanyang sarili. Sa Surat Al-Baqara, sinabi ni Allah na maaaring sa unang tingin ng tao na ang isang bagay ay makakabuti sa kanya subali’t kalaunan ay makakasama naman pala o dili kaya’y masama sa pananaw niya ang isang bagay subali’t makakabuti naman pala sa kanya:

“....Ang pakikipaglabang ito ay ayaw na ayaw ninyo – likas na hindi ninyo ito nagugustuhan dahil sa hirap na nararanasan dito at sa dami ng kapinsalaan; magkagayunpaman, maaaring ang bagay na inaayawan ninyo sa katunayan ay makabubuti para sa inyo. At maaari namang ang isang bagay na gusto ninyo, na katulad ng pamamahinga at panandaliang kaligayahan, ay makasasama para sa inyo. Ang Allâh (I), Siya lamang ang Ganap na Nakaaalam kung ano ang makabubuti para sa inyo subali’t kayo ay hindi ninyo alam.”
( Surat Al-Baqara, 216 ).

Kahit na anupaman ang pasusumikap na gawin ng tao upang makaiwas sa mga pangyayayaring parating, na laging sa unang tingin niya ay pawang mga suliranin lamang, hindi pa rin niya ito matatakasan, haharapin at haharapin pa rin niya ang mga ito. Ito ay sa kadahilanang ang lahat ng bagay, maging ang mga pinakamaliliit na detalye sa buhay ng isang tao, ay mahalagang bahagi ng destinasyong inilaan ni Allah para sa bawa’t tao. Makikita lamang ng tao kung ano ang siyang dulot ng destinasyong bigay ni Allah habang patuloy niyang tinatahamak ang kanyang buhay o sa paglipas ng panahon.  Lahat ng inilaan ni Allah ay pawang para sa higit na ikakabuti ng bawa’t tao. Subali’t dahil sa sadyang mababaw ang pag-unawa ng isipan ng tao, hindi niya mababatid agad na sa likod ng mga kaganapan ay may laging kabutihang dala sa kanyang buhay, patuloy niyang kukuwestiyunin kung bakit ang mga maganda na sanang mga plano ay bigla na lang nasisira. Ang pang-unawa o pananaw na malayo kay Allah at ang kawalan ng tunay na pagsampalataya ay siyang magbubungsod ng mga kilos tungo sa pagsuway kay Allah, kaalinsabay ng pagwawalang-halaga sa tunay na karunungan at ng kawalan ng pagsasaalang-alang sa bulong o dikta ng konsensiya.

Kabaligtaran naman ito sa isang tao na Kaibigang Tunay ang turing kay Allah at taos-pusong nagtitiwala sa Kanya, nababatid niya na sa gitna ng mga mabibigat na suliranin ay may biyayang nakalaan upang tamasahin ng tao, ang katotohanang may makabuluhang kahulugan ang bawa’t kaganapan. Walang alinlangan sa kanya na lahat ng nangyayari ay naaayon sa destinasyong binuo ni Allah para sa kanya. Ganap para magsumikap siya na gawin ang anumang bagay na sunod sa kagustuhan ni Allah. Sa Surah Yunus, maliwanag na ipinakikitang lahat-lahat ay batid ni Allah, at walang nalilingid sa Kanyang Kaalaman:

“Anuman ang iyong ginagawa, O Muhammad (r), sa iyong mga sariling gawain, at kung anuman na iyong binibigkas mula sa Banal na Qur’ân na mga talata, at kung anuman ang ginawa ng sinuman sa iyong sambayanan na mabuting gawain o masama, ay tiyak na nababatid Namin ito at Kami ay nakamasid habang ito ay inyong ginagawa, at ito ay itinala Namin para sa inyo at gagantihan Namin kayo para rito, at walang anuman ang naililihim sa kaalaman ng iyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha, O Muhammad (r), na kahit na kasinliit ng atomo (o ‘atom’), dito sa kalupaan at ganoon din sa mga kalangitan.  Kahit na maliit pa o malaki kaysa rito ay nakatala ito nang malinaw sa Aklat na nasa Allâh (I) dahil saklaw ng Kanyang Kaalaman ang lahat at ito ay itinala ng Kanyang panulat.” (Surah Yunus, 61).

Sa gabay na liwanag mula sa Banal na Qur’an, pakasusuriin ng isang taong may malinis na isipan ang bawa’t maliliit na kaganapan sa kanyang buhay, ayon na rin sa paniniwalang banal, tamang karunungan at dikta ng konsensiya....batid  na Si Allah ay ang Siyang Tunay at Higit na Takbuhan at Kaibigan, na lahat ay nilalang Niya na may kabutihang taglay o dulot, ito’y kahit na sa mga pinakamahihirap o madidilim na sitwasyon ng buhay. Alam niyang Si Allah lamang ang Tunay na Tagapangalaga at panatag siya sa ilalim ng Proteksyon ni Allah, daan upang buong puso niyang iyaalay ang wagas na pagtitiwala kay Allah.

Batid rin niyang ang pagiging matiisin at ang pag-aalay ng buong-tiwala Kay Allah, lalo na sa mga oras ng matinding kagipitan at kahirapan, ay may ibayong gantimpalang magmumula kay Allah, na lahat ay nakikita ni Allah, at kaakibat nito ang pagtamasa ng Kanyang Pagmamahal, lalo’t higit kung isinasakatuparan ang bawa’t gawa ng may malalim takot para kay Allah lamang.

Hindi man lubos na maabot ng pag-unawa ng isang tao, patuloy siyang makikibaka sa buhay ng may tatag at pagtitiis dahil sa puso niya tiwala siyang nakikita lahat ni Allah, na walang nalilingid Kanya. Hindi man niya makamit agad-agad ang resulta ng kanyang mga mabuting gawa, buo pa rin ang tiwala niyang may mga pinakamagagandang gantimpala na darating para sa kanya mula kay Allah, ang kanyang Tunay na Kaibigan, na kundi man sa ngayon ay naghihintay sa kanya sa Kabilang-Buhay, kasama nito ang matanggap ang Pagmamahal at Pagkalinga ni Allah. Sa kanya, lahat ng gawang mabuti, maliit man o malaki, ay may nakalaang biyaya, lahat ay nababatid ni Allah at walang Siyang nililimot. Siyang tunay dahil sa Banal na Qur’an sinabi ni Allah na may gantimpala Siyang nakalaan sa bawa’t mabuting gawa ng tao, kasinliit man ito ng buto ng mustasa:

“At ilalagay ng Allâh (I) ang makatarungang Timbangan sa paghuhukom sa Araw ng Muling Pagkabuhay at hindi Niya sila dadayain at ang iba pa nang kahit na kaunti, kahit na ang gawain ay kasimbigat ng buto ng mustasa o kasinliit ng ‘atom,’ mabuti man o masama ay itatala sa nagmamay-ari nito.  At sapat na ang Allâh (I) bilang Tagapagkalkula sa mga gawain ng Kanyang mga alipin at ayon dito sila ay gagantihan.” (Surat Al-Anbiya, 47).

Kaya, ang mga mali o negatibong reaksyong ispirituwal gaya ng pagpapanik o kagulumihanan ng isipan, pagpapahirap sa sarili, kalungkutan o pagpipighati at ang paninisi sa ibang tao ay pawang walang kabutihang idudulot. Lahat ng mga nabanggit na ito ay mga kalagayang pang-isipan na hindi naaangkop sa Banal na Qur’an, siya ring mga kalagayang di kailanman mararanasan ng isang tao may matatag na pananampalataya. Sa dahilang Tanging si Allah lamang na Siyang Nakakaalam ng lahat, ang may gawa ng lahat. Lahat ay magaganap ayon sa kagustuhan ni Allah o kung gugustuhin Nıya, kung walang kapahintulutan Niya ay walang magaganap, at Siya lamang ang may kayang baguhin ang mga pangyayari. Kapag ginusto ni Allah na maganap ang mga bagay na pawang sa higit na ikakabuti ng tao, walang maaaring makapigil sa Kanya, magsama-sama man lahat ng mga puwersa sa mundo. Ang kabutihan, kagandahan, pag-ibig, paggalang at pagkalinga na inilaan ni Allah sa mga tapat na mananampalataya ay siyang tunay na malugod nilang mararanasan. Sa Banal na Qur’an, sinasabi ni Allah na walang magaganap liban na lang kung gugustuhin Niya:

“Sabihin mo sa kanila, O Muhammad (r): “Sino pa kaya ang maka-pangangalaga sa inyo mula sa Allâh (I) o di kaya ay sino ang makapagliligtas sa inyo mula sa Kanyang kaparusahan kung nanaisin ng Allâh (I) ang kapinsalaan sa inyo, o kung nanaisin Niya ang habag sa inyo, dahil ang nagkakaloob, pumipigil, nagsanhi ng kapinsalaan o nagdudulot ng kapakinabangan ay bukod-tanging Siya lamang?” At wala nang matatagpuan sila na mga mapagkunwari bukod sa Allâh (I), para sa kanilang mga sarili bilang ‘Walee’ – Tagapangalaga o makatutulong.” ( Surat al-Ahzab, 17).

“Kapag ipinagkaloob ng Allâh (I) sa inyo ang tagumpay at ang Kanyang tulong, walang sinupaman ang makatatalo sa inyo; subali’t kapag pinahamak kayo, sino pa kaya ang maaaring makapag-ahon sa inyo sa kapahamakan? Samakatuwid, sa Allâh (I) lamang nagtitiwala ang mga mananampalataya.” (Surah Al 'Imran, 160).

“At kapag sinanhi ng Allâh (I) na may mangyari sa iyo na kapinsalaan ay walang sinuman ang makapag-aalis nito bukod sa Kanya at kapag ninais (naman) Niya sa iyo na ikaw ay magkaroon ng biyaya ay walang sinuman ang makapipigil nito, at sinasanhi ng Allâh (I) na mangyari ang mga bagay na nakagagalak at ang mga nakapipinsala sa sinuman na Kanyang nais mula sa Kanyang mga alipin, dahil sa Siya ay ‘Al-Ghafour’ – Ganap na Mapagpatawad sa kasalanan ng sinumang nagsisisi, na ‘Ar-Raheem’– Napakamaawain at Ganap na Mapagmahal sa sinumang naniwala at sumunod sa Kanya.” (Surah Yunus, 107).

Dapat alalahin lagi ng taong may matibay na pananampalataya na walang sinuman ang may kayang magpabago ng takbo ng buhay ng tao kundi si Allah lamang, at wala ng iba pa. Ang pagtaliwas sa katotohang ito ay magdudulot lamang sa di pagtalima sa mga utos ni Allah.  Si Shaitan (Satanas) ay laging nakahandang bumulong sa tao - gaya ng ang lahat ng bagay ay basta lamang daw nangyayari, na kakayanin daw naman ng taong baguhin ang mga pangyayari sa sariling pamamaraan lamang – sapat na ang mga ito para guluhin ang pag-iisip ng tao. Maliwanag na hangad lamang ni Shaitan ng gibain ang katatagan ng tao at magdulot ng ibayong kalituhang magsisilbi namang maitim na ulap na babalot sa kanyang isipan at kalooban.
 

Muli, kung inilalaan ni Allah na maganap ang mga magagandang bagay, walang kahit sinumang makakapigil sa kagustuhan ni Allah. Sa kadahilang ito, marapat lamang na ang isang tunay na Muslim ay patuloy na magpamalas ng katatagan sa pagtitiwala kay Allah, ito’y sa bawa’t segundo ng buhay niya. Hinihingi na magpakita siya ng buo-buong determinasyon at ng marubdob sa pagiging matiisin. Buo dapat sa kanyang isipan na lahat ay pawang pagsubok lamang upang maging tunay na karapat-dapat siyang makarating sa Pangakong Hardin ng Paraiso.  At kapalit ng patuloy niyang pagsusumikap, buo ang pag-asa niyang makapaninirahan siya sa Pangakong Hardin sa Kabilang-Buhay – isang kaganapan bilang isang taong nakakamit ng Pagtanggap at Pag-ibig ni Allah. Sa kaalamang ito, ang tunay na mananampalataya ay lalo’t higit na magpupursigi sa pagtitiis at pag-aalay ng tiwala kay Allah lamang at walang ng iba pa....mula nagayon at hanggang sa dulo ng kanyang buhay.

IBAHAGI
logo
logo
logo
logo
logo